Miyerkules, Abril 20, 2011

Memoriam

i.
Hindi ipinagluluksa
ng buong mundo
ang kamatayan ng isang karaniwang tao.

ii.
Ordinaryo lamang sa nakararami
ang kamatayan ng isang Sally
Ordinario-Villanueva--
literal na inagawan ng hininga,
umasa sa mailap na himala.

Walang pinagkasunduang kredo
ang nagligtas, wala kahit pagmamakaawa
ng pinakamatataas,
ang nagpahinto
sa mga naglason-na-minuto ni Ramon Credo.

Mas nagluluksa ang nakararami
sa kamatayan ng alamat
ng matandang Elizabeth Taylor
kaysa buhay
ng mas batang Elizabeth Batain--
Pilipinang uuwi sa sariling bansa,
nakasilid sa palotsinang kabaong.

iii.
Hindi nga iiyak ang buong mundo
sa kamatayan ng isang karaniwang tao.
Hindi tuloy matitiyak ng buong mundo
na karaniwang mga tao ang huhubog ng paraiso.

1 komento:

  1. * "Hindi nga iiyak ang buong mundo
    sa kamatayan ng isang karaniwang tao."

    Panalo ang linyang ito, isa 'to sa hinahanap ko sa mga tula. Pagbati.

    TumugonBurahin