Sabado, Pebrero 11, 2012

Pagwawaksi

isang siglo, higit isang siglong pagpapasasa
tone-toneladang bangkay, laksang kaluluwa
isinakay sa hangin ng kawalan, ginahasa/ginagahasa
gulugod, kalamnan, utak nitong binansot na bansa
itinatatak ang markang bungo sa noo ng lupa
lunsad-digma sa patriyotikong mga pag-aalsa
ang balabal ng huwad na kawang-gawa
nagpapawis ang palad ng busabos, puspos-
galit ang nakababatid ng bandehadong pakana
militar! militar! sa baybayin, sa parang, sa kagubatan
isiwalat ang kahungkagan ng kasunduan!
laspagin, gutayin ang bulok na relasyon!
itambad ang utak ng mga naghahari-harian at basalyos--
tigib ng planong manipsip ng dugo at pawis, ilantad
ang balangkas ng imperyal na pananakop;
riple ang isasagot nitong bayang dinarahop
isang bungkos ng kangkong ang laman ng tiyan
susugod sa kaliwanagan ng bukas na makatwiran
atin ang bukas, atin ang ngayon, atin ang lupa, atin ang nasyon
sukat na magutay itong katawang lipol ng paghihirap
yaong maalwan na hinaharap ang pakay at hinagap
oo, isang siglo, sansiglo ng panlalansi at panggagahasa ang kakamkamin
ng kasalukuyan, ibibigti sa laya at hustisya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento