pagkaminsan,
gusto nating maglaho na
lamang;
iyong waring mga bulang
bibilog sa hangin
at isang kisap na mawawala.
gusto nating maglaho
'pagkat gusto nating mawala
sa realidad,
gusto nating umusad.
nilalagom tayo ng mga di inaasahan
at sukat na bigtiin natin
ang pag-asa at ipatak
ang karagatan ng luhang
bumubukal sa nilansag, nilamukos
na puso.
pagkaminsan, gusto nating magwala,
at kitlan ng tiwala
ang mundo.
pagkaminsan lamang,
pagkaminsan.
dahil ano't anuman,
oo, tanaw-mata ang dumi
ngunit pakatandaan
tumitining din
ang lusak.
*kay abbott
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento