Sising-sisi sa nangyari, umakyat siya sa kanilang bubong. Alas-nuebe ng gabi, dumadantay ang nananaksak na amihan sa kanyang kabuuan.
Inilatag niya ang likod sa kurba-kurbada, kalawanging bubungan. Kinakalmot siya ng nakausling mga pako. Wala siyang pakialam.
Gusto niyang hawakan ang mga bituin, mabait ang langit nang gabing iyon. Gusto niyang kumapit sa buwan. Patay na si Ligaya, kanyang kasintahan. Silang dalawa ang huling magkasama bago ito dambahin ng trak at tumilapon sa isa pang trak na inuuslian ng mga bakal at alambreng pang-konstruksyon. Pinag-uusapan nila, nang mga sandaling iyon, ang pangalan ng bata na kanila rin sanang lalalangin nang gabing iyon. Tala.
Tumawid si Ligaya. Naiwan siya sa bangketa, nagsisindi ng biniling sigarilyo sa mamang may basag ang pangharap na ngipin. Nadulas nang bahagya si Ligaya habang tumatawid. Naiwan ang kanang bakya, mabilis-yuko itong binalikan ni Ligaya sa gitna ng haywey. Tatawid na rin si Jojo nang mabilis na dambahin ng trak si Ligaya. Mabilis tulad ng naglalarong mga ilaw sa haywey ang mga panginorin. Nagitla si Jojo.
Gustong mamatay ni Jojo habang nakatitig sa isang bituin. Bituing ayaw magningning pero mayabang na naghahasik ng kislap. Tala.
Gusto niyang mamatay. Inihampas niya ang ulo sa nakausling pako. Makaulit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento