Nasiraan ng gulong sa utak si Jojo
nang, unti-unti, parang labahang
kumurot-humalik sa kanyang gunita
ang mga pangyayari.
Gabi. Himbing ang lahat. Humuhuni
ang mga kuliglig, sabay sa kumpas
ng di matigil na tikatik ng ulan.
May bagyo noon, ngunit walang
makababatid na may kakambal itong
delubyo. Nagising si Jojo, naalimpungatan.
Parang may kumakatok na dambuhalang
kamao sa dingding ng kanilang kubo-
kubohan. Rumiritmo ang toktoktok.
Rumagasa ang malapot na putik.
Pikit-matang dumaan ang mga panginorin
kay Jojo: humampas ang troso sa isang
ulo, kumapit sa puno ang isang binatilyo,
dahon na naglalalangoy sa putik
ang mga kapitbahay, binubura ng ragasa
ang kanilang bayan.
Nasiraan ng gulong sa utak, si Jojo
ay humahalakhak. Lima sila sa pamilya,
siya ang sawimpalad na binuhay. Hindi
niya maikuwento ang mga pangyayari.
Sa gunita, nakangiti ang langit, maaliwalas
ang lahat. Wala sa mundo, nasa labi ni Jojo
ang ating tinutungo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento