Sabado, Enero 28, 2012

Kay Mike Enriquez

imbes na kung anu-anong salita
ang ibato mo sa masang inalipusta
bakit di ka mag-imbestiga
kung bakit ganoon katigas ang kanilang
kamao o kung bakit singtalas ng patalim
ang kanilang paninindigan
baka sakaling matunton mo ang dahilan
at lamunin mo ang iyong kakitiran.

Palalim

ayaw nang tumula ng tula
tulad ng dati (hindi ko alam kung
ng o nang ang gagamitin ko sa tulad
__ dati) nabasa ko ang salvaged poems
ni eman, lumitaw sa pagitan ng mga pahina
ng maikling kathang tagalog nina AGA
ang isang maliit na anay, ayaw nang tumula
ng tula tulad ng/nang dati. sabi ni pia,
lutang ako, at ano nga ba daw ang balak ko.
alam na niya ang sagot. kanina, naglakad
sa kuwarto ang patikim ni mark angeles, naka-
ipit sa libro ang regi. form ng kapatid kong
red warrior, 20,000 mahigit. naiiyak ako.
katatapos ko lang magkape kasabay ng saging.
nakatapat sa akin ang bentilador at mag-isa lang
akong nakatapat sa blangkong espasyong
nakadamit na puti. ayaw nang tumula ng tula,
tulad dati, nasa bayan ang tula. hinihingi na
ni jack ang bukowski niya, akin na ang angina
pectoris. nasa bayan ang tula, dapat.
ngayon, tulala akong nagpapanggap na tumutula.
nakasilip sa salansan ng mga libro ang
kung baga sa bigas ni pete lacaba. nasa bayan ang tula
tulala ang bayan. ibalik sa mamamayan, kung ang tula
ay pumpon. nagsasala-salabat ang mga salita.
tulad ng/nang dati, hinahanap ng sarili ang kanyang
kahulugan at katuturan. tumutula ang tula, nasaan ang bayan?
tula/d ng makata, tugma at sukat, hindi mapagtugma
hindi masukat hanggang ngayon. tulad ngayon
malalim kong tinutunton ang gusto kong ilantad.
nasaan ang bayan? nasaan ang tula? tulad ng/nang
dati, gusto kong tumula/sabayan. sa bayan.
sandali, humabol sa mata, kung tuyo na ang luha mo
ni AVH. wakas.

Lumang Bagong Kuwentong Hindi Nababasa Sa Diyaryo

Nasiraan ng gulong sa utak si Jojo
nang, unti-unti, parang labahang
kumurot-humalik sa kanyang gunita
ang mga pangyayari.
Gabi. Himbing ang lahat. Humuhuni
ang mga kuliglig, sabay sa kumpas
ng di matigil na tikatik ng ulan.
May bagyo noon, ngunit walang
makababatid na may kakambal itong
delubyo. Nagising si Jojo, naalimpungatan.
Parang may kumakatok na dambuhalang
kamao sa dingding ng kanilang kubo-
kubohan. Rumiritmo ang toktoktok.
Rumagasa ang malapot na putik.
Pikit-matang dumaan ang mga panginorin
kay Jojo: humampas ang troso sa isang
ulo, kumapit sa puno ang isang binatilyo,
dahon na naglalalangoy sa putik
ang mga kapitbahay, binubura ng ragasa
ang kanilang bayan.
Nasiraan ng gulong sa utak, si Jojo
ay humahalakhak. Lima sila sa pamilya,
siya ang sawimpalad na binuhay. Hindi
niya maikuwento ang mga pangyayari.
Sa gunita, nakangiti ang langit, maaliwalas
ang lahat. Wala sa mundo, nasa labi ni Jojo
ang ating tinutungo.

Sinaing

Nagsaing sila
ng alinlangan.
Kumukulong duda ang init
sa loob
ng kaldero nilang dibdib.
Sandali na lamang,
mai-inin na
ang isinasaing. Hindi
nasunog ni nalata,
inihapag nila sa dulang
ang galit at pangamba.
Kakain sila ng pagdududa
at selos.
Sasayaw sa mesa
ang mga kubyertos,
mga mata at bibig.
Baliktad-sikmurang
magpapaalam sa dulang,
maghihiwalay
silang
bagong-lalang.

Sa Dulang Ng Langit

Ipinaghahanda ko siya ng bukas
at bukas palad niya akong iniha--

handa sa malapit na hinaharap
na aming haharapin.

Maalinlangan ang alinsangan
ng kahapon, at sa lilim ng mga

ulap, pangarap ang makatuwang
ang kanyang pagpupursiging

ihain sa akin, hindi man ngayon,
ang payak na tipan ng kadakilaan.

Ipinaghahanda ko siya ng bukas
at handa akong ihapag sa

kanya ang aking "oo". Wala mang
magarbong handa ang pag-iisa

ng aming mga puso.

*kay Jack at Farren

Pagkakataon

sumasabit sa lakbay ng ligaya ang alikabok ng hapis
sumisiksik sa puwang, sa bitak ng lupa ang puwing
ng lumipas. sa gilid ng tanaw, tumatangis ang batis
habang magalak na nagtatatalon ang mga isda't
sumasayaw sa hangin ang mga dahon.

sumasabit, sumisiksik sa lakbay ng ligaya, hapis
at puwing nang di iniimbita.

nagbabanta ang mga alat sa talukap ng mata.

Musmos*

parang mga batang naglalaro
ng langit-lupa, piko, patintero
itong salimbayan ng ating puso
sa mga hapong tapos na ang klase
walang hubad-hubad ng uniporme
diretso tayo sa lansangan
pagpapawisin mga likod at noo natin
ipupunas sa nanlalagkit na katawan
kuwelyo at manggas
sa ihip ng hangin, buong pitagan tayong
masisiyahan
muling maghahabulan
kakandi-kandirit, at kantiyawang
mauuwi sa inis, magkakagalit
lulubog ang araw, sisilip ang buwan
malilimot natin ang kaninang asaran
kasabay ng pamumukadkad
ng mga bituin
panatag nating ihihimbing
ang sarili
sa patag na lapat ng banig

muli, bukas ng hapon
wala tayong kahapon
wala tayong inipon
kinipkip na pait
at maglalaro tayo, itong
musmos nating mga puso
madarapa, babangon
maglalakad, hawak-kamay
tunton ang iisang
destinasyon.

*kay G.