ayaw nang tumula ng tula
tulad ng dati (hindi ko alam kung
ng o nang ang gagamitin ko sa tulad
__ dati) nabasa ko ang salvaged poems
ni eman, lumitaw sa pagitan ng mga pahina
ng maikling kathang tagalog nina AGA
ang isang maliit na anay, ayaw nang tumula
ng tula tulad ng/nang dati. sabi ni pia,
lutang ako, at ano nga ba daw ang balak ko.
alam na niya ang sagot. kanina, naglakad
sa kuwarto ang patikim ni mark angeles, naka-
ipit sa libro ang regi. form ng kapatid kong
red warrior, 20,000 mahigit. naiiyak ako.
katatapos ko lang magkape kasabay ng saging.
nakatapat sa akin ang bentilador at mag-isa lang
akong nakatapat sa blangkong espasyong
nakadamit na puti. ayaw nang tumula ng tula,
tulad dati, nasa bayan ang tula. hinihingi na
ni jack ang bukowski niya, akin na ang angina
pectoris. nasa bayan ang tula, dapat.
ngayon, tulala akong nagpapanggap na tumutula.
nakasilip sa salansan ng mga libro ang
kung baga sa bigas ni pete lacaba. nasa bayan ang tula
tulala ang bayan. ibalik sa mamamayan, kung ang tula
ay pumpon. nagsasala-salabat ang mga salita.
tulad ng/nang dati, hinahanap ng sarili ang kanyang
kahulugan at katuturan. tumutula ang tula, nasaan ang bayan?
tula/d ng makata, tugma at sukat, hindi mapagtugma
hindi masukat hanggang ngayon. tulad ngayon
malalim kong tinutunton ang gusto kong ilantad.
nasaan ang bayan? nasaan ang tula? tulad ng/nang
dati, gusto kong tumula/sabayan. sa bayan.
sandali, humabol sa mata, kung tuyo na ang luha mo
ni AVH. wakas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento