parang mga batang naglalaro
ng langit-lupa, piko, patintero
itong salimbayan ng ating puso
sa mga hapong tapos na ang klase
walang hubad-hubad ng uniporme
diretso tayo sa lansangan
pagpapawisin mga likod at noo natin
ipupunas sa nanlalagkit na katawan
kuwelyo at manggas
sa ihip ng hangin, buong pitagan tayong
masisiyahan
muling maghahabulan
kakandi-kandirit, at kantiyawang
mauuwi sa inis, magkakagalit
lulubog ang araw, sisilip ang buwan
malilimot natin ang kaninang asaran
kasabay ng pamumukadkad
ng mga bituin
panatag nating ihihimbing
ang sarili
sa patag na lapat ng banig
muli, bukas ng hapon
wala tayong kahapon
wala tayong inipon
kinipkip na pait
at maglalaro tayo, itong
musmos nating mga puso
madarapa, babangon
maglalakad, hawak-kamay
tunton ang iisang
destinasyon.
*kay G.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento