Tutuban ng aking kabataan, anong lagim,
anong punyal na nakatarak sa aking isipan
ang larawan mong nilalamon ng maitim na ulap
ng usok at ng malilikot na dila ng kahel na apoy.
Ngayong isa kang pangitain ng kawalang-sagot
sa mga bakit at paano, kailan at saan;
ipinanunumbalik ng iyong kasalukyang kalagayan
ang naglahong gunita ng aking kabataan:
noong bawat sulok mo'y kilala ng aking mga paa,
ang mga palaruan, ang mga basag na baldosa,
ang mga hagdan, ang makikislap mong ilaw at
ang tansuing tindig ni Bonifacio--ang puso ng iyong
pagkakakilanlan.
Nagbabanyuhay pa man din ang iyong kaanyuan,
ano't sumpa ang mga pagbabago sa iyong tadyang?
Tutuban ng aking kabataan, ikaw na laging kaulayaw
ng aking mga paa sa mga sandali ng paghahanap
ng sarili at materyal na hiling, igawad mo sa apoy
ang iyong kasaysayan--kasaysayang pinagsaluhan
ng libong mga paa, ng maputik na lupa, ng kultura
ng kapital at tubo, ng mga tela, ng mga suluk-sulok
na lihim ng kahirapan sa iyong paligid--igawad mo sa apoy
ang dapat nitong maunawa: sa iyo sumaysay ang gulok
ng Rebolusyon, ang gulok ni Bonifacio.
"Ang Tula, tulad ng tinapay, ay para sa lahat." --Roque Dalton, salin ni Rogelio Ordoñez
Sabado, Setyembre 22, 2012
Mirasol
“The meaning of life is that it stops.”
– Franz Kafka
gaano man katingkad ang araw na nagpapahiwatig
ng galak, ng sidhi, ng tuwa, ng pananalig--humihinto
ang mga paa sa paglalakad; tulad ng mirasol na nakatitig
dito, niluluoy ng pagbabakasakali, ng pagtatangka,
ng hikayat ng pag-asang lagi't laging may bukas, na,
oo, lagi't lagi nga ngunit hindi ito nakalaan para sa lahat
maaring bukas, ang tingkad ng araw ay nilamon ng kimpal
ng makutim na ulap o maging ang ulap ay nilamon
ng mga gusaling nagmamayabang, kaya nga't namumutla
ang mga mirasol: nangangamatay, kinikitlan ng hininga
at ng katuturan para magpangiti sa labi ng mga naliligaw
gaano man kadalisay ang lahat ng bagay, gaano man
kasama ang paligid, gaano man pagsamantalahan ng
mga kamaong mapanglitis ang lahat-lahat, lagi at laging
pumapanaw ang silbi ng paghinga at paglalakad:
naglalaho ang kahulugan ng ligaya, naglalaho ang kahulugan
ng kalungkutan: tulad ng araw, ng mirasol, ng mga gusali
ang kahuluga'y ipinauunawa sa iisang tuldok, tayong lahat.
Puyo
tumilapon ang anino sa lupa
nang tangkain kong lisanin
ang malay
lumisan ang malay sa pagtatangka
nang tumilapon sa lupa
ang anino
nang tangkain kong lisanin
ang malay
lumisan ang malay sa pagtatangka
nang tumilapon sa lupa
ang anino
Tulang Alay Sa Nakalambiting Kawad Ng Koryente
anong saklap na masdan kang animo'y kalungkutang sinala
ng panahon.
bumitaw sa bigkis ng mga katuad,
paano ko iaalay ang aking mga kamay
upang isapi ka
muli
sa iniwang buklod ng mga ugat
kung ibinabadya mo ang dilang magsusunog
sa aking balat?
tingin ko'y pakay mong halikan ang lupa, hindi man,
nais mo marahil ay magnila'y malayo sa katulad
mong ugat ng dagitab; manatiling
nakaugnay sa posteng matalisik.
hiling ko lamang, huwag mo sanang padaluyan
ng bangis, ng dila mong malupit,
ng dagitab mong ngalit,
ang paslit
na pakay kang
kalakalin.
ng panahon.
bumitaw sa bigkis ng mga katuad,
paano ko iaalay ang aking mga kamay
upang isapi ka
muli
sa iniwang buklod ng mga ugat
kung ibinabadya mo ang dilang magsusunog
sa aking balat?
tingin ko'y pakay mong halikan ang lupa, hindi man,
nais mo marahil ay magnila'y malayo sa katulad
mong ugat ng dagitab; manatiling
nakaugnay sa posteng matalisik.
hiling ko lamang, huwag mo sanang padaluyan
ng bangis, ng dila mong malupit,
ng dagitab mong ngalit,
ang paslit
na pakay kang
kalakalin.
Martes, Agosto 28, 2012
Tula Sa Unang Taon Ng Ating Katiyakan
natatandaan mo ba,
ang araw na iyong
nangingimi pa akong hawakan
ang iyong kamay
habang masinsin ang patak ng ulan
sa inako nating liwasan
sa pusod ng nanunuot na lamig ng gabi;
nang ilangkap natin sa sandali
ang anumang maaring mangyari
sa puntong iyon ng ating pagbabakasali
na baka ikaw at ako
o baka hanggang doon lamang
ang tiyak sa ating umpisa
o baka iyon ay simula lamang
ng panunukat sa ating mga layunin?
natatandaan mo ba,
nang ipagbawal mo ang pag-usal
ng wikang hindi maikakarsel sa dibdib
at ako ang pangahas na lumabag
habang tumatawid tayo
sa lansangang kilala mo
at kilala ko na rin ngayon;
nang maaninag natin ang kislap
sa pagitan ng ating mga pagkakaiba,
nang ibigkis natin ang pagkakatulad
ng ating mga hangarin at panlasa?
natatandaan mo ba,
nang paglaruan natin ang katahimikan
at sakyan ang luho ng mga hiningang
umaawit sa dilim?
iyon ang unang pagkakataong sumapi
tayo sa walang ngalang pananalig
sa idinidikta ng mga pintig at bisig,
na ngayo'y paraiso ng ating mga ngiti
bawat pagtatangka at pagwawagi.
natatandaan mo ba,
ang maraming kunot-noo at daplis-daplisang
saksak ng mga alinlangan at kurot
ng mga luhang ibinadya ng takot at pangamba
nang ipinipilit ng paligid ang hindi
marapat para sa ating dalawa?
hindi tayo kailanman bumitiw.
hindi tayo bumitiw kailanman.
hindi tayo kailanman bibitiw.
hindi tayo bibitiw kailanman.
natatandaan mo ba,
tatlong daan at animnapu't limang umaga
at gabi mula noon, umaalab, mas masidhi
ang katiyakang laging may bukas
para sa ating dalawa
sa piling ng isa't isa.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)


