Tutuban ng aking kabataan, anong lagim,
anong punyal na nakatarak sa aking isipan
ang larawan mong nilalamon ng maitim na ulap
ng usok at ng malilikot na dila ng kahel na apoy.
Ngayong isa kang pangitain ng kawalang-sagot
sa mga bakit at paano, kailan at saan;
ipinanunumbalik ng iyong kasalukyang kalagayan
ang naglahong gunita ng aking kabataan:
noong bawat sulok mo'y kilala ng aking mga paa,
ang mga palaruan, ang mga basag na baldosa,
ang mga hagdan, ang makikislap mong ilaw at
ang tansuing tindig ni Bonifacio--ang puso ng iyong
pagkakakilanlan.
Nagbabanyuhay pa man din ang iyong kaanyuan,
ano't sumpa ang mga pagbabago sa iyong tadyang?
Tutuban ng aking kabataan, ikaw na laging kaulayaw
ng aking mga paa sa mga sandali ng paghahanap
ng sarili at materyal na hiling, igawad mo sa apoy
ang iyong kasaysayan--kasaysayang pinagsaluhan
ng libong mga paa, ng maputik na lupa, ng kultura
ng kapital at tubo, ng mga tela, ng mga suluk-sulok
na lihim ng kahirapan sa iyong paligid--igawad mo sa apoy
ang dapat nitong maunawa: sa iyo sumaysay ang gulok
ng Rebolusyon, ang gulok ni Bonifacio.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento