Martes, Agosto 28, 2012

Tula Sa Unang Taon Ng Ating Katiyakan














natatandaan mo ba,
ang araw na iyong
nangingimi pa akong hawakan
ang iyong kamay
habang masinsin ang patak ng ulan
sa inako nating liwasan
sa pusod ng nanunuot na lamig ng gabi;
nang ilangkap natin sa sandali
ang anumang maaring mangyari
sa puntong iyon ng ating pagbabakasali
na baka ikaw at ako
o baka hanggang doon lamang
ang tiyak sa ating umpisa
o baka iyon ay simula lamang
ng panunukat sa ating mga layunin?

natatandaan mo ba,
nang ipagbawal mo ang pag-usal
ng wikang hindi maikakarsel sa dibdib
at ako ang pangahas na lumabag
habang tumatawid tayo
sa lansangang kilala mo
at kilala ko na rin ngayon;
nang maaninag natin ang kislap
sa pagitan ng ating mga pagkakaiba,
nang ibigkis natin ang pagkakatulad
ng ating mga hangarin at panlasa?

natatandaan mo ba,
nang paglaruan natin ang katahimikan
at sakyan ang luho ng mga hiningang
umaawit sa dilim?
iyon ang unang pagkakataong sumapi
tayo sa walang ngalang pananalig
sa idinidikta ng mga pintig at bisig,
na ngayo'y paraiso ng ating mga ngiti
bawat pagtatangka at pagwawagi.

natatandaan mo ba,
ang maraming kunot-noo at daplis-daplisang
saksak ng mga alinlangan at kurot
ng mga luhang ibinadya ng takot at pangamba
nang ipinipilit ng paligid ang hindi
marapat para sa ating dalawa?
hindi tayo kailanman bumitiw.
hindi tayo bumitiw kailanman.
hindi tayo kailanman bibitiw.
hindi tayo bibitiw kailanman.

natatandaan mo ba,
tatlong daan at animnapu't limang umaga
at gabi mula noon, umaalab, mas masidhi
ang katiyakang laging may bukas
para sa ating dalawa
sa piling ng isa't isa.

3 komento:

  1. umabot man ng ilang taon...walang
    k
    a
    t
    i
    y
    a
    k
    a
    n an
    g lah
    at....

    TumugonBurahin
  2. ilapat mo sa iyo yan pare... umabot man sa kasukdulan, anong katiyakan mayroon sa singsing at sumpaan?

    rush is made, rush is ruin.

    TumugonBurahin