Sabado, Setyembre 22, 2012

Tulang Alay Sa Nakalambiting Kawad Ng Koryente

anong saklap na masdan kang animo'y kalungkutang sinala
ng panahon.
bumitaw sa bigkis ng mga katuad,
paano ko iaalay ang aking mga kamay
upang isapi ka
muli
sa iniwang buklod ng mga ugat
kung ibinabadya mo ang dilang magsusunog
sa aking balat?

tingin ko'y pakay mong halikan ang lupa, hindi man,
nais mo marahil ay magnila'y malayo sa katulad
mong ugat ng dagitab; manatiling
nakaugnay sa posteng matalisik.

hiling ko lamang, huwag mo sanang padaluyan
ng bangis, ng dila mong malupit,
ng dagitab mong ngalit,
ang paslit
na pakay kang
kalakalin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento