Sabado, Agosto 21, 2010

Exodus

Namasdan ko
Isang malamig na umaga
Sa putikang bangketa
Sa ‘di natutulog na Divisoria
Ginigising ng isang guwardiya
Mga batang pulubing naghambalang
Nahihimbing
Sa tapat ng isang establisimyento
Kasiping ng mga pulubi
Ang lamig ng semento kaniig
Ang manhid na karton

Gising, gising!
Sambit ng guwardiyang nakangisi
Gulantang
Walang-angal na nagsibangon
Mga pulubing namumula pa
Ang mga matang minuta
Dahil sa biglaang paggambala
Ng nakangising guwardiya
Kumikislap pa ang tutulong laway
Sa gilid ng labing tuyo
Ng tatlong taong gulang
Na batang pulubi

At aywan
Nakaramdam ng panlulumo
Sa eksenang iyon
Tumibo sa puso

Saan ang tungo ng mga pulubing ninakawan ng himbing?

At tumutusok, dumidikdik
Sa utak ko, ngayon
Ang ingit ng kurtinang-tarangkahan
Ng malaking establisimyentong
Nilisan ng mga pulubi
Establisimyentong nagtitinda
Nag-aalok, nag-papahulugan
Ng malalambot, mababangong
Unan, kutson, kumot at kama

Nais kong matulog sa bangketa sa piling
Ng mga pulubi’t taong grasa mam’yang gabi

Saan ko sila makikita?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento