hindi mo kailangan ng arkitekto
o inhinyero para magtayo
magtindig ng barung-barong
hindi kailangang magsukat ng lupa
o maghukay ng buhangin
gumamit ng blueprint
o mag-ruler at t-square
hindi mo kailangan ng paglalakad
ng permiso na magtayo
ng iyong barung-barong
ng mga papeles at dokumento
binobobo ka lang nito
walang titulo ang barung-barong
hindi kailangan ng linya ng tubig
o linya ng kuryente
malaya na magsabit-sabit sa mga poste
mag-ingat lang sa mga live wire na kable
hindi kailangan ng telepono
may mga tingi naman sa tabi-tabi
hindi mo kailangan ng mga hollow blocks
bakal, tubo, semento, karpintero
trabahador, hindi mo sila kailangan
dahil sa mga bisig mo pa lang ay ayos na
ang pagtatagpi, pagtatali, pagdidikit
wala kang kailangang gamit
sa loob ng iyong barung-barong
sapat na ang gasera at maliit na karton
lagakan ng mga basahang damit
ng maliit na papag, na kaya mong mamaluktot
ng isang baso, pinggan at pitsel
sapat-sapat na iyan
hindi mo kailangan ng luho sa barung-barong
hindi mo kailngan ang mga magagara
dahil wala kang pera, walang iyayabang
ang kailangan mo ay lumang playwud
karton na matibay, pwedeng lawanit
ilang pirasong dos-por-dos, tarpolina
o trapal at gulong at ilang pako at turnilyo
kailangan mo ang mga ito
nang maitindig mo agad
ang barung-barong na matagal mo nang
pangarap
nga pala,
magandang puwesto ang mga
bangketa o ilalim ng tulay
o sa gilid ng riles
subok na at matatag
ang mga barung-barong doon
magtindig ka kapag gabi!
kailangan mo rin pala
ng isang maliit na lanseta
pananggol sa sarili
kung may demolisyon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento