mapalad ako ngayong gabi
dinig ko ang ritmo
ng karaging bentilador
waring plegarya
ang inaawit
ng magwawakas na dilim
ang malamyang pagsasayaw
ng mga agiw sa kisame'y tila
paggunita sa mabagal na takbo
ng buhay
sumisigaw ang mga numero
sa kalendaryong papel
humihiyaw ng maraming dahilan
upang gumising kinabukasan
bumubulong ang mga aklat
sa lamesitang sirain:
hubaran mo kami ng letra
at ipahawak mo sa amin
ang iyong diwa
nakangiti
nakaloloko ang mga lumang laruan
nagpapagunitang masaya ang buhay
nguni't masaya nga ba ang buhay?
nandudumilat
ang ilaw-dagitab
binabantayan
ang unti-unti kong pagkakaagnas
sa piling ng malambot na kutson
at unang mabango
hinihikayat ako ng laganap
na katahimikan;
pigain ang esensiya
ng mga bagay-bagay
at, oo, ngayong gabi
naglulunoy ako
nababaliw sa paggagap
ng hindi maarok na kaalaman
nahihibang sa pagpapalipad
ng isipang nagnanaknak
nagtatanong ng kabuluhan
pilit inuunawa ang buhay
buhay sa sanlibutan
nililigid bawat sulok ng utak
hinahanap ang kasagutan
samantalang nahihimbing
sa kunsaan
ilang milyong sanggol
nahihimbing sa siping
ng diyaryong-unan
at kartong-banig
habang umuulan
ng alinlangan sa puso ng ina
kung anong kinabukasan
ang lalandasin ng anak
at mapalad pa nga ba ako?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento