Huwebes, Pebrero 17, 2011

Wala Pa Ring Makapagturo Kay Mario Condes

wala pa ring makapagturo kay Mario Condes.
nakulong na't inabuso, ginipit, ninakawan
ng laya at karapatan ang apatnapu't tatlo
at may naiwan pang walo
hanggang ngayo'y ni anino
ng likhang-malignong si Mario
ay 'di masipat ng mga demonyo.

wala pa ring nakakikilala kay Mario Condes.
paano mo nga ba makikita, makikilala
ang isang malignong nilikha sa pulbura?
walang Mario Condes sa Morong, Rizal
walang Mario Condes sa Barangay Maybangkal
nguni't nakulong, dinahas at abuso-sikolohikal
ang sumaklot, dumatal 
sa nag-aabot kalinga't pagmamahal
sa mamamayang nilimot lunasan ng estadong tuod
anong lohika mayroon sa isang batalyong sundalo
at ilang pulis-de-susi
na huhuli sa isang taong walang konkretong hininga
ni bakas, ni pagkakakilala
kundi isang Mario Condes lamang na kahina-hinala?

wala pa ring makagsabi kung sino si Mario Condes.
kung ito ba'y humihinga o naglalagalag lang sa tabi-tabi
kung ito ba'y gigiya na nama't magtuturo
ng walang ngalang mga bayani
bayaning nag-aalok tulong, naglalapat ng lunas
sa mga walang banig ni bubong o gasa sa sugat
walang tableta sa sipon o bakuna sa tigdas
walang ospital ni klinika o kapsula sa lagnat.

wala pa ring nakakakita kay Mario Condes.
at walang makakakita kay Mario Condes.
ito'y anonimong nilalang lamang na hinulma
sa malikhaing bao ng mga pinatapang
ng patig at gatilyo.

Walo Sa Apatnapu't Tatlo

ang patuloy na ikinandado

iniluwa na ng karsel
tatlumpu't limang siniil
walo ang naiwang nakahimpil
ginipit, giniitan
ng mga imbentong kuwento
na tuluyang magpipiit
sa walo pang manggagamot
ng bayang nilulumpo
sa lagim at takot

walang makalilimot

hindi sa tatlumpu't lima
tayo titigil
walo pa ang sinusupil
ng mga inutil.


*Walo pa ang naiwang nakapiit. Palayain ang mga detenidong-pulitikal! Palayain ang natitirang Walo sa Morong 43!

Pinapatay Ko Sila Sa Aking Isipan*

hindi ko na maigalaw ang mga paa ko.
manhid na ito.
pero pakiramdam ko'y
lumilipad ako
pati ang diwa kong naninirahan
sa ngitngit at galit.
pinipilit nila akong lumakad
gayong dinurog ng puluhan
ng kanilang mga armalayt
ang aking tuhod.
kung makasusuntok lamang ako
alam kong walang sala,
mababasag ko ang mukha 
ng mga halimaw na ito.
ang mga halimaw na itong
pulbura ang laman ng ulo
abuso't gatilyo ang puso.

pinapatay ko sila sa aking isipan.
habang nagngingisian
nagtatawanan sila,
sa diwa ko'y hinahatulan sila
ng hukumang bayan.
gagawing kalis ng punyagi
kanilang mga bungo.
gagamiting pang-aliw aso
kanilang mga buto.
at ang bola ng kanilang mga mata
pagugulungin mulang tuktok
pababa
sa sukal ng kabundukan.
mapapatay ko sila sa aking diwa.

pinapatay ko sila sa aking isipan.
alam kong mapapatay ko sila.
bago nila kami katayin.
alam kong patay na sila.

pinapatay ko sila sa aking isipan.
papatayin sila ng alab ng kilusan.
magwawagi ang digmang-bayan.

Binyag At Binyag

pebrero.

bininyagan ako
sa simbahan
kung saan ako
noon
bininyagan
upang
maging isang
kristiyano
isang sanggol
na walang
tutol
sa hatol
ng matatanda.

naging isa akong ganap
na tao
may isip at puso
nang bininyagan ako
muli
sa simbahan
kung saan ako
noon
bininyagan
upang
maging isang
kristiyano.

iyon ang binyag
ng sakit sa puso
ng ngayon sa kahapon
at hinala sa bukas
natuklasan ko
ang pait ng galit
at haraya ng saya
hiwa ng luha
at tapik ng gunita
nang binyagan ako
sa simbahan
kung saan ako
noon
bininyagan
upang
maging isang
kristiyano
may sarili nang huwisyo
hindi tumutol
sa hatol
ng puso.

bininyagan ako
sa simbahan
kung saan
walang tutol
akong sanggol
na naging kristiyano.

naging ganap
na tao ako
dalawampu at isang taon
nang binyagan ako...

tao.

Lunes, Pebrero 14, 2011

Unang Pag-ibig at Pag-igib

May tatlo akong kuwento na matagal ko nang nagawa. Dalawang taon o tatlo na yata ang lumipas. Ang totoo'y sa kuwento ako unang nangahas. Mahal ko ang Prosa, una bago ang Tula. Pero Tula ang yumakap sa akin, hinaplos lamang ako ng  Prosa at iniwan kalaunan, sa pag-aakalang magkakatugma kami. Tula ang kasintahan ko sa kasalukuyan.

Ang una kong kuwento ay hinalaw sa istruktura ng kanta. Aktibismo. May pagka-Mendiola theme, rally. Iyong ikalawa,  nahumaling ako sa sikolohikal na banat sa Prosa, partikular sa "criminal tendency." Impluwensya ni Tony Perez. Kaya trahedya 'yung naging resulta at sa katunayan nga, halos lahat ng kuwento kong nalikha ay sinaklutan ng kamatayan: ng mismong mga karakter. Naniniwala ako kay EMR: "Tragedy is Hope!",  kaya paumanhin sa mga takot sa pagpatay, patay o kamatayan. At sa ikatlo't panghuli, tinangka kong kaltasin ang gawing dialogue sa Prosa, alisan ng panipi hanggat maaari at gumamit lang ng mga talata. Eksperimento de Gago, kahit wala pa sa kalingkingan ng mga dambuhala.

Hindi ko alam kung tama ang mga pinaggagawa ko. Wala pa akong Lisensya upang magkuwento (maging sa tula). Pero nakatatlo na. Ibig sabihin, maari akong makulong. Premature Abuse of Writing. Hilaw pa't kulang sa sustansiya ang binuo kong mga prosa, at baka mapalo ako sa puwet ng mga "pormalista" kung ihahain ko ito sa kanilang mesa. O dili kaya'y kutusan ng mga saradong Modernista at agresibong Post-modernista: "Hoy! Anong ini-epal mo dito? Mag-aral ka muna!", baka iyan lang ang maibato sa akin. Nakatatakot!

Kaya nga't heto, sa inyo na lamang. Gusto kong humingi ng kuwento. Mga kuwento niyo sa kuwento ko. Pangit. Hindi maganda. Bulagsak. Mabaho. Nagpipilit. Walang batbat. Kahit ano, gusto ko ang inyong mga komentaryo. Pampatibay ng puso o pampadurog ng buto, wala akong pakialam. Maligaya akong basahin ninyo. Doon lang solb na ako.

Ang karaniwang mambabasa ang pinakamahusay na hurado ng isang akda. Walang batbat ang mga pinagpipitagang "manunulat" ng Palanca sa talas ng kritisismo ng karaniwang tao. Sa inyo ako hihingi ng lakas, para maging Superhero. Nang makatugpa sa landas ng Prosa, na mahal ko nga'ng talaga at timba ng aking talinghaga.

Mula sa Google ang Larawan

Miyerkules, Pebrero 9, 2011

Kawing-kawing

nasusunog ang mga kabahayan
nagtatangis ang nasusunugan
sa Barangay North            Triangle

abala namang nagtataka ang ilan
sa kamatayan ng isang      Angel-
o Reyes

masayang maisasakatuparan
ng mga                               lintik
na Ayala
planong
Quezon City Business        District

at ang pangulong nagdiriwang 
ng ikalimampu't isang                      kaarawan
abot-langit ang kasiyahan
rehistrado na kasi
kaniyang bagong mga                    laruan
ang Lexus at Porsche'ng
minumulto
ng madugong                                 tubuhan.

Dismaya

sa balat ng balikat nakasulsi
ang limang estrelya
limang estrelyang niluma
ng iisang punglo
pinatagos sa sariling dibdib
iniluwal ng kalabit
ng sariling daliri

sa harap ng mga magulang
na minsan ding nagsabit
sa iyong dibdib 
ng tinamong karangalan
ipinasyang kamatayan
ang kapasyahan
ng kamalia't kasakiman

sa harap ng takang mamamayan
iniwan mo ang katanungan
dinala mo sa hantungan
baul ng kasagutan
silang ninanakawan 
ng kanin, ng banig, ng bubong,
laya at karapatan
dismayadong makikiramay
sa pararangalan mong bangkay

titingalain ka pang dakila ng iilan
nguni't ang karaniwang mamamayan
ang magtutuwid
ng sarili mong kahinaan...


He did not die with Honor, dude...He died with HORROR! The things he made...graft and corruption! Kawawa ang mga sundalo natin....maliit ang sweldo, luma ang mga gamit...tapos ang mga heneral ang lalaki ng mansion, malalaki ang tiyan! Di na kaya ng konsensya nya, matalino pa naman sya, military man, tapos duwag pala at ayaw harapin ang katotohanan ng kasuklaman nya!
--komentaryo ni Sweetpanini sa balitang nai-post sa Yahoo! Philippines: "Former defense secretary dies of gunshot wound,"  Pebrero 08, 2010

Lunes, Pebrero 7, 2011

Ngayong Gabi

tatangkain kong lumalang
ng tulang makikipagsabayan sa panahon
tulad baga ng "o, captain! my captain!"
o dili kaya'y "the woods are lovely and deep
but i have promises to keep,"
nguni't
hindi payapang karagatan
misteryosong kagubatan
ang ating lipunan
halata nang ako'y nagpipilit
at tiyak, marami ang magagalit
pupunahin ang gamit ng porma
ng gramatika't salita
ano nga bang teorya ang isinangkap?
saang samahan ka lumalanghap
ng hangin ng pagiging malikhain?

paano kung ako lamang ang ako?
ang tulang hindi sumisingit nang pilit
sa bungkos ng nagyayabangang tugma
teorya, talinghaga, sukat at barkadahan
ng sirkulong inaangkin ang kadakilaan?

paano kung ako
ang makatang sumasagot 
sa tanong
na "para kanino"?

tablado't garantisado
hindi ito kabilang sa gradwado,
mga tulang lawrelyado

sambayanan ang kumikilatis
aling sining ang malilitis,
anong sining ang mapapanis?

bagama't tiyak na kasaysayan
ang pipitas at magpuputong
ng koronang rosas
sa mga estropang nilingkis
ng dugo at hinagpis
iyong tulad baga ng "he has merged with the trees"
at "By cokkis lilly woundis"...

Piyok

ginugunita kita sa mga titik
ng mga awiting tumatapik
sa matamlay na paghimlay
sa nauulilang gabi

sinubok kong abutin ang himig
ng melodramatikong linya
ng awiting nakalilibog
sa alaala

nang pumiyok ang nagtangkang tinig
at natulilig
ang kapitbahayan kong nilalagom
ng gumigiling na aliw
ng malamig
na gabi

hindi nga pala
nahihilig
ang aming komunidad sa awit ng pag-ibig
mandin sa himig
ng kani-kanilang konsiyerto
ng bituka, likod at balat
sa entablado ng sardinas, kulambo
at banig
ang gusto't hilig
nilang laway, pawis at dugo
ang idinidilig
sa nagputik na looban...

walang dapat ikagalit
ang awiting may kilig

tulog na bumibirit ang haplit
ng kanilang galit at pasakit
sa sari-sariling galising binti't bisig
hindi nga pala
nahihilig
ang aming komunidad sa awit ng pag-ibig

walang dapat ikagalit
ang awiting may kilig

maliwanag na kung bakit
pumiyok ang makasarili,
nagtangka kong tinig.

Sa Panaginip

napanaginipan kita
nagwawalis sa isang bakuran
hindi pa ganap na bukas
ang mata ng araw no'n
pinagmamasdan kita
nakasilip lang ako sa isang maliit
na bintana
ikaw pa rin iyon
ang marahan mong pagwawalis
na hindi baga makalikha ng ingay
nakadaster kang tila nagluwal na
ng apat, anim na supling
napakaganda mo
walang kaparis ang payak mong anyo
pinusod na mga buhok
mumurahing gomang sinelas
kaunting pulbo sa pisngi
napakaganda mo sa panaginip na iyon

habang inihahanda mo nang sigaan
ang nawalis na mga tuyong dahon
biglang may kung anong anino 
ang lumapit sa iyo
pinilit kong sumigaw, gumalaw
nguni't manunood lamang ako
sa sarili kong panaginip
nag-aabang lamang ng eksena:
ang anino'y niyakap ka nang mahigpit
mula sa likod mo
hinalikhalikan ka, sa leeg, sa pisngi
wala kang tutol
malambing na tapik lamang
ang iginanti mo sa anino
sa lalaking anino
na nagapagtanto kong hindi ako...

iyon ang huli kong panaginip sa iyo

sabi nila'y lahat ng panaginip
ay kabaligtaran ng mangyayari
sa hinaharap

sana nga
'pagka't umaasa ako
sa sinabi mong pag-asa

Pagtatangka

tinangka ko rin
ilang libong beses na pagtatangka
na sunugin
ang larawan
natin
na niluma ng nagkulob 
na pitaka

ilang libong beses na pagtatangka
na nauuwi
sa pamamangka
sa ilog
ng alaala at himala.

Nagmamahal

Dear Citizens,

          Pasens'ya na kayo't 'di ko naman ito ginusto... Aywan ko ba sa burukrasya n'yo at kung anu-anong pahirap ang iniaatang sa inyo. Kung ako lang, mas mainam na ilibre kayo, serbisyong publiko. Pero hindi e, sugapa kasi, madamot ang sarili n'yong estado.
          'Wag kayong mag-alala, maari n'yo naman akong bagtasin kung kakailanganin. O sakyan kaya kung tutungo ng Mendiola. Kahit minsang pinasasabugan ako, matiyaga ko kayong ihahatid sa harap ng Batasan at Senado.


Nagmamahal,
SLEX, Pasahe: Bus, Dyip at Taxi


P.S.
Hahabol nga pala ng sulat si Bigas, Tubig, Koryente at ilan pang Pangunahing Bilihin. Magtiyaga lang kayo. Malapit na tayong humawig sa Cairo.