Lunes, Mayo 23, 2011

Salita

di ko inakalang maaari pala akong makalikha ng patalim
iyong hahasain ko paunti-unti
         dahan-dahan, 

wala akong tutunawing bakal
walang hahasaang bato
walang masong magtatakda ng lapad
              ng haba
                    ng tibay at humindig

makalilikha pala ako ng patalim
na singtalim ng araw
                      maaring makapagniningas ng apoy
          patalim na singtibay ng diyamanteng
kikinang sa paghalik ng liwanag
patalim na bukal ng milyong rosas na uusbong sa mga parang
     makalilikha pala ako ng patalim
hindi ko ito inaakala
        may himaymay pala ng bakal ang aking kaluluwa
may gaspang ng bato ang pag-unawa
           may kalinga ng maso ang pagsipat ng mata

may patalim pala sa aking katauhan

makapaglulunsad ako ng               digmaan
makapagtatakda ng                        katapusan
makalilikom ng                              sangkatauhan
makahihikayat ng                  karunungan
makabubuo ng                 pananaw
makapagpapahaba ng           araw
makapipigil ng              represyon
makakikitil ng                 disilusyon
makapagsisimula ng                           rebolusyon

may patalim pala sa aking katauhan:
mga  

                   salita  

na aking binitawan.

Mali Si Harold Camping Ng Pagtatakda

mali si harold camping ng pagtatakda
hindi niya tunay na nakita ang katapusan
marahil mali siya ng pinatungkulan
kung alam lamang niya ang pinagdadaanan
ng mga taga-Corazon de Jesus ng San Juan
at lumangoy sa kanilang karanasan
siguro, mag-iiba ang kaniyang paninindigan
na ang pagkagunaw ay hindi ang hantungan
at ang hantungan ay hinding hindi ang pagkagunaw
na ang katapusan ay hindi ang kapalaran
at ang kapalaran ay hindi ang katapusan
na ang katapusan ay mababago ng paglaban
na ang paglaban ang magtatakda ng kapalaran
tulad ng mga mamamayan ng Corazon
na haharapin ang hamon ng demolisyon
paglaban ang emansipasyon ng kanilang pagbangon
at ang kaganapan ng kanilang tagumpay
ay itatakda ng kanilang kawit-bisig na paglaban

mali si harold camping ng pagtatakda.

Biyernes, Mayo 20, 2011

Ulat Sa Tula

Irap ng Pari ang asim sa misa.
May tama ng rikit ang tirik na mata.

Lampas ang sampal ng baril noong Abril.
Lugod ang dulog ng mga liblib na bilbil.

Parang bigwas ng bagwis ang lagay ng layag.
Kung ugod na ang dugo wala nang yabag ang bayag.

Kupit lamang ang tipak ng kapit na putik.
Wala nang tikas ang salag kung lagas na ang sakit.

Mugto sa gutom ang tabain na binata.
Bugso sa busog ang alagad ng dalaga.

Tingi sa ngiti kung lima ang mali
Sa tipo na pito na kayliit ng tili.

Sipat at pitas, pisil sabay silip sa pula na lupa.
Ngunit sala pa rin sa lasa ang payapa na papaya.

Ubos sa subo kung lungkot ay tungkol
sa patay na payat na hatol ay tahol.

Hindi ba angat ang tanga kung salat ang talas?
Pangil ang lingap sa sapakat na kapatas.

Hindi kinaya ng iyakan ang ipis sa sipi.
Usap-pusa ang asal-sala na siping ng pisngi.

Tigil na ang gilit kung ligtas nang saglit.
Sa sukal ng luksa pilat ang palit.

Sagip daw sa pigsa ang langis ng lasing.
Dusa daw ang usad kung may sigla ang galis.

Laksa ang sakla sa lamay na walang malay.
May ilap ang pila sa yakap na pakay.

Awatin ang awitan! Pahiram daw ang mahirap
Ng ligtas na saglit sa pakpak ng kapkap.

Wagi ang agiw sa sagwa ng wagas.
Aliw ang ilaw sa salamin na minalas.

Awat-tawa, agaw-gawa! paskil ng piskal.
Labag nga ba ang bagal sa lawak ng kawal?

Tigib ang bigti kung may alat ang tala.
Sulit ang tulis kung tama ang mata.

Kulob at bulok ang kahoy na hayok.
Ang angas ng sanga ay kupkop ng pukpok.

Sandal lamang sa landas kung tagos ang sagot.
Paksa dapat ay sapak kung gusto ng gusot.

Mula habag ang luma nang bahag.
Lapat ang tapal sa pagal na lapag.

Sapat ba ang patas kung may bawas ang sabaw?
Italas ang salita, ang wika ay ikaw.

Mahalan ang halaman, isumpa ang umpisa.
Dilig-tubig sa gilid ay hindi ubra sa bura.

May pahid ng hapdi kung hula ang luha.
Walang sutla ang lutas kung daya ay adya.

Sikat sa tikas ang tuhog at hugot.
Tabig sa bitag, tukod sabay dukot.

Sa kalat ng takal, banat ang banta.
Sobra ang braso kung said na ang isda.

Walang talab sa balat kung bakli ang libak.
Pula ang ulap sa batak na tabak.

Sa kuta ng utak, may bagsik ang bigkas.
Patis sa pista ang pilas nang lipas.

Suntok sa kutson ang patak ng tapak.
May silbi ang bilis sa kati ng itak.

Tangi ang ingat kung kutkot ang tuktok.
Pisi ng isip ay kulog ng gulok.

May asam ang masa. May alab ang bala.
Banal ang laban na ang alay ay laya.

Doon, Doon Sinta (Sa Himig Ng Leron, Leron Sinta)

Doon, doon sinta.
Bundok na malaya.
Dala-dala'y idyo,
tapang at pagbaka.
Pagdating sa dulo,
tagumpay ang paglaya.
Ang ating hantungan
payapang umaga!

Barungbarong (Sa Himig Ng Bahay Kubo)

Barungbarong
sa estero.
Mga tao dito
ay sari-sari:
maton na kotong
sisiga-siga sa tabi,
batang kay-agang nagragbi.
Lolong hukluban,
Lolang puro uban
at saka may'ron pang
ibinibentang laman.
Nanay matsismis.
Mga musmos umuuha.

At sa kanilang paligid
ay puno ng manhid!

Sinasamba Ko Ang Noon

natutunan ko nang sambahin ang noon
tulad ng kung paanong walang alinlangang
itinakda ng mga Mayas ang tuldok ng mundo
tulad ng kung paanong ang pilospiya
ng paglimot ay katuwang--dalawa lamang
ang panig ng uniberso--ng pagbabalik-titig
sa lipas nang glorya ng daigdig
natutunan ko nang sambahin ang noon
manalig na ang mga tala ay hindi ilusyon
araw ang may tangan ng bendisyon
na maghuhubog sa buwan sa kanyang pagbilog
naniniwala akong may pangako
ang rebolusyon
sinasamba ko ang noon
hindi punso, hindi poon
hindi ang kanina at ngayon
hindi ang Makiling o Mayon
hinding hindi rin ang mga dito't doon
sinasamba ko ang noon
nakaluhod ako sa altar ng noon
simboryong umaalingawngaw
ang bulong ng kahapon
sasambahin ko ang noon
nakaluhod akong mananalunton
sa pilapil ng lipas nang bakas ng panahon

sinasamba ko ang noon
pagkat ang ngayo'y inanak ng kahapon
na magluluwal ng
                          b
                          u
                          k
                          a
                          s.

Andami Pang Pangarap Ng Anak Ko, Bakit Nila Ginanon?*

ikinabubuhay mo
usling bakal sa mga guho
                         at
bakal ang punglong
tumagos sa likod mo
                         at
bakal sa tigas
nagpupuyos galit ng nanay mo
                         at
bakal na rehas ba
siyang mahahaplos ng kumitil sa iyo?

*MANILA, Philippines 
    A 13-year-old boy was shot and killed in Makati Monday night by an unidentified police officer. Reports said the victim Christian Serrano and 2 others were collecting scrap metal at an abandoned building in Kamagong St. when a police mobile from Makati arrived on the scene.
Witnesses said the cops initially fired a warning shot to scare the teens away, but then a second shot was fired, hitting the victim in the back.
   The victim was rushed to Ospital ng Makati but was declared dead on arrival. Several other witnesses spotted the plate number of the police mobile and are willing to testify. Christian’s mother, Salvacion expressed her disappointment towards the police officer who shot her son.
   “Andami pang pangarap ng anak ko. Bakit nila ginanon,” she said.
   Christian reportedly had aspirations of being a police officer. Investigations are ongoing to identify the gunman.
                            --Report from Dominic Almelor, ABS-CBN News

Sa Labas Na Mundo*

marahil kinaiinggitan mo sila
ang ipis, gagamba, langgam, langaw
na malayang lumipad-gumapang
o maging ang mga ibong
sumisilip sa maliit na uwang ng maliit
na bintanang miminsang ding nagkakait
sa iyo ng liwanag sa tuwing ang araw
at buwan ay di makasilip sa kapirasong
espasyong nagpapagunita na
ang iyong kalayaan ay ikinulong kasama
ng iyong karapatan
marahil nga'y kinainggitan mo sila
mga insektong malayang labas-masok
sa makitid at mainit mong puwang
kinainggitan mo ngunit di pinandirihan
pagkat batid mong mas masahol pa
sa kanila--absurdong mukha ng karum'han:
antena, maitim, lagpas limang mga paa,
mabalahibo, mabalasik tumitig na mga mata--
ang mga unipormadong robot
ng pandarahas at panggigipit
marahil nga'y kinaiinggitan mo sila
na nasisikatan ng araw,
nakalalanghap ng hamog,
sinusuyo ng ulan,
tinititigan ng buwan,
hinahaplos ng hangin
marahil kinaiinggitan mo sila
sa kanilang laya
naisaisip mo marahil
na mapalad sila, mas mapalad
sa mga unipormadong robot
ng pandarahas at panggigipit
mas mapalad sa mga naka-amerkana't
barong sa karnabal ng kongreso,
malakanyang at senado
mas mapalad pagkat pinakikinabangan
ng kalikasan anumang kaanyuan
mayroon ang pinandidirihan nilang kabuuan
naniniwala kang mas mariringal
ang mga insekto,
sa mga unipormadong robot
ng pandarahas at panggigipit
mas marangal sa mga naka-amerkana't
barong sa karnabal ng kongreso,
malakanyang at senado

at mapalad ka rin, alam mo
pagkat higit pa sa pisikal ang pakikiniig mo
sa labas na mundo
pagkat tulad nila, laksa-laksang
taon kang mananatili
sa labas na mundo
tula mo't sining ang insektong
gumagapang patakas, malaya
sa labas na mundo.


































*kay Ericson Acosta. Sa kaniyang ikatlong buwang pagkakakulong, itatakas natin siya.

Sasabihin Ko Sa Iyo

sasabihin ko sa iyo
magpapatuloy itong paglalakbay
kahit iwanan pa ako ng sariling anino
o mamuti ang balintataw

magpapatuloy ang paghinga
kahit nakawin ang hangin sa paligid
mananatili ang tibok
maglunsad man ng digmaan
patuloy ang agos ng haraya

ang hindi ko lamang sasabihin sa iyo--
...

Hindi Maiwawaksi Ang Kinagisnan

Sa abuhing kalawaka'y lubog-
sa-grasang-bulak ang mga ulap,
at yaong mga bitui'y mga diyamanteng bubog,
na nang tangkain niyang hawaka't haplusi'y
hindi sugat ang naiguhit
sa kaniyang balat.
Na nang dumampi sa kaniyang palad--
pumatak ang itim na mga luha
na tila mga tintang idinilig sa lupa.

Umusbong, bumukadkad
ang mga bulaklak.
Naggayak ang mga puno't halaman.
Sumayaw, mga ilog at dagat.

Hindi kailanman makasusugat
yaong mga bubog.
Mga likhang gunita
ng kaniyang organikong kaalaman.
Mga bubog yaong nakakintal sa kaniyang isipan.

Mga binhi ang bubog
na nakakatitig sa lupa.

Hindi mawawaksi ang kinagisnan.

Boni*

ulit-ulitin mang gunitain
kamatayang itinakda ng tabak
ng kalahing ang dugo'y
patuloy na dumadaloy
sa nakapagkit na mukha
ng pang-aalipin, pagsasamantala
sa lupa at hangin ng sariling bayan

ulit-ulitin mang gunitain
ito'y trahedya, muli't muli,
ng kasaysayan
na magmumulto, nagmumulto
noon hanggang sa hinaharap.






















*sa ika-114 taong kamatayan ni Andres Bonifacio.

Huwebes, Mayo 19, 2011

Linggo, Mayo 8, 2011

Sa Mga Kuko Ni Lino

kung may pagkakataon
pinalipad ko si Julio
o di kaya'y binigyan ng kapangyarihan
at isa-isa niyang maitutumba
ang nanggagalaiting taumbayan

si Ligaya
pinatakas ko sana
at nagkasama sila ni Julio
mabubuhay silang may
masayang bukas na daratnan

kung ginawa kong mabuting
intsik si Ah Tek
hindi niya mapapatay si Ligaya
at garantisadong hindi siya
mapapatay ni Julio

"Patay na si Ligaya!"
ay! palitan ko kaya iyan
ng "Buhay si Ligaya!"
at hindi ginawang ashtray ni Pol
ang palad niya?

napakalaking kahibangan
kung pakikialaman ko sila

buhay silang nilalang
may dugo at laman
hindi ko mahahawakan
ang kanilang isipan

at isa pa
ang ipinababatid ko'y
reyalidad
hindi
pan
tas
ya.
Characters in a film have their own existence. The filmmakers has no freedom. If he insists on his authority and is allowed to manipulate his characters like puppets, the film loses its vitality.
--Akira Kurosawa

Nang Mapanood Ni Lino Ang "Lino Brocka: Sa Kabila Ng Lahat" *

Grabe! Regal Drama Hour daw ba ang mga bruha?
Masyado akong dinakila.
Keri pa ba nilang gumawa
ng socially-oriented na pelikula?
Josko! Luz Valdez ngayon ang industriya.

Imbey talaga. 50 golden years
nang kuma-crayola ang Philippines.

Pero, in all fairness ha, miss
ko na sila! Promise!
Sa kabila ng lahat, may I effort
pa sila para i-tell ang buhay ko.
Walang charing. Naluluha ang lola niyo!

Teka! Anong petsa na ba? Purita Kalaw
at Tom Jones pa rin ang bansa?

Hala, tama na ang drama!
Marami pang dapat matuligsa.
Anopa't binigyan kayo ng musa?
Kaloka! Imulat n'yo ang masa!
Pack-up! Sugod tayo sa mendiola!

I-capuccino natin ang Lukretang
kapatid ni Kristeta.


*Lino Brocka: Sa Kabila Ng Lahat


Sulat

naninilaw, kayumangging lupa
ang kabuuang anyo ng pilas
nang papel, na kinumutan ng iyong sulat-kamay

nagkalat ang mga tinta, tila mga isdang
nilalangoy ang lawak ng papel
sa sulok, isang maliit na puso

ang nakatingin sa akin
daliri mo ang manlilikha ng pusong iyon
na parang matang ayaw umalis
sa gunita ko't salamisim

...

dahan-dahan
kinuyom ko ang pilas nang papel

ikinulong sa aking palad
sinunog
inabo

...

nanatiling nakadilat ang pusong
nilikha ng iyong daliri
ngayon
sa lahat ng sulok
ng mundo

Paglilinis

kung babalik ka na
hayaan mong ayusin ko ang banig
hayaan mong buksan ko ang bintana
buksan ang pinto
linisin ang lahat
mulang naaamoy hanggang sa lahat ng tanaw
at hawak, at mahahawakan ko

hayaan mong ayusin ko
ang lahat ng mali sa paligid

pero hayaan mo rin sanang panatilihin ko
ang mga mali at dumi
na itinatak mo

sa nagrungis kong ako

ikaw lamang ang makaaayos
maglilinis nito

Ninakawan Siya Ng Dalawang Anghel

ninakawan siya ng dalawang anghel
at gumuho ang mundo
nagsiping, langit at lupa
kahit luha'y nag-alinlangang magpakita

ninakawan siya ng dalawang mundo
at gumuho ang langit at lupa
nagsiping ang mga alinlangan:
nagpakita ang mga anghel sa likod ng luha.

Hindi Mamamatay Na Alipin Ang Manggagawa

isinilang siyang nakakuyom na kamao
puso niyang hinubog ng pawis at kapagalan

pumipintig na kamaong binabata walong oras
o higit pa, na pagkaalipin, sa sahod at pagod

na mainam sana kung mag-aahon sa pamilya
sa dustang tinapa, bahaw na kanin at kapeng walang lasa

nakakuyom na kamao ang puso niyang
inilulubog sa hika, pulmonya, diyariya't kolera

mga sakit na kaytagal nang kinatakutan
sa mga piling bansa, nguni't pumatay pa sa kaniyang bunsong

ni hindi nakasuso ng gatas sa botelya
sinabawang kanin ang huling natikman ng maliit nitong dila

kamaong nakakuyom ang puso niyang
nakagapos sa kawalang-katiyakan

alinlangan ang mabuhay sa barungbarong
alinlangan ang mabuhay sa tutong

alinlangan ang araw-araw na gutom na magtitiyak
sa halik ng kamatayan, anumang araw mula ngayon

isinilang siyang nakakuyom na kamao
puso niyang hinubog ng pawis at kapagalan

mamatay ba siyang bukas na palad ang iiwan
na sinulsihan ng peklat, sugat, grasa at kalyo?

Marami Silang Abala Sa Kung Anu-ano

maraming ilusyunadang dalaga ang naluha
may asawa na kasi ang prinsipe ng inglatera

maraming katoliko-sarado ang natuwa
nalalapit na sa pagka-santo ang papa pablo ikalawa

maraming pilipino ang nagdiwang at nagalak
sa westminster, isang aliping-kalahi ang mapalad na nakatapak

marami ring pilipino ang nagsawalang-kibo:
si merceditas gutierrez, nagbitiw na sa trono

marami silang abala sa kung anu-ano
na aywan ba, di naman nagpapabago
sa sadlak nilang mundo

samantalang

marami pa ang dapat ayusin at tugunan
sa kung ano nang nagaganap sa fukushima, japan

marami ang kinalimutan at wala nang interes
sa kaliwa't kanang demontrasyon sa afrika at middle east

maraming pilipino ang ninanakawan ng dangal
sa mga san roque, corazon at laperal

maraming pilipino ang kinukulong, pinapapatay, nawawala:
tulad ng mga jonas burgos, keneth reyes at ericson acosta




marami-rami tayong ipinagsasawalang-bahala
marami-rami tayong dapat maunawa

Naburyo Siya Sa Paulit-ulit Na Patalastas Ng Royal Wedding Nina William At Kate

naburyo siya sa paulit-ulit
na patalastas
ng royal wedding
nina william at kate
at ng mga update
sa burol ni aj perez
pati na rin sa beatification
ni papa pablo ikalawa

naburyo siya't natanga
kung kaya't
lumabas siya ng kalye
at naglakad-lakad
hinayaang mga paa
ang mamahala ng patutunguhan

wala pa siyang kain at ligo
wala pa siyang trabaho
wala na siyang suweldo
wala na ring pambayad ng entresuwelo

malayu-layo na ang kaniyang nilakad
nguni't naaalaala pa rin niya
iyong magarbong kasal
na magaganap sa inglatera
"tangina!" 'ika niya
buryong buryo na siya
inis sa init at kapalaran

'di na siya nagtaka
nang makitang
dinala siya ng paa
sa tulay ng mendiola

"'andito ako sa mayo uno" bulong niya.

Humalik Ang Labi Mo Sa Lupa

humalik ang labi mo sa lupa
pagkalapag ng paa
sa sukal ng dama de noche,
talahib at iba pang halamang
nag-aagawan ng puwang
sa lugar na iyong nilimot limusan
ng halaga

humalik ang labi mo sa lupa
at nalasahan mo ang hamog
dumikit pa nga sa labi mo
at sa tangos ng iyong ilong
ang mga patay na langgam
at ilang butil ng kayumangging lupa

humalik ang labi mo sa lupa
walang alinlangan kang nanikluhod
kahit singputi ng mga ulap
naglingkis na abito
sa iyong katawan

hinayaang mong marum'han
abitong tanda ng iyong debosyon
at nagparayang magpalamon
sa sukal

kaysa madungisan-- niya
-- iniingatan mong panata

Sanga

bali kang sanga
nalaglag sa lupa
sumiping kasama
natuyong mga dahon

                                at nalantang mga petalya

bali kang sanga
tuyo at nagtungkab
sanga kang nagbigay
sa akin
ng bagong talampakan.