Martes, Agosto 28, 2012

Kulang-kulang

malamya ang lahat sa sandaling ito
walang ragasang hangin na nagpapasayaw
sa tuyot-na-dahon na tantiya ko'y malapit
nang humalik sa lupa; kalawanging dahon
na namaluktot sa pagkakatuyo.
kahulugan: pamamaalam.

patay ang paligid tulad ng pusang nasagasaan
sa kanto: matang pinitpit ng gulong, utak
na sumambulat, nabaling buto, lamog na laman
at atay na nagpapaalala sa mga saksi't
nakakasasaksi sa kanyang hantungan
ng kanila ring hantungan, di man sa ganoong paraan,
ay kamatayan at kamatayan lamang.

nakamata ang mga pader na mistulang diyos
ng paligid; sumisinghal ang mga bitak
singlalim ng unibersong pinanawan ng bituin
ang dilim na naglalagi rito.

anong dapat nating mabatid sa sandaling
itong malamya ang tibok ng mga hininga?

marahil, kailangan nating maglimi
pagkat kulang ang buhay sa paligid,
kulang na kulang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento