Martes, Agosto 28, 2012

Minsan Sa Monumento May Aleng Nagkuwento Ng Kaniyang Adbentyur

isang hapon, sa bituka ng Monumento,
habang sumasayaw ang ispageti
sa puting plato at nagbabanggaan
ang kuwadradong mga yelong
lumulutang sa maitim na sopdrinks at
naglalakbay ang pawis sa aking
noo patunton sa lamesang makutim,
habang nakalingkis sa ngiti
at nakatunghay pag-ibig ng katabing sinta
ang aking ulirat
anong gulat ang biglang-bungad
ng aleng hapit ang blusang kupasin,
anong gitla ang pagbubuklat niya
ng maselang himaymay
ng eskuwalado niyang buhay

kung anong nagtulak sa kanya
para ilagak sa amin ang tiwalang
ikuwento ang labu-labong kuwento
ng kaniyang buhay na natatabingan
ng kaniyang bunging-bungisngis
ay di ko na uungkatin.

ang kuwento:

siya'y kabit, querida, panggulo;
umangkas sa libog ng lalaking
sabi nga niya'y guwapo-may-itsura-
may-kalakihan-ang-katawan-at-medyo
maputi pero lagas na ang gulang,
lalaking trabahador sa pabrika;
isang muslim, islamikong paniniwala
isa dalawa tatlo etseterang asawa;
hindi na niya isinalaysay ang kuwento
ng kanilang pagkakakilala
pagkat namumutiktik na sa Putangina
at Pakyu at Imisu at Tangina ang palitan
nila ng text na ako ang encoder at sender
dili nga't ag matandang babae na
nagsisiwalat ng buhay ay matandang babaing
di marunong mag-text na nagtatrabaho
bilang helper sa isang kantina sa gawing BBB
at nasampolan din ng bangis ng habagat
noong nakaraang linggo kaya't heto
nakikisuyo;
gusto pala niyang hulihin ang lalaki,
na may asawa na'y may kabit pa at may kabit
pa--napanood mo na ba iyong Inception?--
gusto niyang itiyak ang kaniyang karapatan
bilang kabit at gusto niyang makatanggap
ng sapat na pera mula sa lalaking mahilig
dahil kailangan niya ng pandagdag sa limos
niyang kinikita; bagamat ang lalaki'y mabangis
at ika nga niya'y baka mamugot daw ng ulo
o baka bigla na lang siyang pagsasasaksakin
dahil nga't muslim daw ito at sabi kasi ng kapitbahay
niya, ganoon daw ang mga muslim;
at nang magreply ang lalaki: umuwi kn at miss n kta.
d2 na aq bhay at pr makaisa p taung round. lab yu.
pina-reply niya sa akin ang: gago kb? bkit anjan kn
alm m namn ang kitaan natin. ayos a?
at nagka-Putanginahan na at ninerbiyos na si
ale nang bantaang pupunitin ang mga damit niya
at iiwan ang bahay na nakabukas at baka wala na
siyang mabalikan at so on and so forth;
agad na siyang nagpulbo at nagpasalamat
at pinabaunan namin siya ng paalaalang mag-ingat;
at oo, may anak pala siya sa nueva ecija
wala siyang kontak dahil binura ng kinakasamang
lalaking mahilig sa dyombagan at kaplogan
ang numero nito sa kaniyang selpon

iniwan niya kaming nakanganga
sa magulong kuwento;
at ako
na nagtatanong sa aking sarili,
hinahanap ang aninong ninakaw ng dumidilim
na paligid,
hinahanap ko hanggang pag-uwi
ang kaniyang bungisngis
sa alikabok na binulahaw
ng rumatsadang dyip.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento