Huwebes, Disyembre 23, 2010

Sa Gabing Di Mapagkatulog

Sa mga gabing 'di mapagkatulog, iniisip ko
kung paano kang magbalibalikwas sa iyong higaan.
Ang matimping pagbuka ng iyong kampanteng hita
na nakahalik sa maliliit na unan.


Iniiisip ko kung paano kang huminga. Ang uwang sa iyong tahimik na labi.
Ang pagtaas-baba ng iyong tiyan, na tinutuldukan ng maliit mong pusod,
parang pintig ng pulso, marahan at payapa.


Iniiisip ko ang paggalaw ng iyong mga balintataw
na nakahulma sa natiim mong mga talukap.
Sino nga kayang mapalad ang kaniig mo sa panaginip at pangarap?


Iniisip ko ang balangkas ng iyong kabuuuan. Sa puting kumot na nakalambong,
gumagapos sa iyong katawan. At kung paano sumilip patakas
ang iyong mamulang sakong at talampakan at ang malarosas mong mga kuko
sa manyikang mga paa.


Iniisip ko rin kung paano hinahaplos ng malambot mong buhok,
ang unan at banig na sumasanib sa iyong pagkakakapit sa sapot ng panaginip.


Iniisip ko,
iniisip ko na panatag kang nahihimbing kasiping ng mapagheleng hangin,
payapang iniuugoy ng mapanglaw na mukha ng langit, dinadampian ng liwanag ng buwan.


Habang ako, sa gabing ito na sumisigid ang lamig,
ang kaluluwang pinapagod ng mga minuto segundo oras at taon
ang kaluluwang inilalaan sa panatang ang tinta'y dugo ng rebolusyon
ang kaluluwang inaawitan ng hugong, bulong, tinig ng sibilisasyon
ang kaluluwang iniaalay sa puso't hininga ng masang ibinabaon.
Habang ako, ang kaluluwang 'di mapagkatulog,
hindi dalawin ng hikab at antok
ay pinapatay ng nakaukit mong mga alaala
at ng mapait na dikta ng naglalahong gunita.

Martes, Disyembre 21, 2010

Bur-swa-si*

Binabaliw ang kaluluwa sa kasiyahang pansarili.
Sumasayaw sa saliw ng musikang agunyas ng sanlibutan.
Nilalango ang mga mata sa dikta ng libog at nasa.
Sinasaksak sa utak  ang dikta ng pagkamanhid, pagkaganid
at droga ng pagka-ako.
Sumasampalataya sa homiliya't aral ng kawalang katuturan
na nagpapaikot
sa mundong hindi mundo
kundi pusalian ng kaniyang kauri.

Iyan ang kaburgisan.
Ang impiyerno sa ibabaw ng kalupaan.


*bourgeoisie, burgis, kapitalista.

Anyaya

hinihila ng lupa ang talukap ng aking mata
niyayaya ng banig, kami'y marapat nang magniig
inaanyayahan ng haplos ng hanging malamig
ako nga'y kailangan nang magpadaig.

binubulungan ako ng mga hilik
na nakalambong sa kuwartong pinagsisiksik
ang lima, anim na kataong ginagambala ang tahimik
na gabing sinaklot ng mga kulisap at kuliglig.

ang kanilang mga orasyon, ng sumamo at panaghoy
ay buong galak kong tatanggapi't hindi itataboy
'pagka't batid kong sa kanilang bulong, akag at anyaya
makakasama kita sa panaginip, at tayo muli'y magiging isa.

Puksa*

Minumulto tayo ng mga pagpuksa.
Bangungot sa mahihimbing na tulog,
alulong ng mga punglo ang bumubulabog.

Hahandusay sa talahiban ang nawawala,
kaytagal nang hinahanap na kasama.
Putok na mga labi, luwa na mga mata.
Lapnos na utong, wakwak na hita.
Binunot na mga kuko, dibdib na gasgas-maga-sugatan.
Lagas na mga buhok, mukhang tinakasan ng pagkakakilanlan.

Ganyan magmulto ang pagpuksa.
Umuukit sa gunita.
Sumusurot sa bawat himaymay ng laman.
Kumukurot sa pinanday na kamalayan.

Iyan ang multo ng pagpuksa.

Kung gayong 'di tayo patulugin ng pagpuksa.
Kung gayong pinapatay tayo sa ukilkil ng gunita,
'di ba't kainamang paigtingin natin ang paglikha:
ng mga hanay at bulto ng lakas; hindi mga multong tusong kinatas
sa kaluluwa ng mga martir at dinahas.
Lumikha tayo ng puso ng mga kamao ng nanlilisik na mga mata ng damdaming wagas
ng hanay ng bulto ng lakas,
na papatay sa kanila: silang pumupuksa sa karapatan at laya.
Huwag tayong papanawan ng higanti.
Hindi tayo madadaig ng mga multo ng pagpuksa.
Hindi tayo madadaig.
Patuloy lamang ang pintig.


*pasintabi kay Teo Antonio at sa kaniyang tulang "Minumulto Tayo ng mga Pagpuksa"

Linggo, Disyembre 19, 2010

Hindi

hindi ko sasabihing napigtal na ang bigkis
na dating nagdurugtong sa tibok
ng ating mga puso at hingal ng ating hininga
hindi ko sasabihing naglaho na ang tamis
na pinagsaluhan natin
sa angaw na mga sandaling
maaaring tayong dalawa lamang o kapiling
ang libo't isang bulaklak
hindi ko sasabihing nagpaalam na ang pagsuyo
na itinanim natin sa mga puno ng Luneta
o saan mang panig ng sarili nating daigdig
hindi ko sasabihing namatay na ang pananalig
na itinindig ko sa ating mga kaluluwa at pangako
na ang lahat ng mga bagay at panahon ukol sa atin
ay magkatuwang nating dadamahin, lilikhain, pangangarapin
hindi ko sasabihing nagwakas na ang lahat
hindi ko sasabihin
'pagkat wala na akong tinig...


at ang lahat nang iyan ay tapos ko nang gawin
hindi ko sasabihin

Huwebes, Disyembre 16, 2010

Bulusok

Masasabi bang lumalangoy tayo sa biyaya ng husay
kung ang palakpalakan ng pagdakila
ay lagi't laging dinig at kaharap?
Bagama't 'di naman lubos na gagap
na ang nadirinig pala't kaharap
ay pawang bulong ng walang hinagap.
Kung tayo'y walang ni isang pag-sang-ayon
na ang panulat ay may bigkis ng laurel at malaon
tatalunton sa landas ng mga dakila?
Masasabi ba nating makalulusong tayo't makalalangoy
sa biyaya ng pagpapanday?

Walang makapagsasabi.

Hindi natin tiyak ang landas.
Malay nating hawak ng iyong mga daliri
ang pangahas na pluma
na makalilikha ng mga letra't salita,
makapaglalahad
ng karanasan
ng isang sumasalunga sa bangis ng sanlibutan.

May kislap tayo ng kadakilaan, mga tining tayo sa lusak.

Marami na rin akong nabasang talambuhay ng ilang kilalang manunulat; na sa kabila ng kanilang kahusayan, ay nawawalan ng gana at miminsang pang isinusuko ang kanilang kakayahan bilang manunulat. Aywan ko nga ba. Dumarating muna nga ba sa punto ng deterioration ang isang manunulat na maghahakot ng bituin sa langit sa hinaharap? Aywan ko. Aywan ko. Walang may alam.

Heto ang isa.

Pare, sulat lang tayo nang sulat. Tandaan mo yan! May kislap tayo ng kadakilaan, mga tining tayo sa lusak.

Roque Dalton

May lungkot sa iyong paglisan.
Na nag-iiwan ng tanong:
Saan ba tayo patutungo?
kung sa bawat galaw natin
maski ang kahingahan ng sariling hangin
ay may pagtatangkang lagutin
ang ating hininga.
Tulad ni Bonifacio, tulad ng maraming Bonifacio.

Ngunit hindi kinakailangang humantong sa paninisi.
Hindi kailangang sundan ang pagkakamali.

Sapagka't kinakatam natin ang kahoy ng Tagumpay,
at ang nakatam na salubsob ng kahoy ay sinusunog natin,
ipinambabaga sa mga sulo ng maayang bukas.

May aral sa bawat kasaysayan, humuhulma tayo ng
isang mundong ganap na malaya't matiwasay.

Sinabi mong "Ang Tula, tulad ng tinapay, ay para sa lahat."
Naniniwala ako. Naniniwala ako.
Ngunit, ibabalik ko, "Ang Buhay, tulad ng tula, ay para sa lahat."

Tulad Mo.

Serbidora*



Samantalang tumitikatik
ang pitlag ng aming mga atay,
nilalasing mo naman ang iyong sarili
sa antok at pagod.
Nakatingala sa mga agiw
na nakakumot sa mga lumang kagamitang
palamuti sa iyong munting kulungan.
Araw-tanghali-gabi,
ang mga bitukang kumakalam
mga pusong nasakal nasasakal sinakal
mga tagumpay ng sandali
mga libog na nanggagalaiti,
ang hiwaga sa iyong bilugang mga mata.
Nilalango mo ang iyong sarili
sa mga usok at upos
ng nilalagot na sigarilyo
sa mga musikang naglilipat dibdib
sa mga tadhanang
ang mga lilisan sa iyong kulungan
ay maaaring manakawan
mapatay
mapagnasaan
masagasaan
mabendisyunan ng dasal
kinabukasan.


Ikaw, ang anghel sa mga sandali
ng paglimot at tagumpay.
Ikaw, na nag-aabot ng malanding
kurba ng ginintuang pait.
Ikaw, ang gabay sa umiikot
nanlalabong mga sandali.


Salamat sa iyong ngiti.
Ang iyong alaala
ang magpapatunay
na may gabay na hatid
ang bawat karaniwang hininga
sa buhay ng bawat isa.




*kay Ate Serbidora, na abalang nagsilbi sa amin, duon sa Fifties
sa PUP Sta. Mesa.

Lunes, Disyembre 6, 2010

Tandaan Nating Hindi Tayo Nanlilimos*

gayong walang anu-ano nilang inagaw
ang nagdurugtong sa ating mga naghihingalong hininga
mga stetoscope, hiringgilya't gamot panlunas
sa karamdamang minsang masayaran ng galing
at kadalasang halikan ng lagim
mga kamay na walang alinlangang kumalinga
sa tulad nating pinagdadamutan ng buhay
gayong walang anu-anong inagaw
nilang mga unipormadong halimaw
silang panatiko ng panggigipit at pagpaslang
ang apatnapu't tatlong nagdurugtong
ng ating naghihingalong hininga
gayong inagaw nang walang anu-ano
nilang pinagagana ng pulbura ang ulo
anong hakbang mayroon tayo?

heto, tandaaan natin:
ang hustisya'y hindi nakakamit sa panlilimos
sa bisa ng sama-samang pagkilos
at pagbibigkis lakas, tayo ang tutubos!
tandaan nating hindi tayo nanlilimos.


*Alay sa MORONG 43 at lahat ng bilanggong pulitikal
dito sa dayukdok nating sistema.

Linggo, Disyembre 5, 2010

Ang Tula Sa "Talahib"



Talahib

Talahib tayong nakahalik sa mga lupa.
Humihiwa sa mga kaluluwa
At balat ng naghuhumindig na gusali
Ng kawalan at kawalang katuturan.
Nakapupuwing tayo’t ipinagkakanulo.
Binubunot kung sakaling sagwil na’t sagabal
Sa nananatiling sistemang karnabal.
Ngunit nag-iiwan tayo ng sugat
Sa minanhid-ganid nilang balat.
Binubuwal tayo nguni’t hindi nadadaig.
Talahib tayong walang biyaya ng dilig
Kundi hamog ng mapagkalingang
Liwayway.
Talahib tayong nakahalik sa mga lupa.
Nag-uusbungan, nakakalat, nagmamasid.
Malaya tayong nakadungaw
Malaya tayong gumagalaw
Sa mga ligalig at pag-ibig ng paligid.
Talahib tayong hindi napapatay
Ng apoy ng tugatog at bigwas ng matatayog.
Talahib tayong hindi maglalaho
Uusbong tayo at lalago
Hadlangan man ng lagablab ng impiyerno.

Talahib tayong magpapatuloy.


--M.J. Rafal

Miyerkules, Nobyembre 17, 2010

Minsan

Minsan pinangarap kong maging bakal.
Para maging punglo
na tutugis at lalangoy
sa utak at dibdib
ng mga ganid at demonyo.
Minsan.
Ang minsan ko'y segu-segundong umiiral.
Minsan
na segu-segundong bumubukal.

Lunes, Nobyembre 15, 2010

May Ngitngit Sa Kubol*

Duon sa kubol nakasalampak kami
sa sahig na sinapinan ng banig
nakasalamapak kami walang upuan
o bangkito
nag-aaral nakikinig nakikibahagi
nakasalampak kami aywan lamang sila
duon sa palasyong katapat namin
silang alpombra ang sahig
sopa na inangkat sa malayong lupain
malamig na silid masarap na buhay
ng pagsasamantala't panggagago
kami sa kubol nakasalampak
nakikinig sa mga tinig
ng mga dakilang manggagawa
nakasalampak sa loob ng kubol
kubol na buholbuhol ang kawad
ng koryente
kubol na tagpitagping tarpolina
ang panghawan sa tinik ng hangin
kubol na isang buwan nang nakatindig
kubol na hindi padadaig
duon kami nakikinig
sila sa palasyo malamig
malamig na bangkay na minanhid
ng ganid na pamumuhay
malamig na bangkay na minanhid
ng ganid na pamumuhay
malamig na bangkay na minanhid
ng ganid na pamumuhay
kami sa mga susunod na araw
'di mananatiling nakasalampak
tatayo maglalakad magmamartsa
tangan ang mga sulo
tapos na kaming makinig
makikiniig na kami sa mga lansangan
naghuhumindig na bulto ng pag-uusig
sa kanila sila sa palasyong malamig
sila ang sasalampak, babagsak
sa kanilang alpombrang sahig
malamig na bangkay
sa palasyong aangkinin
ng mga nasa kubol.


*Tulang alay sa ABS-CBN IJM Workers Union.
Kayo ang "tunay" na Patrol ng Pilipino.
Salamat sa liwanag niyo, at sa bisa ng dakilang Unyonismo.

Tuhog*

Tinuhog nila ang lahat ng atin.
Pinagdamutan tayo
ng sariling hiningang inialay
natin sa mga lenteng bumubuhay
sa mga mata ng mamamayan.
Inagaw ang kakayahan
na kaluluwa ng kanilang kayamanan.

Tinuhog nila ang lahat ng atin.
Ang panganay kong magtatapos
na sana ngayong taon.
At ang bunso kong walang masusuot,
ngayong darating na pasko,
na bagong tisert at pantalon.
Tinuhog nila ang mga ngiti
sa pamilya kong naghuhumpakan
na ang mga pisngi.

Tinuhog nila ang lahat ng atin.
Walang itinira kundi dangal at prinsipyong
hindi nila kailanman maaangkin.
Tinuhog ang lakas na ilang taon
nating inihandog kahit kakabug-kabog
ang dibdib sa mga sinabakang sitwasyon
at mahalagang pagkakataon.
Wala silang itinira. Wala ni isa.

Tinuhog nila ang lahat ng atin.
Mayroon tayong dapat bawiin.
Hindi ito panghihingi 'pagka't
atin ang talagang atin.
Karapatan na hindi ipagpapaliban.
Kaya't heto ang kubol na alay
natin sa harap ng kanilang tarangkahan.
Mananatili ito.
Bumagyo man ng mga punglo
at magtawag ng mga maligno
ang ganid na kampon ng kapitalismo.


*Tulang alay sa ABS-CBN IJM Workers Union.
Kayo ang "tunay" na Patrol ng Pilipino.
Salamat sa liwanag niyo, at sa bisa ng dakilang Unyonismo.

Huwebes, Nobyembre 11, 2010

Karapat-dapat

Tulagalag: Karapatan  ng KM64 Poetry Collective

Ano nga ba ang karapatan? Sa panahon natin, na ang dilaw ay tila atraksiyon at simbolo ng pagbabago, masasabi bang dilaw ang karapatan? Pwede namang pula or asul? At bakit mula't mula pa, silang mga utak-pulbura, ganid, at mapagsamantala ay walang alam na karapatan kundi ang kanila lamang?

At bakit nga ba puro ako tanong? Eto'ng tula na lamang na ito ang sasagot. Hirap ko ring ipaliwanang, napakahirap dahil kung tutuusin, ang karapatan ay walang tiyak na depenisyon, at ang pinakamalapit na kahulugan nito ay mailalapat din natin sa pagpapakahulugan ng kalayaan. Kalayaan. Karapatan. Sana uso pang igalang ito. Uso pang umiral. Manghilakbot sila kung magpapatuloy ang pagsasamantala sa mga ito.

Have a nice read. Malayang basahin ang tula. Karapatan niyo 'yan. Comment na lang kung 'di trip ang tula. Apir!

Biyernes, Nobyembre 5, 2010

Ang Karapatan

ang karapatan
hindi nabibili sa mga palengke o tinitinging tila sitsirya
hindi ito nailalako, inilalako   iniyayabang o pinalilipad
tulad ng mga eroplanong papel hindi piso ang katumbas
ng karapatan o milyong bugkos na salaping kinupit
sa kaban ng bayan
wala sa mga iyan ang esensiya, tining, kislap ng karapatan
ang karapatan, tandaan mo, ay ang hininga sa loob ng baga
kaisipang malayang pumapailanlang
sumusuri, nagmamasid, nakikilahok, gumagalaw, pumipintig
ang karapatan ay katumbas ng kalayaan
na pinasisidhi, pinagyayabong ng pakikisangkot sa lipunan
kaya't sa sandaling lumatay sa balat ang halik ng mga tanikala
baga  ng sigarilyo, lusot ng punglo, kadyot, suntok, batok, hipo, pugot, sabunot
pilat, hiwa, pasa, maga, laslas, gasgas, himas, lamas, lamutak, tadyak
makaaasa ang mga tampalasan
hindi sila patutulugin ng mga kalampag ng nagmamartsang mga paa
na ihahatid sila sa kanilang huling hantungan

Huwebes, Nobyembre 4, 2010

Pamatid

Hayaang lumangoy sa lusak
ang mga kangkong
pahintulutang umusbong sa tabi-tabi
ang mga talbos
pakapitin sa buhaghag na lupa
ang mga kamote
pasulputin sa naghambalang na tae
ang  mga kabute

silang araw-araw naming nginunguya
ninanamnam, nilalasap
bigyan sila ng pagkakataon
ang umano'y karaniwang latak
ng kalikasan at panahon
bigyan sana sila ng pagkakataon
sumilay sa kanilang kaganapan
pagka't sila ang sa ami'y nag-aahon
kaligtasan sa gutom
at kamatayan.

Sa Mga Pagkakataon Na Ang Taludtod Ay Parang Baling Gulugod

Sa mga pagkakataon
na ang taludtod
ay parang baling gulugod:
lantang parang gulay
na sinugod ng mga uod;
naluoy na bulaklak sa ibabaw ng puntod;
nabaklang tulad ng malambot na tuhod;
manggagawang ginupo ng matinding pagod
o gerilyerong hindi makasugod, napaluhod,
ay nadarama kong tila ako
tuod.

Na ang ubod ng kaluluwang pagod
ay hindi maibuod,
sa mga talinghagang ayaw magpatianod
at waring nalunod, napudpod.

Kailangan,
kailangan kong magsalsal ng isipan
hindi ang magdasal sa mga ulap at kalangitan.
Pigain, katasin ang pagal na katawan.
Tuklasin, namnamin ang pait ng lipunan
nang magluwal ng taludtod
ang kaluluwang pagod,
na tulad ng inunan ay marapat nang put'lan
upang sumibol ang sariling pusod
sa mga naghilahod, natuod na taludtod.

Laglag

Sa pusod ng kawalan
duon kung saan liblib
ang  mga talahib  amorseko
gumamela't bogambilya
nakatingin sa kalangitan
ang isang malungkot  payat na krus
na gawa sa bulok nang sanga
ng punong mangga
hinihintay ang pagdalaw
ng mga kakilala--nakaalaala:
ang pag-aalay ng kandila
ang paghahandog ng mga rosas
nguni't lumipas
ang mga siglo: wala
walang nakaalaala
sa payat na yaong krus
at sa mumunting garapon
na kinahimlaya't pinagsidlan
ng tinuldukang pintig at hininga.

Lunes, Oktubre 25, 2010

Kape

Sa dila ko,
sa dulo ng dilang maikli,
dinarama ko ang mainit mong pagbati.
Sa pagniniig natin,
lumilikha tayo ng kastilyo--
kastilyong pinatatatag ng init mo
at ng pagnanasa kong sana'y
habang buhay tayong magkatuwang
sa paglalakbay sa kawalan
at pagbusbos sa pantasya ng lipunang inuuod.



 

Linggo, Oktubre 24, 2010

Mula Tula Hanggang Dula, Mula Tradisyon Hanggang Sa Bulok Na Sistema: Ang Panitikang Mapanghimagsik Sa Panitikang Pilipino

“Napopoot tayo pagkat nagmamahal: pagkat tayo’y saksi sa pangangalawang…
Napopoot tayo pagkat tayo’y nagmamahal; nagmamahal kaya’t braso’y humahataw.”

Bahagi lamang ang nasabing mga linya ng isang tula ni Romulo Sandoval, isang rebolusyunaryong makata at isa sa mga makatang naging tinig ng mga uring-anakpawis nuong panahon ng dekada ‘70, ang dekadang ipinunla ang pagkakaroon ng Batas Militar sa bansa. Pagkat Tayo’y Nagmamahal ang pamagat ng nasabing tula na tumatalakay at nagpapakita sa kondisyon ng mga obrero’t magsasaka sa panahon kung saan namamayani ang ligalig at takot sa paligid. Kung papansining mabuti, ang tinig sa tula’y iniuusal ng isang obrero o magsasaka na lubos na nagmamahal—hindi ang malagkit na pagmamahal sa isang sinisinta—kundi ang pagmamahal sa kalayaan nilang makawala sa kadena ng mga nang-aapi sa kanilang uri. Halimbawa ang tulang ito ni Mulong ng isang tula ng paghihimagsik laban sa mga uring sumisipsip lamang ng dugo sa mga tulad nilang pinapatay na halos ng pagod na ang kapalit ay tila limos pa nilang hinihingi. Sapagka’t mayruong iba’t ibang antas at iba’t ibang uri ng paghihimagsik, ang tulang ito ni Mulong ay isang magandang halimbawa ng paghihimagsik laban sa pang-aalipin at pananamantala. Ang mga ganitong akda ay pagpapatunay lamang na ang Panitikang Mapanghimagsik ay patuloy na umiiral sa anumang panahon, saan mang larangan at sa iisang katotohanan na ang paghihimagsik ay bahagi ng lipunan na ating ginagalawan.


Mga Prayle at mga Propagandista at Ang Himagsik sa Kolonya

Nuon pa man, marami nang mga manunulat ang naghimagsik at lumikha ng mga akdang sumusubok, nanghahamon at tumutuligsa sa lipunan na kanilang kinabibilangan. Isang matibay na halimbawa ng akdang mapanghimagsik ang mga katha nina Marcelo H. Del Pilar, Graciano Lopez Jaena at ni Gat. Jose Rizal. Ilan sila sa mga kinikilalang propagandista ng kanilang panahon na nagsiwalat ng mga kabulukan sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol at ang patuloy na pananamantala ng mga Prayle sa mga Indio.

Sa isang akda ni Del Pilar, ang Dasalan at Tocsohan, gamit ng mga popular na dasal sa pamamaraang kakatwa o satirical ay ipinakita niya ang mga ‘di makataong asal at pamumuhay ng mga Prayleng Espanyol at kung paano sinasamantala ng mga ito ang mga Pilipino:

Amain naming sumasakumbento ka, sumpain ang ngalan mo, malayo sa amin ang kasakiman mo, kitlin ang leeg mo dito sa lupa para nang sa langit. Saulan mo kami ngayon nang aming kaning iyon inaraw-araw at patawanin mo kami sa iyong pag-ungal para nang pag papatawa mo kung kami nakukuwaltahan; at huwag mo kaming ipahintulot sa iyong manunukso at iadya mo kami sa masama mong dila.

Sa kuwentong Fray Botod naman ni Gracianao Lopez Jaena, na isa ring kilalang propagandista sa panahon ng kolonyang Espanyol, gamit ang pamamaraang lampoon, isiniwalat niya ang kaululan, kasibaan at ang pangangamal ng kuwarta ng mga prayleng Espanyol. Isinalarawan ng kuwentong Fray Botod ang isang prayleng may malaking tiyan na resulta ng katakawan, mahilig sa babae at ang imoral nitong pamumuhay sa kabila ng pangangaral niya ng mga banal na salita umano ng diyos.

Isinulat naman ni Gat. Jose Rizal ang dalawang dakilang nobela na nagpakita ng tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino nuong panahon ng kolonyang Espanyol. Ito ang Noli Me Tangere at ang El Filibusterismo na sinasabing siya ngang nagpasiklab at nagpaalab sa damdaming makabayan o nasyonalismo ng mga Pilipino na humantong sa rebolusyunaryong paghihimagsik ng mga uring sinasamantala. Malaki ang naiambag ng dalawang nobela sa pagpapayabong ng paghihimagsik ng mga Pilipino laban sa kolonyang Espanya at hanggang sa kasalukuyan ay tinitingala ang Noli at Fili bilang pinakatatanging akdang Pilipino na naghimagsik at patuloy na naghihimagsik.


Pormalismo, Konserbatismo at Romantisismo:
Himagsik Sa Kinagisnang Tradisyon

May iilang paghihimagsik ang nagbunga mula sa pagbaklas ng sarili sa pamantayang tinatanggap ng nakararami. Sa usapin ng Panitikang Pilipino, maraming akda ang tunay na naghimagsik sa nabubulok na pamantayan ng tradisyunalismo at konserbatismo, ang pagbatay ng akda sa porma at teknikalidad o maging ang usapin ng seks (sex) bilang isang taboo sa pamantayan ng panitikan.

Maraming manunulat ang sumubok na sumalunga—at nagtagumpay sila—sa tradisyong ito ng lumang Panitikang Pilipino na mapahanggang ngayon ay tinatangkilik ng nakararaming tila ibinaon na ang sarili sa luma at nagbubukbok na pamantayang dapat ay lipas na—at hindi naman sinasabing ito’y walang latoy bagama’t ang iilan ay tinitingala ang porma kaysa sa esensiya ng mismong akda.

Sa tula, pinangunahan ni AGA o Alejandro G. Abadilla, kinikilala bilang Ama ng Makabagong Panulaang Pilipino, ang paghihimagsik sa lumang tradisyon. Sa kaniyang akda na Ako Ang Daigdig, ipinakita niya sa madla ang isang halimbawa ng tulang modernismo:

ako
ang daigdig

ako
ang tula
ako
ang daigdig
ng tula
ang tula
ng daigdig

ako
ang walang maliw na ako
ang walang kamatayang ako
ang tula ng daigdig

Sinubok ni AGA ang makabagong tula, at hindi siya nabigo sapagka’t maraming iba pang makata ang sumunod sa kaniyang yapak. Ito ang mga makata na naniniwala sa tula bilang isang malayang uri ng panitikan na hindi dapat ikulong sa pamantayan ng sukat at tugma lamang. Ang mga makatang umusbong nuong Dekada ’70 hanggang ’80 tulad nina Jose Lacaba, Rogelio Mangahas, Teo Antonio, Lamberto Antonio, Emmanuel Lacaba, Virgilio Almario, Bayani Abadilla at iba pa ay ilan lamang sa mga makata na naniniwala sa bisa ng malayang pananalinghaga sa paglikha ng isang makabuluhang tula.

Sa larangan ng kuwento hindi maitatatwang ang aklat na Mga Agos Sa Disyerto ang siyang nagpabago at lumikha ng panibagong yugtong sumalunga sa lumang tradisyon ng pagkukuwento. Sina Rogelio Ordoñez, Edgardo M. Reyes, Rogelio Sikat, Dominador Mirasol at Efren Abueg ang nagbigay ng bagong mukha sa larangang dati’y nilalanguyan ng mga kagila-gilalas na pagmamahalan, pag-iibigang malagkit at walang hanggan, at mga kuwentong lagpas sa katotohahan. Sinalunga nila ito. Naghimagsik sila sa makalumang tradisyon at lumikha ng pangalan sa Panitikang Pilipino.

Inilunsad nila ang realismo-naturalismo sa paglalahad ng kuwento. Sa tema ng mga akdang nakapaloob sa agos, mapapansin na ang kaganapan sa paligid ang kanilang inilalahad, ang reyalidad ng lipunan na ating ginagalawan na taliwas sa kanilang pinaghimagsikang panahon na nakakulong sa romantisismo at konserbatismo. Nagtagumpay din ang Agos na tibagin at paghimagsikan ang Ingles bilang midyium sa paglalahad ng kuwento. Ang kanilang paghihimagsik sa wikang Ingles, na lubhang namamayagpag at tinatangkilik sa kanilang panahon, ay pinagtibayan at kinilala ni Bienvenido Lumbera, isang kilalang kritikong pampanitikan. Ayon sa kaniya:

“Makakapa, samakatuwid sa mga akda sa koleksiyon ang paghahangad na patunayang kaya rin ng mga manunulat sa bernakular ang pag-eeksperimento sa lengguwahe ng mga manunulat sa Ingles. At higit sa lahat, pinatutunayan na sa kontemporaryong wika ng mga Tagalog, mas epektibo at kapani-paniwala ang pagbubuo ng salaysay mula sa mga paksain at tauhang hinango sa mga kontemporaryong pangyayari sa lipunang Pilipino.”

May ilan ding kuwentista ang naghimagsik sa kanilang panulat at sa tradisyong nagbubukbok na. Si Jun Cruz Reyes na nakilala sa paglalahad ng kuwento gamit ang pamamaraang conversational, at marahil, ay naghihimagsik sa mabulaklak na pananalita ng mga lumang Pilipino. Pansinin ang kaniyang kuwentong Utos Ng Hari:

[…] Ay, buhay estudyante. Makauno lang, kahit lulunin ang sariling dila. Kumontra sa kanila, singkong maliwanag. Tumango-tango ka naman para makauno, ibig sabihin noo’y sarili mo na ang kailangang lokohin. Pakisama lang talaga. Konting kompromiso, mundo ang diploma. Kung wala akong diploma, sino naman ang maniniwalang may kauubrahan nga ako. Sana’y di nauso ang grade, di sana’y hindi ako mahihiyang pumasok kahit Metro Manila Aide. Kung graduate naman ako, hingan ng experience sa pag-aaplayan ko, dedo rin. At kung tapos nga, nakakahiya naming pati trabahong pang mahirap ay pagtiyagaan ko. […]

Makikitang ginamit ni Jun Cruz Reyes ang Taglish bilang pagsabay na rin sa makabagong pananalita’t pamumuhay ng mga karaniwang Pilipino. Humiwalay rin siya sa pagpili ng mabibigat na paksain ng isusulat at sumandig sa mga karaniwang kalagayan at karanasan ng mamamayan. Ang kadalasang kuwento niya ay tumatalakay sa buhay ng isang estudyante o ng isang anak sa karaniwang pamilyang Pilipino o ang gawi ng pamumuhay ng mga tambay sa kanto o ng taga-looban o iskuwater.

Isa rin si Tony Perez sa mga manunulat na sumalunga at naghimagsik sa lumang tradisyon ng panitikan. Sa kaniyang kalipunan ng mga kuwento, ang Cubao Pagkagat Ng Dilim, at koleksiyon ng kaniyang mga akda, ang Eros, Thanathos, Cubao, ginamit ni Perez ang sikolohiya sa paglikha ng mga kuwentong sikolohikal at panlipunan na nuong mga nagdaang dekada ay tila iniiwasang tapakan at pag-eksperimentuhan ng mga manunulat.

Nariyan din si Wilfredo Virtusio na kinikilalang kuwentista ng buhay-bilangguan at buhay-bilanggo. Naghimagsik siya sa porma at paglalahad, sa mga paksa at sa pagpili ng mga tauhan. Sa kaniyang kuwentong Silang Mga Naiwan, tila ang paggamit ng point-of-view o punto de bista ang kaniyang pinaghihimagsikan. Maaring maguluhan ang mga mambabasa kung sino nga ba ang nagsasalita at marahil ay maligaw sa takbo ng kuwento bagama’t yaon ay bahagi lamang ng eksperimento at pagsalunga sa tradisyon ng pagkukuwento.

Sa pangkalahatan, si Ave Perez Jacob na marahil ang tunay na naghimagsik sa Panitikang Pilipino. Mulang estilo, hanggang sa paksa, sa mga bantas at mga tauhan ay sinalunga ni Jacob. Ang kaniyang mga akda ay kakikitaan ng iba’t-ibang antas ng paghihimagsik. Sa kaniyang aklat na Ang Pagdating Ni Elias Plaridel at Iba Pang Piling Mga Kuwento, makikita ng mga mambabasa ang husay at talas ng paghihimagsik ni Jacob. Sa kuwentong Lagablab Sa Utak Ni Damian Rosa, marahil ay mabibigla ang mga mambabasa sa porma at estilo bagama’t ito nga’y tanda ng tapang ni Jacob na salungain ang kinamihasnang pamantayan ng isang kuwento.

Sa larangan ng nobela, tunay ngang iilan lamang ang tunay na naghimagsik sa kinagawiang tradisyon ng Panitikang Pilipino. Lilitaw at lilitaw na ang akda ni Gat. Jose Rizal ang pangunahing nobelang mapanghimagsik nguni’t lilitaw din na ito’y nakasanib sa tradisyon ng romantisismo at ang pagmamahalang Ibarra’t Maria Clara ang lubhang mananalaytay sa kaisipan ng mga mambabasa kung sa mababaw na pagsusuri lamang mapag-uukulan. Nguni’t sa usapin ng paksain ng isang nobela, na mariin na ring tanda ng paghihimagsaik laban sa kinagawiang paksain ng pag-iibigan at pantasya, maraming nobela ang makasusunod sa pamantayan. Nariyan ang mga nobela nina Lazaro Francisco at Amado V. Hernandez. Ang nobela ni Rogelio Sikat na Dugo sa Bukang-Liwayway, ang kay Dominador Mirasol na Ginto Ang Kayumangging Lupa at ang kay Efren Abueg, ang Dilim sa Umaga at ang Mga Kaluluwa Sa Kumunoy na tumalakay sa usapin ng lupa at pakikibaka ng mga makabayang mamamayan.. Nariyan din ang Sibol Sa Mga Guho ni Ave Perez Jacob, ang Tutubi, Tutubi… Wag Kang Magpapahuli Sa Mamang Salbahe at Diwalwal: Bundok Ng Ginto at Sa Kagubatan Ng Lungsod ni Edgardo M. Reyes.

Ang iba’t ibang antas ng paghihimagsik sa iba’t ibang uri ng panitikan ay lubhang nanalaytay sa Panitikang Pilipino at ito’y nananatili hanggang sa kasalukuyang mga kabataang manunulat na sumusulat at sumusubok na lumikha ng mga akdang tunay ngang sumasanib sa tradisyon ng paghihimagsik sa dapat ay lipas nang pamantayan. Tanda ito ng umuunlad na panitikan at pagbabago ng lipunan.


Moral, Imoral at Katolisismo:
Pagpapalaya’t Himagsik sa Wika at Libog ng Katawan

Ang libog, ayon kay Sigmund Freud ay bahagi ng katauhan ng isang nilalang at natural lamang na ito’y umusbong at hindi marapat pinipigilan. Sa punto ng paghihimagsik laban sa konsepto ng moralidad, ang Simbahang Katoliko ang higit na kalaban ng isang maghihimagsik. Sila na umano’y nagdidikta ng tama at moral ng isang lipunan. Nguni’t sa mga manunulat, ang pagpapalaya ng libog at sekswal na paglalahad ng mga bagay-bagay ay isang karapatan at pribilehiyo na marapat lamang ipabatid sa nakararami.

Sa ibang panig ng mundo, matagal nang napalaya ang isyu ng libog at sekswalidad sa larangan ng panitikan. Nariyan ang Justine at Julliete ni Marquis De Sade; Tropic of Cancer at Tropic of Capricorn at Tropic of Cancer ni Henry Miller; Lady Chatterly’s Lover ni D.H. Lawrence at Lolita ni Vladimir Nabokov, mga akdang naghimagsik sa konserbatismo ng kani-kanilang lipunang ginalawan.

Dito sa bansa, mapahanggang ngayon ay may pangingimi pa ring talakayin sa mga akdang pampanitikan ang usaping ito na resulta na rin ng 333 taong pamamayagpag ng Espanya at ng Simbahang Katoliko sa lipunang Pilipino. Nguni’t may ilang nangahas na umigting at tinalakay pa rin ang mga ito sa kabila ng mapaniil na pangil ng Simbahan sa ganitong mga akdang pampanitikan.

Ang ilang akda ni Tony Perez ay tumalakay sa usapin ng libog at ang kalayaan sa pagpapahayag ng mga ito. Sa kanyang tula na Mga Ehersisyong Ponetiko (Na Di Ginamit Sa Mababang Paaralan Kailanman), tinalakay niya ang ilang salita na iwinawaksi sa mga mag-aaral bagama’t kasama ito sa wikang ating sinasalita. Pansinin ang tula:

1. Punong salita: bata

Bata
Bate
Bati
Bato
Batu

2. Punong salita: tao

Taa
Tae
Tai
Tao
Tau

6. Punong salita: tita

Tita
Tite
Titi
Tito
Titu

Sa isa pa niyang akda, ang kuwentong Ang Pasko Ay Sumapit, pinasadahan ni Perez ang libog bilang isang sikolohikal na kaganapan sa isang indibidwal. Ito ay kuwento ng isang babaeng may kakaibang hilig sa seks at ang tago nitong pakiki-ulayaw sa ilang taong kakilala’t nakasasalamuha.

Sa mga tula naman ni Maelfatalis, na isang babaeng makata, sa antolohiyang Ipuipo Sa Piging, ay makikita ang ilang erotisismo. Ang mga tula ay halimbawa ng mga tulang binansagang erotika, na isang uri ng panitikang tumatalakay sa seks at ilang bagay na may kinalaman dito tulad ng ari, suso at iba pa. Sa Likido, ipinadadama niya ang init ng pagsisipingan ng dalawang nilalang:

Kamay
Na paikut-ikot
Naghahanap
At nagmememorya
Ng bawat balahibo-

Pumatong ako
Sayo
At umisa
Sayo
Nagpakawala
At kumalimot
Sa sandali-

Kuko
Na bumabaon
Sa likod mo
Ng dahil
Sa di maipaliwanag
Na ekstasi-

At lumabas
Ang impit na sigaw

May isang tula rin na tumuligsa sa pagkahumaling ng ilan nating kababayan sa banal umanong Santo Papa. Ito ang tula ni Rogelio Ordoñez na Ave, Ave, Pater Patrum! na akdang sinangkapan ng ilang salita, na sa pagkakabasa’y mahihinuhang mga salitang Latin na kadalasang gamit ng mga taong simbahan sa kanilang pagmimisa at pagpapakalat ng salita ng diyos. Isang tula ito na nalikha ni Ordoñez nuong taong 1970 sa pagbisita ng Papa Paulo VI sa Pilipinas at ang puspusang paghahandang isinagawa ng pamahalaan laan sa kataas-taasang sugo ng Simbahan. Pansinin ang tula:

Mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa, 
nang sa kanto’y magdaan ang Santo Papa 
ako po’y nasa kubeta… 
nagbebendita’t nagdaraos ng sariling misa. 
Ave, Ave, Pater Patrum! inodoro’y nagkumunyon, 
nangumpisal pa sa poon. 
Ave, Ave, Birheng Maria! 
ipanalangin ang anak mong nagkasala. 
Mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa, 
ni hindi ko man lamang nakita ang tiara ng Santo Papa… 
nang magpunta siya sa Luneta at magmisa, 
ako po’y umiinom ng hinebra 
sa restawran ni San Da Wong sa Ermita. 
Diyos Ama, Diyos Anak, Diyosa Espiritu Santa! 
ako po’y huwag bulagin ng mga kalmen at estampita 
habang ang kandila’y bangkay na naagnas 
sa bawat kandelabra. 
Kahit ako po’y di lumuhod sa Santo Papa n
akita ko naman ang kanyang anghel de la guwardiya 
sa bote ng La Tondena…

Makikita sa tula ang matalas na paghihimagsik ni Ordoñez sa kinamihasnang kultura ng mga Pilipino na pagsamba sa mga taong Simbahan. Kapansin-pansin din ang galit ng may-akda sa imoral na gawi ng simbahan at ang pananamantala nito sa naghihirap na mamamayan. May tula rin si Ordoñez, ang Hijo y Hija De Puta na tumalakay sa usapin ng double-standard na pamantayan ng Simbahan at ang baluktot na pagtingin nito sa paggamit ng contraceptives at ilang paraan ng pagkontrol sa populasyon.

Ang paghihimagsik na ito ni Ordoñez, ukol sa usaping sekswal at imoralidad ng Simbahan, ay ‘di lamang sa tula matutunghayan. Higit pang mabagsik ang pagtalakay ni Ordoñez sa mga usaping ito sa kaniyang mga sanaysay at editoryal. Basahin halimbawa ang kaniyang sanaysay na pinamagatang Alin ang Imoral? :

Sa aba naming palagay, higit na imoral ang karalitaan kaysa birth control at aborsiyon at kasalanang mortal ng mga basalyos ng Simbahan ang hadlangan ang bagay na ito. Sabagay, kahit lumaganap nang lumaganap pa ang karalitaan dahil sa pagdami ng populasyon, yayaman at yayaman naman ang Simbahan at, katunayan nga, mga isang trilyong dolyar na ang kabuuang yaman ngayon ng Vatican. […]

Alin nga aba ang imoral at kasalanang mortal: ang birth control a aborsiyon o ang pagsusulong sa karaliatan at pagpapayaman ng Simbahan sa pawis at dugo ng dayukdok na sambayanan?

Mayruon ding mga sanaysay at editoryal ang mapanghimagsik sa panlasa ng Simbahan. Ang Huwad na Kabanalan; Imoral na Lipunan; Parehong Mukhang Pera; Dasal ang Solusyon, Anak ng Galunggong; Simbahan ng Eskandalo at Higit na Malaswa at Imoral ay ilan lamang sa mga sanaysay ni Ordoñez na tunay na naghihimagsik at sumasalunga sa manhid at tahimik na bibig ng ibang manunulat.

Sa nobela ni Edgardo M. Reyes, ang Ang Mundong Ito Ay Lupa, mabisa niyang nailahad ang mga bagay-bagay hinggil sa usapin ng kaputahan o ang malaganap na negosyo ng prostitusyon sa bansa. Pagsisiwalat ang nobela ng mga isyung panlipunan at ang tunay na estado ng seks at prostitusyon sa kontemporaryong panahon.

Ang Ritwal naman ni Levy Balgos Dela Cruz, isang maikling nobela, ay akdang hantad na nagpapakita ng kabulukan ng isang lipunang partiyarkal. Ang mga seksuwal na pangyayari sa maikling nobela, bagama’t tila lagpas daw sa katotohanan, ay ‘di maitatatwang nangyayari talaga maging sa kasalukuyang panahon. Sang-ayon nga sa synopsis ng kaniyang aklat, ang Mga Ritwal, Sumpa At Panata: Kalipunan Ng Tatlong Maikling Nobela:

Sa “Ritwal,” “Sumpa,” at “Panata,” gumigitaw ang kapangyarihan na parang uod mula sa nabubulok na laman. Karnal. Nakapaloob sa salitang ito ang binhi ng kapangyarihang tila damong sumusupling sa ilang…

Hindi metapora ang mga seksuwal na pangyayari sa librong ito. Sa halip, ito’y mga literal na pagbibigay kahulugan sa katotohanan sa pangingibabaw at pagsasamantala sa mga bata at kababaihan sa isang patriyarkal na kalakaran. Pagnanasa sa laman ng itinuturing na mahihina ang saligang manipestasyon ng pamamayagpag ng kapangyarihang ito.

Isang paghihimagsik rin ang Ritwal ni Balgos sa mapaniil na pangil ng Simbahang Katoliko sapagka’t sino nga ba ang tunay na nagpakilala’t nagpapalaganap ng patriyarkal na sistema ng lipunan? Sa pagsusuri, ang Simbahan ang nagdidikta ng umano’y tama at moral nguni’t sila rin ang pangunahing ehemplo ng imoralidad at maling pag-iisip hinggil sa seksuwalidad.

Sa larangan ng maikling kuwento, marahil ay may iisang pinakatatanging akdang malayang nagpahayag sa usaping sekswalidad bagama’t ika nga’y sa masusing pag-uugat sa akda, mapipiga na ito’y akdang hinabi sa pagdakila’t paglalantad sa kalagayan ng mga aping manggagawa. Ang akdang nabanggit ay isinulat ni Rogelio Ordoñez, may pamagat itong Ang Mundo Sa Paningin Ng Isang… at sa estilong paralelismo o parallelism inihalintulad o pinag-isa niya ang kuwento at kalagayan ng mga manggagawa at ang ari ng lalaki. Ang ari ng lalaki ang lantad na tauhan sa kuwento, inilalahad sa kuwento ang pag-usbong niya mula umpisa bilang isang wala pang kamuwangan hanggang sa kaganapan ng pagkatuklas sa tunay na kalagayan ng mga kauri niya. Magandang eksperimento ang kuwentong ito ni Ordoñez at magandang pampainit ng butsi ng nagbabanal-banalang Simbahan.


Magsasaka, Manggagawa, Maralitang Taga-lungsod:
Himagsik Laban sa Pananamantala’t Kawalang Hustisya

Bagama’t may iba’t ibang uri ng paghihimagsik, higit pa ring nangingibabaw ang paghihimagsik laban sa bulok na sistema ng lipunan. Ang paghihimagsik na ito, na tanda ng pagpapahayag ng tao sa kaniyang kaganapan bilang indibidwal na may karapatang dapat pangalagaan, kalayaang dapat tahakin at saloobing dapat ipabatid sa iba, ang pagsukol sa ganitong esensiya ng tao’y magdudulot ng himagsik laan sa kung sinumang aagaw at yuyurak.

Kung susuriin ang kasaysayan, alin nga ba’ng mga pangyayari sa nakaraan ang tumatatak at nag-iiwan ng latay ng pagpapa-alaala kundi ang mga pangyayaring naghihimagsik, lumalaban at sumasalunga ang mga mamamayan. Ang mga rebolusyon sa kasaysayan, ang Rebolusyon sa Rusya, Pransiya at Tsina, at maging Rebolusyong 1896 dito sa Pilipinas, ay mga mukha ng paghihimagsik. At sinong ‘di maka-aalaala sa mga ito? Tunay ngang ang himagsik ay hindi naglalaho at habambuhay na umiigting.

At sa dagat ng panitikan, anong mga akda ang hanggang ngayon’y kinikilala at binabasa sa mga paaralan at akademya? War and Peace ni Leo Tolstoi; The Jungle ni Upton Sinclair; Mother ni Maxim Gorky; Grapes of Wrath ni John Steinbeck, at marami pang klasikong akda na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na kinikilala sa mundo ng panitikan. Sabi nga ni Amado V. Hernandez mula sa introduksyon ng kaniyang aklat ng mga tula, ang Isang Dipang Langit:

Ang tula [akdang pampanitikan] ay hindi pulos pangarap at salamisim. Di-pawang halimuyak, silahis, aliw-iw, taginting at alingayngay. May kagandahan din sa kapangitan, kung paanong ang brilyante’y nabuo sa sinapupunan ng maitim na karbon.

At sang-ayon pa sa sinabi ng isa ring makabagong makata, si Noel Sales Barcelona:

Lahat ng sumikat na akda ay panlipunan, hindi pag-ibig sa pag-ibig lamang. Halos lahat ng tulang nakintal sa isip ng mga mambabasa, noon at ngayon ay hindi naman tula ng pag-ibig, pagsinta, takot—kundi mga tulang mabagsik na tumatalakay sa mga katotohanang umiiral sa lipunang Pilipino at nagpapaalaala sa mga pagpapahalagang unti-unti nating nalilimot dahil na rin sa ating pagkalulong sa kaisipang makadayuhan.

Sa Panitikang Pilipino, bagama’t nariyan ang mga akda ni Gat. Jose Rizal, ang Noli Me Tangere at El Filibusterimo, iilan pa rin ang mga manunulat na naniniwala sa panitikan bilang isang ganap na bahagi sa pagpapalaya at pagpapabuti sa kalagayang panlipunan ng bansa. Maraming manunulat ang hanggang ngayon ay nakasandig sa pamantayang ang sining o ang mismong panulat, sa kabuuan, ay isang astetikong gawain lamang at marapat lamang ay ilaan ito sa musa ng kagandahan at pagpapayabong ng porma at sining nito. Art’s for Art sake, ‘ika nga. At bagama’t talamak nga ang ganitong pagtingin sa panitikan, marami pa ring manunulat ang naniniwala at kumikilala sa panulat bilang isang matalim na balaraw na makasusugat sa manhid nating lipunan.

Sa tula, nariyan ang mga Cesario Y. Torres at ang kaniyang tulang-epiko, ang Gulok, na tumalakay sa ebolusyon ng HUKBALAHAP patungong B.H.B o Bagong Hukbong Bayan. Nariyan din ang mga Amado V. Hernandez at ang kaniyang mga tula na kumikilala’t dumadakila sa buhay ng mga obrero. Sa kaniyang tula na Kung Tuyo na ang Luha Mo, nagbabadya si Ka Amado sa patutunguhan ng galit ng isang bayang pinagsasamantalahan:

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!

Nariyan din si Gelacio Guillermo, isang makabayang makata na nag-ugat sa panahon ng dekada ’70 at Batas Militar. Hanggang sa kasalukuyan ay nanatili siyang amain ng mga makatang lumilikha ng mga tulang naghihimagsik. Ika nya:

Noon lang ikalawang bahagi ng dekada sisenta natutunang itanong ng mga makata sa sarili sa paraang publiko: Ano ang silbi? Sino ang pagsisilbihan? Paano? Mainam ngayong ulitin ang tanong.

Naniniwala si Gelacio, o Ka Gelas sa ilang makata, na marapat na ang tulang-protesta o mga tulang naghihimagsik ay manatiling sumisibol sa anumang panahon. Kung kaya’t hanggang sa kasalukuyan ay ipinakikilala niya sa mga batang makata ang pagtula alay sa sambayanan.

Maging si Rogelio Ordoñez, na nakilala at kinikilala bilang isang bahagi ng Agos sa Panitikang Pilipino, ay nagsisilbi ring ama ng mga bagong usbong na makatang nais tumula. Ang mga tula niya ay naghihimagsik, at ang kaniyang mga kuwento ay nagpapakita ng paghihimagsik laban pang-aapi ng mga naghaharing-uri. Sa kaniyang mga aklat na Saan Papunta ang mga Putok? isang kalipunan ng kaniyang mga akda at ang Pluma at Papel: Sa Panahon ni Gloria na koleksiyon naman ng kaniyang mga sanaysay at editoryal, makikita at makikilala ang talas ng paghihimagsik ng isang Rogelio Ordoñez. Mayroon din siyang blog na kinatatampukan ng kaniyang mga bagong tula at sanaysay, ang plumaatpapel.wordpress.com.

Ang mga makata ring sina Jesus Manuel Santiago, Romulo Sandoval, Emmanuel Lacaba at Jose Maria Sison, kinikilalang pangunahing rebolusyunaryo ng bansa, ay lumikha rin ng mga tulang naghihimagsik at kumikilala sa kagalingan ng aping sambayanan. Naniniwala sila sa taludtod bilang isang armas ng pakikibaka. Pansinin ang isang tula ni Jesus Manuel Santiago, ang Kung ang Tula ay Isa Lamang, na nagpapaalaala kung saan nga ba marapat ilaan ang mga talinghaga:

Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako'y bigyan
ng isang taling kangkong
dili kaya'y isang bungkos
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako'y nagugutom
at ang bituka'y walang ilong,
walang mata.
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa
kaya huwag,
mga pinagpipitaganang makata
ng bayan ko,
huwag ninyo akong alukin
ng mga taludtod
kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita.

Sa mga makabagong makata, nariyan sina Alexander Martin Remollino, Pia Montalban, Arlan Camba, Stum Casia, Noel Sales Barcelona, Abet Umil, German Gervacio, Kislap Alitaptap at ilan pang umuusbong na makata na iniaalay ang kanilang mga taludtod upang isiwalat ang kalagayan ng kasalukuyang lipunang Pilipino. Nariyan din ang K.M. 64 Poetry Collective, isang samahan ng mga makata na naniniwala sa tula bilang elemento sa pagpapalaya ng sambayanan.

Kung babasahin ang mga akda ng mga nabanggit na makata, makikita’t madadama natin ang malawak na sambayanang kanilang tinutulaan. Mulang magsasaka hanggang sa maralitang taga-lunsod ay mayruon silang mga tulang nalilikha. Basahin ang isang tula ni Pia Montalban na pinamagatang Sino:

Nasisino
ng batang sumususo
ang dibdib ng Ina.

Sa maagang yugto
siya ay nangingilala. […]

Sino sa lipunan ang makapangyarihan
kung kaya edukasyong karapatan
ay sa iilan at hindi pangkalahatan?
Sino sa lipunan ang pinagpala--
Sino ang Diyos? Sino ang makasalanan? […]

Sino ang sanhi ng kahirapan:
Pyudalismo sa kanayunan.
Burukrata kapitalistang gahaman.
Imperyalismo ng demonyong si Sam.
Sino ang magpapalaya sa bayan?

Makikita sa tulang ito ang paghihimagsik ni Montalban sa bulok na sistema ng edukasyon na epekto ng masasamang ismo ng lipunan, Piyudalismo, Burukrata-kapitalismo at Imperyalismo. Sa isa namang tula ni Arlan Camba, ang Sa Dibdib ng Lupa, ibinababala niya ang rebolusyong mangyayari kung magpapatuloy ang pang-aalipin sa mga naghihirap na magsasaka:

[…] Manghilakbot kayo panginoong may lupa;
walang sinasanto o dinidiyos
ang uring binubusabos;
matagal ng nakatundos
sa lupang binaog ang suhay
ng laksa-laksang pagkilos!
mangilabot kayo uring nagmalabis
sukdulan na ang aming pagtitiis,
sing dami ng butil ng pawis
sa aming katawan,
at kasing dami ng patak ng ulan
ang uusig sa kasumpa-sumpa
ninyong kahangalan!
Repormang agraryo...
parang tuyong ibinitin-bitin
sa katulad naming mga hingal-kabayo;
hindi kami tanga, hindi kami gago,
matagal nang kinukuba ang
aming gulugod ng inyong panggagantso!
hindi kami mangmang,
at mayroon ding alam;
malaon nang nagpipigil
ang palad ko't mga bisig
sa puluhan ng itak kong
puputol sa iyong leeg!

Ang napipintong paghihimagsik: iyan ang itinutula ng ilang mga makatang naniniwala sa rebolusyong kahahantungan ng isang lipunang patuloy na pinahihirapan. Pansinin ang isang tula ni Noel Sales Barcelona, ang Sapagkat ang Dilim ay Hindi Kailanman Magiging Tanglaw na Liwanag:

[…] sindihan ang sulo ng kasaysayan
At apuhapin sa liwanag ang lunas
Sa mga sugat na nagnanaknak
na siyang puno at ugat
nitong Digmaang Nag-aalab.
Dahil sinasabi ko nga sa iyo,
ang dilim ay hindi kailanman magiging tanglaw
upang maliwanaga’t mapayapa ang naghihimagsik na isipan.

Maghihimagsik at patuloy na maghihimagsik ang mga makata ng bagong panahon. Hindi nauubos ang malaganap na ideya ng protesta upang kapusin ang mga makatang ito na lumikha ng hiyas ng pagpapalaya sa sambayanang inaalipin ng iilang naghaharing-uri. Sa isa ngang tula ng Makata ng Bayan, isang bansag na gawad at pagkilala sa buhay na inilaan niya sa pagmumulat sa sambayanan at pagmamahal dito, ibinubuod ni Alexander Martin Remollino kung ano at sino nga ba ang dapat tulaan. Pansinin ang Hindi na Lamang Ako Tutula:

Hindi na lamang ako tutula
kung ang ipatutula lamang ninyo sa akin
ay tungkol sa pagsasalubong ng mga titi at puki,
o tungkol sa tamis ng unang pagdadaupang-labi.
Hindi lang iyan ang katula-tula,
marami pa ang higit na katula-tula --
lalo na sa mga panahong ito ng pamamayagpag ng mga kuto't lintang
nagbabalatkayo bilang mararangal na tao.
At ayaw kong itong aking panulat
ay maging isang baril na walang bala,
kaya't hindi na lamang ako tutula
kung ang ipatutula lamang ninyo sa akin
ay tungkol sa pagsasalubong ng mga titi at puki,
o tungkol sa tamis ng unang pagdadaupang-labi.

Sa larangan naman ng maikling kuwento, naririyan ang mga Levy Balgos Dela Cruz at ang kaniyang aklat ng mga kuwento, ang Bukal ng Tubig at Apoy at Mahabang-mahabang Paglalakbay Pauwi. Ang mga kuwento sa nabanggit na kalipunan ay mga kuwento ng pakikibaka sa kabundukan ng mga nilalang na naglulunsad ng Digmang Bayan laan sa pagpapalaya ng bayan.

Nariyan din ang antolohiyang Mga Agos sa Disyerto na kinapapalooban din ng mga kuwento tungkol sa mga mangagawa’t magsasaka na naghihimagsik sa pang-araw-araw nilang buhay bilang mga uring sinasamantala. Ang mga kuwentong Mapanglaw ang Mukha ng Buwan ni Efren Abueg na kuwento ng trahedya ng isang mangingisdang napilitang gawin ang isang bagay na taliwas sa kaniyang kalooban upang masagip lamang ang asawang nilugmok ng malalang tuberkulosis; Mga Aso sa Lagarian ni Dominador Mirasol na kuwentong tumalakay sa buhay ng mga manggagawa sa lagarian at ang pananamantala sa kanila ng mga may-ari; Buhawi, Inuuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya at Si Anto ni Rogelio Ordoñez na naglahad din ng buhay ng mga mangagawa’t magsasaka at ang dulot ng industriyalisasyon sa isang kanayunan; Daang-bakal ni Edgardo M. Reyes na laan naman sa mga manggagawa sa Perokaril o riles, at ang Tata Selo ni Rogelio Sikat na tila pagpapanibagong hubog ng tauhan ni Rizal sa kaniyang nobelang Noli Me Tangere, ay ilan lamang sa halimbawa ng mga kuwentong mapanghimagsik at naghihimagsik, mga kuwentong nagpapa-unawa sa kalagayan ng mga aping mamamayan.

Isang antolohiya rin na pinamagatang Sigwa, antolohiyang tinipon nina Romulo Sandoval, Ricky Lee, Ma. Milagros Carreon-Laurel at dalawang iba pa, ang kinatampukan ng mga kuwentong maalab na nakikihamok at naghihimagsik sa lipunang mapaniil nuong panahon ng First Quarter Storm. Isang antolohiya itong naglahad ng tunay na mukha ng lipunang nabubulok sa panahon ng paghahari ng mga Marcos. Makikita sa antolohiya ang mga kuwento nina Ricky Lee, E. San Juan, Jr., Jose Rey Munsayac, Wilfredo Virtusio, Fanny Garcia at ilan pang kilalang manunulat na lumikha ng mga kuwentong naghihimagsik laban sa diktaturya.

Ang mga kuwentong Masaya ang Alitaptap sa Labi ng Kabibi ni San Juan, Dapithapon ng Isang Mesiyas at Si Tatang, Si Freddie, Si Tandang Senyong at Iba pang mga Tauhan ng Aking Kuwento ni Lee, Sandaang Damit ni Garcia; Bilanggo ni Virtusio at Isang Araw sa Buhay ni Juan Lazaro ni Munsayac ay ilan lamang mga kuwentong nakapaloob sa antolohiyang Sigwa.

Sa dula, hindi rin maitatatwang mas naging maalab at direkta ang paghihimagsik sa larangang ito na iilan lamang ang sumusubok. Sapagka’t ang dula ay may direktang pagtanggap at pagharap mula sa mga manunuod, kinakailangang maayos na mailunsad at direkta ang paglalahad ng mga bagay na ipinararating. Maraming mga dulang mapanghimagsik ang umusbong mula pa nuong Panahon ng Unang Sigwa o First Quarter Storm hanggang sa kasalukuyang panahon.

Ang Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino ay isang halimbawa ng dulang naghihimagsik. Ipinapakita ng makasaysayang dula ang ‘di pagsang-ayon sa Imperyalismong Amerikano at ang paghihikayat ng himagsikan laban sa mga nagbabantang mananakop. Ang dula naman ni Rogelio Ordoñez na Saan Papunta ang mga Putok? ay isang dula naman na nagpapakita ng pasismo ng mga militar at kung paano nila tratuhin ang mga makabayang legal na nakikibaka sa isang bulok na sistema. Ang mga dula rin ni Ave Perez Jacob, ang Gising at Magbangon at Kailan Ka Huling Nakakita ng Alitaptap? ay mga halimbawa rin ng dulang naghihimagsik.

Sa Bangon, isang aklat-antolohiya ng mga dulang mapanghimagsik, makikita naman ang ilan pang dula na ganap at tunay na naghihimagsik. Ang mga dula sa antolohiyang ito ay tinipon nina Glecy C. Atienza, Bienvenido L. Lumbera at Galileo S. Zafra. May iba’t ibang katangian ang mga dulang mapanghimagsik ayon sa mga nagtipon. Sa kanilang introduksyon sa nabanggit na aklat, isinaad nila ang mga katangian:

Samu’t saring anyo at porma ng mga dula mula noong 1968 hanggang 1996 ang nagpamalas ng katangiang mapanghimagsik. Seryoso, nakakatawa, mapanudyo, realistiko, ekspresyonistiko, awitan, sayawan, nakasulat at hindi nakasulat—sa anumang anyo natagpuan ang mga dulang mapanghimagsik ay kakikitaan ng mga sumusunod;
1. Ang mga dulang mapanghimagsik ay nagtataguyod ng halaga at kawastuhan ng armadong pakikibaka upang makamit ang kalayaan mula sa pananakop, pang-aapi at pagsasamantala; 
2. Ang mga dulang mapanghimasik ay tahasang bumabatikos sa suliranin ng imperyalismo, burukrata-kapitalismo, piyudalismo at pang-aabuso sa karapatang pantao at may pagtanaw sa pagtatayo ng isang alternatibong kayusan; 
3. Ang mga dulang mapanghimagsik ay mapanghikayat sa mamamayang makilahok sa armadong pakikibaka—mula sa panawagang makisangkot at humawak ng armas; 
4. Ang mga dulang mapanghimagsik ay gumagamit ng mga anyong madaling makauugnay ang masa upang mabisang mailinaw ang pagsusulong ng panawagang politikal ng armadong pakikibaka; at 
5. Ang mga dulang mapanghimagsik ay mahigpit na nakaugnay sa kilusang bayan na nagsusulong ng pagbabago sa kaayusang panlipunan.
Sa ganyang mga katangian, higit na naisakatuparan at naging konkreto ang pagsusulong ng isang antolohiyang tunay na kinapapalooban ng mga dulang mapanghimagsik. Tinipon rin nila, sang-ayon sa kronolohikal na pamamaraan, ang mga dula nang sa gayon ay makita ang pag-usbong at paglago ng naghihimagsik na anyong ito ng panitikan.

Sa dulang Tunggalian, itinampok ang pagtutunggali ng mga progresibong magsasaka at ng mga reaksiyunaryong uri na kadalasan ay kinakatawan ng mga uring nagsasamantala. Isinasabuhay din ng mga nasabing reaksiyonaryung uri ang masasamang ismo ng lipunan—ang piyudalismo, imperyalismo at burkrata-kapitalismo. Sa Masaker sa Araw ng Paggawa na isinulat ni Bonifacio Ilagan, isang kilalang makabayang mandudula, ipinapakita ang nakapanlulumong kalagayan ng mga manggawang taga-likha bagama’t patuloy na naghihirap at ang pagtawag ng kolektibang pakikibaka at pagsusulong ng malawakang pakikihamok sa mga uring nagsasamantala. Sa Sakada na sama-samang nilikha’t isinabuhay ng Negros Theater League sa pangunguna na rin nina Joel Albolario at Al Santos, ipinakita ang kahirapan ng buhay ng mga sakada sa bahaging Visayas at Mindanao at partikular sa probinsya ng Negros. Sa Sampung mga Daliri na sinulat ni Rizalina Valencia at Nanette Matilac noong 1978 at sinabuhay ng PETA, ipinararating sa mga manunuod ang malaking maiaambag ng kabataan sa pagbabago at pagsusulong ng isang malayang lipunang Pilipino. Sa dula namang Macli-ing na isinulat ni Marilou Jacob, na isang residenteng mandudula ng PETA, matutunghayan ang buhay at pakikisangkot ni Macli-ing Dulag na isang pinuno ng tribong Igorot noong panahon ng Batas Militar na pinatay nuong Abril 24, 1980. Si Macli-ing ang nanguna sa pakikibaka ng mga Igorot sa laban sa ipinapanukalang pagtatayo ng Chico Dam sa rehiyon ng Kordilyera. At sa dula namang Kalbaryo ng Maralita ng Lungsod, na isinulat din ni Al Santos, itinampok ang buhay ng mga maralitang taga-lungsod at ang kanilang mga kinakaharap sa pang-araw-araw tulad ng kawalan ng trabaho, tirahan at edukasyon, ang mga pagbabanta ng demolisyon at pansamantalang relokasyon na dulot ng huwad at makasariling pag-unlad na isinusulong ng pamahalaan.

May ilan ring dula sa antolohiya na direktang tumalakay sa pamumuhay at karanasan ng mga kasapi ng Kilusang Lihim. Ang balagtasang Manahimik o Mag-aklas na isinulat ni Manuel Salva-Cruz na nagpapakita sa pagtatalo ng dalawang tauhan, si Juan Kimi at Juan Giting, hinggil sa ano nga ba ang marapat na gawin ng isang lipunang nasasadlak sa matinding kahirapan. Idinidiin ng nasabing dula na rebolusyon ang tunay na tunguhin ng isang lipunang sinisikil ng mga mapagsamantalang uri. Ang mga dulang Rekoberi, Ina ng Bagong Hukbong Bayan at Ang Atong PRG ay mga dula namang isinulat ng mga kasapi ng Kilusang Lihim at itinanghal sa ilang piling lugar ng bansa. Itinampok sa mga dula ang pamumuhay bilang isang kolektibang kilusan, ang mga karanasan sa engkuwentro at ang puspusang pakikihamok ng mga kasapi ng samahan upang isulong at makamit ang isang bayang may tunay at ganap na kalayaan. Ipinakita rin sa mga dula ang walang alinlangang paglalaan ng buhay ng mga martir ng ating lipunan.


Paghihimagsik Bilang Ugat ng Lahi

Sa anumang panahon, tunay ngang ang himagsik ay nasa laman at dugo ng mga akdang pampanitikan na sumasandig sa paniniwalang ang sining ay mula sa masa, para sa masa at tungo sa masa; na ang pagsalunga’y bahagi ng makabukuhang pagbabago’t ‘di pagsunod sa baluktot na agos at tradisyon ng lipunan; na ang pakikihamok ay magpapatuloy habang ang maling sistema, bulok na pamantayan at ang mga pananamantala’t pang-aapi ay nagpapatuloy. Ang doktrinang ito ang bumubuhay at patuloy na dadaloy sa kanilang mga ugat. Anupa’t ang masa ang musa ng mga manunulat na ito. At mababansagan bang bayani ang mga manunulat na ito, o ang sinupaman, na naglalaan ng buhay alay sa kagalingan ng sambayan at pagkakamit ng tunay na kalayaan? Paano nga ba ang maging bayani? Sasagutin tayo ng isang tula ni Jose Maria Sison, ang What Makes a Hero o Paano Maging Bayani, sa pagsasalin na rin ni Gelacio Guillermo:

Hindi ang paraan ng pagkamatay
Ang sukatan ng pagiging bayani
Ito ay ang kahulugang hinango
Sa mga pakikibaka sa kaaway.

Nandiyan ang bayaning namatay sa larangan ng digma
Nandiyan ang bayaning namatay sa gutom at sakit
Nandiyan ang bayaning namatay sa sakuna
Nandiyan ang bayaning namatay sa katandaan.

Anuman ang paraan ng pagkamatay
May nag-iisang pamantayan:
Pinaglilingkuran ng bayani ang mamamayan
Hanggang sa kahuli-hulihan niyang hininga.