Miyerkules, Setyembre 29, 2010

Ganid

Kung may ilang nagsusugat, inuugat
ang mga kamay, paa't
binti, para tiyan mo'y mabundat
at nang 'di ka mamatay na mata'y dilat.

Kung may mga bisig at brasong bilad
sa tirik ng araw. Na sagad
sa buto ang pagod, may mailunsad
lamang na produkto, istrukturang iyong hangad.

At kung may ilang nagpupuyat
para turuan kang mamulat
at ilantad sa iyo ang balat
ng lipunan, bayang sinasalat.

Bakit 'di ka magbigay, kahit simpleng pagkilala
o mumunting pagdakila, kahit taos na simpatya.
Sa kanilang binubuhay ka, ikaw na alipin ng kita,
ng pera at medalya.

Ikaw na manhid, ikaw na sampid,
sa lipunang dapat sana'y matuwid
kung 'di sumibol, umusbong, ikaw na masugid
na kampon ng salitang GANID!

Linggo, Setyembre 26, 2010

Ama Sa Anak: Sa Sityo San Roque

Anak, maghanda ka!
Sapagka't nariyan na sila.
Ayusin mong mabuti ang iyong tirador,
higpitan ang pagkakatali ng goma
nang 'di pumitik sa iyong pagbatak.
Siguraduhing may mga imbak
ka ng graba sa iyong bulsa
at umasinta kang tulad ng agila.
Sipatin nang mahusay ang ulo ng mga kaaway
o kaya'y ang mga bayag nila't kamay.
Ihanda mo na rin ang mga bote
at ilang batong malalaki.
Ihanda rin palanggana at batsa
na siyang pananggalang natin
sa mga halimaw at diyablong
aangkin sa ating pinakamamahal
na barungbarong.
Ikaw nang bahala sa Inay mo't mga kapatid.

Hayaan mo akong makibaka sa harapan, anak.
Maghahamon ako ng suntukan, ipagtatanggol
ang ating karapatan bilang maralita.
Tandaan mo, atin itong San Roque.
Sapagka't kung ang marapat na pinagsisilbihan
ng pamahalaan ay ang mahihirap na tulad natin
at ang San Roque'y pag-aari ng gobyerno,
kanino nga ba dapat ang lupaing ito?

Maging matapang ka, anak.
Dugo man ang dumanak,
tayo'y mananatiling marangal.

Sa Ngalan (Dalangin Ng Sakada)

sa ngalan ng ama at ng ina mo
at ng espiritu ng kamag-anak inc.
amen.



Ama namin,
sumasalangit ka,
sambahin ang mga tubo.
Mapapasaamin ang kaharian ng mga Cojuangco.
Susundin namin ang sikdo ng aming dugo.
Ang Asyenda Luisita'y siyang amin nang langit.
Bigyan mo po kami ngayon
ng libu-libong matatalim na karit at balaraw.
At patawarin mo po kami
at kami'y magkakasala.
Sapagkat 'di na namin mapapatawad,
kanilang pang-aalipi't pananamantala.
At hayaan niyo pong kami'y humalik sa tukso,
nagbabadya po kaming lipulin ang masasama.

Amen.


sa ngalan ng ama at ng ina mo
at ng espiritu ng kamag-anak inc.
amen.

Sa Isandaang Araw Ng Dilaw Na Kahibangan

mayroong
8, 640, 000 segundo
144, 000 minuto
2,400 oras
at 14 na linngo,
ang isandaang araw...

napakahaba nang panahon
upang punan ang mga kulang
lagyan ang mga puwang
ayusin ang mga sira
itapon ang mga basura...

napakahaba nang panahon
na sinayang, sinasayang lamang
parang isang gripong hinayaang
nakabukas, bagama't wala namang
tubig na tumatagas...

hahayaan ba natin
2, 191 araw pa tayong maghihintay
ng pulandit?
na tila tayo nanlilimos ng grasyang
marapat namang atin?
gayong kung may sumirit ma'y
burak nama't putik?

Lunes, Setyembre 20, 2010

Ang Manunulat

Walang kasiping, ngayong gabi,
Ang Manunulat
Walang magandang babaing
Nakapatong, gumigiling
Sa kanyang ibabaw
Walang bra at panting
Nakakalat sa sahig
Walang pabangong-rosas na
Kumakapit sa kaniyang bisig
O pulang-labi na
Humahalik sa kaniyang bayag.

Walang kasiping, ngayong gabi,
Ang Manunulat
‘pagkat wala, ngayong gabi,
Sa naggagandahang mutya
Na may mapupulang-labi’t malaki
Ang suso, ang kaniyang libog.

Ngayong gabi,
Kinakantot niya ang salita
Nilalamas ang mga letra
Hinihimod ang kataga
Sinusupsop ang talinghaga

Walang kasiping, ngayong gabi,
Ang Manunulat
‘pagkat ang libog at nasa’y
Kandilang unti-unting nauupos
‘pagkat utak niya’y lugmok
Sa mga batang nanlilimos
At mga kasamang sabog
Ang bungo sa pagtutuos.

Walang kasiping, ngayong gabi,
Ang Manunulat

“Pag-ibig sa Masa, Habang Panahon!”

Alon

Ang mga alon sa dagat ay tulad ng masa.
Sa payapang panahon,
tahimik silang nakamasid sa langit
tahimik na nakatitig sa tirik na araw
at malayang nananalamin sa pisngi ng buwan
at mga bituin tuwing gabi.
Kinikilala nila ang kalawakan
at ang mga pahiwatig ng pagkakataon.
Sa isang butil ng itim na ulap
ganap na nilang nauunawa
ang paparating na ligalig.

At sa panahon ng ligalig,
kung may sigwang nagbabanta't ang hangin
ay ubos awa't walang malasakit
na humahalay sa kanilang kabuuan,
kung ang mga alulong ng kulog
ang hiwa ng kidlat ay hudyat ng digmaan,
handa silang maghimagsik
may tapang silang maglakbay sa iba pang panig
at larangan
buong-lakas silang makikipagbuno sa mga baybayin
magpapataob ng mga bangka
at magtitibag ng naglalakihang mga bato
na sagwil sa kalayaan nilang umigpaw
at makipagniig sa mala-gintong buhanginan.

Alam ng mga alon ang mukha ng digma.
Tulad ng masa ang mga alon.

Linggo, Setyembre 12, 2010

Embalsamador

bangkay ang kaagapay ko sa buhay.

siya ang tibok at lakas ko, ng aking asawa
at apat na musmos ko pang anak.
sa putol na niyang hininga,
nakahahanap ako ng matibay na sandalan.
‘pagkat sa malalamig niyang hita,
binti’t braso; sumisibol ang mga almusal,
tanghalian at hapunan.
sa kanyang mga bituka, malansang dugo,
apdo at atay; masaya kong mamamasdan
ang mga bulilit ko na pumapasok sa paaralan.
sa kanyang ‘di-na-umaalog-na-utak,
sa kanyang pusong huminto sa pagsipsip-buga
ng dugo; nasisilayan ko, sa kinabukasan,
ang magandang umaga at bahagharing maaya.
sa kanyang mga matang pinanawan ng malay
at sigla,
sa kanyang labi na tuyot na’t namumutla;
natatakasan ko, at ng aking asawa’t mga anak,
ang nag-aapoy na kuko ng kahirapan
at sumpang hatid ng kamangmangan.

huhubaran ko muna siya ng damit,
na siyang huli niyang suot bago sumalangit.
(maaari ring impyerno!)
papaliguan, pupunasan.
mamasahihin ang kanyang mga braso’t paa,
kamay at daliri, nang sa gayo’y lumambot-lambot
ang katawan niyang naninigas.
tatarakan ko siya ng tubo, at ipasisipsip
sa makinang-sumisipsip ang lahat ng kanyang dugo.
hihiwain ko ang kanyang tiyan at babarenahin ang bungo.
tatanggalin ko ang mga laman-loob upang ‘di mamaho.
tatanggalin ko ang utak niya na puwedeng maibenta
sa mga estudyanteng nagmemedisina.
bubudburan at tuturukan ko siya ng formalin,
upang tumagal sa matagalang lamayan at iyakan.
bibihisan ko siya ng barong o saya
na siya na dapat na pinakamaganda.
tatambakan ko ng bulak ang kanyang bunganga at ilong
upang ‘di agad pasukin ng langaw at uod.
pangingitiin ko ang kanyang naninigas na labi
matapos pasadahan ng kolorete ang kanyang mukha.
isisilid na siya sa ataul. isasara.
at ihahatid na siya sa plaza o sala,
na pagdadausan ng lamay at reunion ng kanyang pamilya.

bangkay ang kaagapay ko sa buhay.
kung wala siya’y para na rin akong patay.
‘wag mo akong pangingilagan,
dahil ‘di malayong humantong ka rin sa’king mga kamay.

Huwebes, Setyembre 9, 2010

Pananatili

(Kay Alexander Martin Remollino, Makata ng Bayan)


kung isa ka nang hangin ngayon
ihip kang nagpapaalab ng mga sulo
ng pakikibaka't pakikitalad
ihip kang nagpapaindak sa mga palay at tubo
ihip kang tumutuyo sa pawis
ng mga manggagawa't magsasaka

kung isa ka nang hamog ngayon
nakayakap ka sa mga talahib at dahon
duon sa kabundukan at nagmamasid
sa mga kasamang namamahinga't kasiping
ng gabi
butil ka ng hamog na kumikislap sa pagtama
ng liwanag ng buwan sa munti mong katawan

kung isa ka nang ulan ngayon
hinahaplos ng mga masisinsin mong patak
ang mga buhok at pisngi ng iniwang mga kasama't kaibigan
nagpapaunawa na ika'y hindi nawawala
at nananatili sa puso at dugo ng masa
na iyong pinag-alayan ng buhay at musa

kung isa ka nang apoy ngayon
tinutupok mo ang mga tanikala
ng pananamantala't inaabo ang inhustiya
sinusunog mo ang mga barong at saya
ng mga hunyango't elitista
at lalagi kang tanglaw sa mga tahanang kaniig
ang isang pirasong kandila

at kung isa ka nang lupa ngayon
hayaan mong tumindig kami sa dibdib mo
at bigyan mo kami ng tuntungan
na 'di matitibag ng mga medalya't trono
hayaan mong magtanim kami sa dibdib mo
ng mga binhi ng ganap na paglaya
na aanihin namin, natin sa nalalapit na panahon

Miyerkules, Setyembre 1, 2010

Sa mga Lansangan na Dati Kong Kilala

Nitong mga nagdaang araw,
ginagambala ako ng takot
at pangamba. Na sa kinabukasa’y
maglalakad akong kumakain ng buhok at papel,
sa mga lansangan na dati kong kilala.
Mga lansangan na aking ginalugad
upang pagsilbihan ang pag-aasam
ng iilan,
na ang tagumpay ay isang iglap na makakamit.
Sapagkat, maraming taon kang nagsunog ng makapal na kilay
at humalik sa mga libro,
nakipagbuno, nakipagtagisan
sa mundong hindi kailanman
nahakbangan, ni nasulyapan
ng mga nalugmok sa kuko ng tadhanang
hindi nila pinili;
gusto nilang takasan;
ngunit, habang buhay nang nakapasan
ang sugat nito sa kanilang bagsak nang balikat.
Hindi ko maaatim na pagsilbihan,
silang kumakain ng dyamante,
naliligo sa salapi.
Hinding-hindi kailanman!
Silang kinalimutan ng kasaysayan at pag-unlad,
ang pag-aalayan ng pawis at oras.
Bahala na kung kumain man ng buhok o papel,
bukas o makalawa,
sa mga lansangan na dati kong kilala.

Pagtakas sa Bangungot

tuwing umaga
magsasalok siya ng tubig
sa poso
wala na siyang hilamos
wala na siyang almusal
ilalako niya ang tubig
gamit ang gawang kariton
sa buong araw niya
singkuwenta ang kita
ibibigay niya ang bente
sa nanay
pambili ng ulam
babatukan ng tatay
huhuthutan
bente ang muling lilipad
ang natirang sampu
wala sa ragbi
wala sa sugal
naroon sa nakasisilaw na kahon
sari saring larawan
ibat ibang kulay at salita
kalahating oras niyang matatakasan
ang bangungot ng buong araw
sa maangas na pilantik ng mga daliri
at patayang kanyang sinisimulan

Ipikit Man ang Matang Nanlalabo

ipikit man ang matang nanlalabo
madarama pa rin ang paghampas
ng patay na hangin
magsusumamo pa rin ang sikmura
sa maghapong walang biyaya
kundi takaw-tingin
sa naglalaway na grasyang
sakmal ng mga buwitre
sa kabila ng pumapagitnang salamin
ipikit man ang matang nanlalabo
yayakapin pa rin ang bunsong
namamayat bundat ang tiyan
taglay ang bulateng nananahan
dinig pa rin ang ungol ng asawa
na hindi makatulog
dulot ng ubong ilan taon nang
ayaw umalis sa baga
mahihiga pa rin
matutulog sa matigas na karton
kasiping ang lamig ng gabi
ipikit man ang matang nanlalabo
ilalahad pa rin ang palad
hihingi ng awa habag
sangkusing na biyaya
lalanghap pa rin ng demonyong usok
ng lunsod
itatanaw pa rin ang mga mata
sa malayong kabundukang
hindi nagisnan ng katandaan
pagkat nilamon ng pagasa
bumaliw sa tadhana
ipikit man ang matang nanlalabo
wala walang taingang
makaririnig ng daing
ng sikmurang humihiyaw ng tulong
ipikit man ang matang nanlalabo
mamatay pa rin sa kinasadlakang buhay
na di natugunan ng dapat sanang magliligtas

Ulo, Baril at Dugo

“Hindi na niya pinagmasdan ang mga
nakahandusay na bangkay…
ULO
nagsipagsabog sa kaalaman
uhaw, pitong karagatan
Panginoon, sariling mataginting
…na ngayo’y ganadong pinapapak
ng mga uod at gahamang buwitre…
BARIL
bakal sa hitsura’t tindig
lumalamon, daan-libong naghuhumindig
hardin ng utak, tigang sa dilig
…at sa pagkakataong yaon, sumagi
sa kanyang isipan ang panaginip, Ulo. Baril. Dugo…
DUGO
ilog ng buhay, kalamnang
nagsipaggalaw. Sambulat sa daan
isang kaluluwa, binaliw ng tadhana.
…Isang putok ng baril…at namayani
ang nakabibinging katahimikan”.

Unti-unti, Sa Aking Pagtingin

kakapit ako
sa mga bagay
na
unti-unti,
sa aking pagtingin,
ay buhanging kumakawala
sa mga p a l a d.
bubuuin ko
ang palasyong itinayo
–tinitibag ng panahon at pagkakataon

kung magsisikip ang dibdib,
hahayaang maputol ang hininga…

sapagkat
walang
lunas
ang
malunod
sa
dusa…

Bakit Pinipilit Kong Abutin ang Langit?

Bakit pinipilit kong abutin ang langit?
Gayong lagi’t lagi
Siyang nar’yan.
Natatanaw ko ang pagsilip ng araw
Sa dibdib ng mga ulap.
Sa gabi’y niyayapos ako
Ng kanyang walang kasinlawak
Na kadiliman.
Ang buwan
Ay waring nakikipagtitigan.
Ngumingiti sa akin,
Ang mga ‘di mabilang na bituin.
Bakit ko pa ipipilit
Na lumangoy sa kaniyang kalawakan?
Bakit pinipilit kong abutin ang langit?

Kailangan.

Sapagkat ako’y walang hanggang bukal
Ng pagnanais.
Nais kong malasahan ang ulap
At mahiga sa malambot nitong katawan.
Nais kong hawakan
ang araw,
At mapaso sa apoy nito.
Nais kong haplusin
ang pisngi ng buwan.
Nais kong halikan
Ang labi ng mga bituin
At sumakay sa mga bulalakaw
Sa dilim.

Sapagkat ako’y walang hanggang bukal
Ng pagnanais,
Kaya’t pinipilit
kong abutin ang langit.

Ideyal

naniniwala
ka ba
sa kapalaran?

naniniwala
ka ba?

sino ba’ng
dapat
magdikta?

siya o ikaw?

kung
naniniwala ka,
hahayaan mo bang
diktahan ka niya
o
babalikwas
ka’t itatakwil,
sapagkat ang lahat
na ideyal
ay ‘di nakakamit?

Sinigang

Naghihiwa ako ng sibuyas.
Magluluto ng sinigang.
Hindi inaasahan,
nahiwa ko
ang aking daliri,
(hinlalato sa kaliwa)
-- malalim na sugat!

Bigla,
umiyak ako, nagtangis,
(mga luhang naglagos sa mga pisngi)
hindi dahil sa
mahapding hiwa,
hindi dahil sa
esensiya ng sibuyas
kundi
dahil sa alaala
na paborito mo
ang lulutuin ko.

Banig

Dati-rati'y sa banig,
sa gilid, ibaba
ng iyong papag na de-kutson
nahihimbing ako
at panatag na magdidilat
ng mga matang may muta
pagsapit ng umaga,
panatag na naroon ka
at masayang nagtitiklop,
nag-aayos
ng mga hinigan.
Ngayon, malabo na
ang aking mata
at wala na 'ng mga muta.

Wala na.

Malabo, imposible
na rin na mamasdan
kita at makitang nagliligpit,
nag-aayos
ng mga unan at kumot.

Kung hindi ka na
babalik,
itatapon ko
ang banig
kung saan
minsan tayong nagniig.