Linggo, Abril 8, 2012

Kalbaryo

nagbabanggaan ang mga anino sa luntiang
overpass sa tapat ng MCU. nagbabanggaang
tila magkataling-pusod

ngunit ang nagmamadaling mga balikat, iwas
tila magkakagalit na kulumpon ng ulap. nakita
kita, nakayuko sa barandilya

ng alikabuking overpass. sapo mo ang tiyan,
di alintana ang tirik na araw na nakatitig
sa iyong batok; nanunupok

tila dila ng apoy. gusto kong basahin sa iyong
mukha ang mga dahilan ng paghinto, pagyuko
at pagsapo; di ko mahanap

sa malalalim mong gatla sa pisngi at noo
ang mga sagot. ano't binitiwan mo ang pulang
supot na binutas ng alinlangan?

paano ko hahanapin ang tulong na nais
kong iabot, kung nakatahi ang iyong labi
at kinukumot ng takot

ang iyong pangangatal sa gitna ng katanghalian?
manong, inaabutan kita ng unawa at pag-ibig
tulad ng bughaw na langit

na tinititigan ang aking puyo. manong, batid kong
kalam at butas ang iyong sikmura at walang hain
ang kalunsuran sa iyong

kalbaryo. maging ako man ay pudpod na ang sapatos
at nililigid ang suluk-sulok ng kamaynilaan, naghahanap
ng panlaman sa tiyang

walang almusal at pananghalian. tulad mo'y inilalako
ko ang sarili sa mga slacks at kurbata; hinahanap ko
ang sarili sa magkakawangis na mukha

naglalantad ng kaluluwang gigisain sa init ng ulo
at titimbangin sa kapal ng inabot at titulo. manong,
pagsaluhan natin ang mumunting

biyaya ng daigdig: ang pagkakabatid natin sa dahas
at rehas na ikinakarsel ang ating mga panambitan.
mapula ang langit kinahapunan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento