Sabado, Agosto 18, 2012

Ang Mga Tula

     ...Ang tula
     Ay ikaw
     At akong
     Lumaya na sa berso,

     Nagpakatao.

     Ang Tula, Pia Montalban


ang mga tula ay libong hibla ng buhok
itim at puti at dilaw at pula
na nalagas mulang anit at sumakay
sa mabigat na balikat nang mahampas
ng batuta ng maangas na pulis
ang mga tula ay noong ginuhitan
ng mga gatlang sumasalo ng pawis
bago maglandas sa talukap ng mata
at tungko ng ilong
habang nakatitig ang katanghaliang-araw
ang mga tula ay pisnging walang rosas
ang mga tula ay labing matatabil
at dilang matalas
ang mga tula ay taingang
sumasagap ng balita sa ilalim ng lupa
o sa kalamnan ng langit
ang mga tula ay brasong handang bumangga
sa truncheon
ang mga tula ay bisig na walang pangingilag
na kumakawit sa iba pang bisig
ang mga tula ay sikong handang masugatan
ang mga tula ay kamay na handang kumuyom
at magtuldok ng kamao sa nilalagnat na langit
ang mga tula ay daliring nangangating
humawak ng bandilang iwawagayway
ang mga tula ay dibdib na may pusong matibay
at hiningang matatag
ang mga tula ay tadyang na handang mabalian
ang mga tula ay sikmurang handang magutom
kung kinakailangan
ang mga tula ay baywang na gumigiling
sa awiting mapagpalaya
ang mga tula piraso ng lamang magbibinhi,
magpapabunga ng laksa pang mga tula
ang mga tula ay hitang handang malatayan
ng pasistang katunggali at handang bumawi
ang mga tula ay tuhod na handang magasgasan
ang mga tula ay binting hindi mapapagod sa lakbayan
ang mga tula ay alak-alakang sanay mapawisan
ang mga tula ay sakong na walang gumamela
ang mga tula ay daliri sa paang walang paki sa paltos
ang mga tula ay talampakang nangangating
maglagalag at handang bagtasin ang tagumpay
ang mga tula ay laman, at buto at isipang
inihulma sa tunggalian.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento