Sabado, Agosto 18, 2012

Sa Kaibigang Nasa Timog, Silangan At Hilaga Ng Kahungkagan

at nang gumiling sa ating sintido
ang talab ng pulang kabayo
iniwasan nating ungkatin ang politika

ngunit nanunuot sa ugat ang pinagmulan
politika ang nagluwal sa ating hininga

nang iusal mong kasalanan ng maralita
ang kalagayang sa kanila'y nagsadlak
hindi na ako umimik

oo, itinutulak ng mga pagbabago
at ng mga segundo, oras at pag-ibig
ang lahat nang iniigkas ng ating kamao
paurong mong nilango
ang sarili

inililikas ng pagkakatanto
ang sarili
inilulublob sa isinaing na kalagayan
ng sariling pang-unawa at sipat

kailangan nating bumatay sa tatsulok
ng tunggalian
batid mong umiiral ang bawat organo
sa tibok ng ulo
bago damdamin

diyalektika

ngunit nilamon mo
ang sariling
karimlan

at kinain ka ng kawalan

wala nang makapagliligtas
sa iyong panambitan

babagsak tayo sa ating
mga sarili
ngunit bumagsak ka sa kahungkagan

at lilinlangin ang pitlag ng loob

huwag na tayong magtalo

tumaob na ang bangkang dati mong kaulayaw

manalig ka na lamng sa iyong balintataw

sa diyus-diyosang mong kariktan

huwag mo lamang sumbatan
ang idinikdik ng kawalang-

pagpipilian

ang umiiral na reyalidad
ng tunggalian.


*kay J.D.P.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento