minsan, namamanhid na lamang din ang kakayahan mong tumugon.
halimbawa, ngayong gabi.
ngayong gabi, maingay ang paligid.
at wala ka namang magagawa kundi namnamin ang ingay.
may programang nagaganap sa covered court, tatlong bubong
at isang kanto ang layo mula sa amin. full blast ang gigantic speaker.
teach me how to doggie tournament daw, sabi ng kapatid ko.
ilang libong ulit-paulit-ulit ng malanding ungol ng yeah! yeah! yeah!
teach
me how to doggie.
nagbaril ako sa ulo ng sarili kong musika: digital love ng daft punk.
pero walang talab.
sumuko ako. at alam ko, susuko naman talaga ako.
nang itaas ko nang kamay ko, nang iwawagayway ko na ang puting
bandilang tanda ng pagsuko, gumuhit sa sala-salabat na ingay
ang PUTANGINA! PUTANGINA MO! UMUWI KA!
binubugbog ng lalaki ang babae, sa tapat lang ng bahay namin.
sampal, sipa, batok. PUTANGINA MO! PUTANGINA! UMUWI KA!
hibik at hikbi, luha at muta. di ko na inalam ang dahilan ng eksena.
humina ang full blast speaker, namatay na ang asong-kantahin.
at gusto kong gumawa ng tula, pero di ko magawa.
mamaya, sasaklubin ng lamig at katahimikan ang paligid, mas hindi
ako makakatulog at susuko ako.
at walang tula
why don't you play the game? paulit-ulit ang daft punk sa aking utak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento