Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung ang hinahabi mong mga salita’y panay Putangina!
Kung ang konsepto mo ng pagtutulad ay panlalait
At ang ideya ng metapora’y walang saysay na galit.
Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung ang nabuong mga linya’y yabang lang na talinghaga
Kung naniniwala kang tula na ang tugma’t sukat
At kapag nabasa namin ay—Aba! Syet!—golpe-de-gulat.
Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung ang layon mo ay kasikatan at kumita ng pera
Kung makilala lang at makapagpablis ng aklat
Na mamahalin ang papel at may poetic na pabalat.
Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung nakilala mo lang si Balagtas sa Florante’t Laura
Kung di pa nababasa si Amado V. Hernandez
At kay Andrew E. ka lang naaakit, Ayayay! Putrages!
Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka.
Kung hanggang papel lang ang de-kalibre mong mga salita
Kung tingin mo sa makata’y endorser ng brief’t panty
At ang tula ang siyang key; Lintik! mas bagay ka sa PBB.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento