Nakatatawa. Sinabi mo: Pag-ibig ay pag-ibig.
Wala akong tutol, ano pang masasabi ko?
Umiibig din ako katulad ng alikabok na ayaw
Lumisan sa bentilador. Katulad mong umiibig
Sa Pag-ibig. Katulad ng apoy sa tubig,
Ng mata sa mundo.
Ngunit ano ang pag-ibig? Itinanong ko sa iyo.
Pag-ibig ay pag-ibig, tugon mo.
Ano ang pag ibig? Itinanong kong muli.
Pag-ibig ay pag-ibig, tugon mo.
Nakatatawa. Wala akong maitutol.
Gusto mong tanggapin ko; paumanhin.
Hindi ako tumutol; hindi rin ako umayon.
Mailap ang kahulugan
Ng Pag-ibig mong pag-ibig.
Pag ibig ko nang umibig, hindi na ako umiibig,
Dahil sumasapi ako sa hangin, nagiging isang ibon.
Lumilipad, nababalian ng pakpak. Umaawit, tinitirador.
Namatay samantalang hinaplos ang langit.
Pag-ibig ko nang umibig, hindi na ako umiibig.
Nawawalan ng kahulugan ang ngiti. Pag ibig ng pag-ibig
Ang pag-ibig. May kumukumpol na ulap sa lalamunan,
May ulan sa pilik-ng-mata.
Pag-ibig? Pakisampal ako, pag ibig.
Marahil, pinalalalim ko lamang ang mababaw, ang Pag-ibig.
O mali ako, baka mali ako. Siguro, mababaw ma’y malalim.
Tinig ng tining. Labusaw sa lusak.
Puso sa bungo. Pag-ibig ay pag-ibig, Aywan.
Kailangan kong tumutol. Tungkulin kong umibig, tumutol.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento