Martes, Nobyembre 22, 2011

Hangin*

Nasa tabi mo ako ngayon,
hindi ako mahihimbing.
Babantayan lamang kita,
at titiyaking walang lamok
ang makadidikit
sa iyong balat.
Sisiguraduhin kong maayos
ang pagkakalapat
ng malamig na bimpo
sa iyong noo.
Aayusin ko
ang pagkakagusot
ng nakayakap sa iyong kumot.
Aabangan ko
ang oras ng pag-inom mo ng gamot,
ako
ang aalalay sa iyong likod
habang nilalagok ang maligamgam
na tubig.
Titigigan ko ang iyong labi,
hahanapin ang bakas
ng hiningang iniluluwal nito.
Pakikinggan ko
ang ritmo ng iyong puso.
Maya’t maya kitang dadampian
ng aking palad, aalamin
lagay ng init ng iyong katawan.
At kung maaari,
pahintulutan mo sana
ang panakaw kong mga halik
sa iyong pisngi
at ang paminsan-minsan kong yakap,
makagagamot din marahil
ang mga ito.
At kung matitiyak ko
na mas mabuti na ang iyong lagay
at pakiramdam, huwag kang mabibigla
kung hindi pa ako mapapalagay.
Ang layon ko’y lusawin
ang lahat mong hinaing at sakit,
kung maaari, nakawin sa iyo
ang lahat ng pasakit.
Kumukurot sa aking dibdib
ganyang tipo mo ng pagpikit,
ang mala-pagal
na pag-uwang ng iyong labi,
ang bagsak ng iyong katawan
sa higaan, ang lukob ng kumot
sa iyong kabuuan. Sinta, malayo man
ang pagitan
ng ating mga naisin, ganap pa rin
kitang kakalingain.
Nariyan ako sa iyong tabi,
hindi man bilang
ako
kundi
bilang isang hangin.

*kay G.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento