iyong nakukuha mo pa ring ngumiti
kahit sumasaklob sa iyo ang alimuom
at alimpuyo, ng lupa at bagyo.
kahit nangingitim ang langit at nagbabanta
ang isang mahabang gabi, naiguguhit
mo pa rin ang isang matimping labi.
iyong nakukuha mo pa ring ngumiti
kahit kalansing lamang ng iilang barya
sa walang-lalim mong bulsa,
ang ulam at takam ng butas na sikmura.
kahit walang dahon ang puno,
walang bunga at anino, nakukuha mo
pa ring yumakap sa gasgas nitong
katawan at di ka naghahanap ng katwiran
sa salimuot ng marami mong kawalan.
iyong nakukuha mo pa ring ngumiti
kahit sintunado ang awitin sa kabilang kanto
at nagtatakbuhan sa lansangan
uhuging mga batang walang tiyak na kinabukasan.
kahit sagad na ang pasakit ng araw-araw
na pagkahig at walang katapusang pananalig
na darating din ang hinihiling na ayskrim at pinipig.
iyong nakukuha mo pa ring ngumiti
kahit nagngingitngit ang sanlibutan
sa init, sa balakubak ng nagbakbak na anit
at palpak na serbisyo ng manhid/ganid na gobyerno.
kahit karaniwan pa sa karaniwan ang pagmamaktol
ng kapalaran at walang maisukli sa iyo
ang paniniwala at silid-aklatan, kahit punit
ang kumot at libagin ang kobre-kama,
kahit dasal yata ay pinagdadamutan ka ng tiwala,
iyong nakukuha mo pa ring ngumiti
sa kabila ng lahat, dahil wala ka namang hangad
kundi isang payak na guhit sa makalyong palad
at alam mong wala naman sa materyal
ang kasapatan; wala ka namang interes sa ideyal.
iyong nakukuha mo pa ring ngitian ang simangot
ng mundo, kahit tuyo ang iyong labi at bungi
ang pagkatao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento