ipinagtataka niya ang kasalukuyan
gayong nalalapit na ang huling tuldok
sa mga talata ng kanyang paghinga
namukadkad ang mga rosas na huli
niyang namasdan noong kasibulan
ng kanyang nakaraan, natatangi
ang bughaw na langit na tila ba
umaawit ang mga kerubin sa pisngi
ng ulap,
nakayukong magsasaka ang tindig
ng mga uhay ng palay, ginintuang
nakalatag sa kaparangang tila banig
na sinabuyan ng pinulbos na ginto,
nakangiti ang mga mirasol kaharap
ang nakangiti ring araw, walang
lagnat ang hangin, nababasag ang ulap
sa marahang paraan na hindi lumilikha
ng kulog,
kung umuulan nag-aawitan
ang mga palaka at magalak sa pag-indak
ang mga punong kawayan, parang
kumukuha ng larawan ang kidlat;
hindi mapagngalit na pumupunit
sa langit nang biglaan, hindi siya nito
ginugulat, kalatukan ng mga gong
ang katok ng ulan
sa kalawangin niyang bubong,
mas mabango ang kumot kesa noon
kahit burdado na ito ng lungkot
at pangungulila, ang unan,
mas malambot kaysa noong tila
bato itong ipinupukol sa kanyang ulo
kung nagigising, mas mainit ang kape,
mas malinamnam ang pandesal,
talagang ipinagtataka niya ang kasalukuyan
gayong nalalapit na ang huling tuldok
sa mga talata ng kanyang paghinga
anong mayroon ang kasalukuyan
at iginagawad sa kanya ang taimtim
na milagro ng paligid, gayong nalalapit
na ang huling tuldok sa mga talata
ng kanyang paghinga? tila mahirap
magpaalam sa mundong nagbabagong
hubog, napakahirap
tatlong araw, nang maituldok sa huling
salita, sa huling talata ang huling tuldok
ng kanyang paghinga,
sumiklab ang digmaan, naluoy ang mirasol,
tinik ang natira sa mga rosas, bumagyo,
nangitim ang mga ulap, mabagsik
ang hampas ng hangin, naglundo ang bubong,
napunit ang kumot at unan, hindi umaso
ang kape, nalaglag ang pandesal sa natigang
na lupang dati niyang kinalinga.
(inspirado sa A Felicitous Life ni Czeslaw Milosz)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento