Huwebes, Mayo 10, 2012

Post Office At Si Boni

Lagi nang gabi (mag-a-alas dose o lagpas nang alas-dose) ang uwi ni Billy nitong mga nakaraang linggo. Lagi na kasing overtime ang trabaho nila sa Post Office (iyong nakaharap sa Liwasang Bonifacio at nakatalikod sa Ilog Pasig na tumutunton naman sa Manila Bay) dahil kailangan na nilang ayusin at iempake, itapon at piliin ang napakaraming mga sulat-koreo. Uumpisahan na kasi sa Hunyo ang pagko-convert ng makasaysayang gusali patungo sa isang magarbong hotel.

Nang ipamalita sa kanilang mga empleyado ang desisyon na iyon ng kanilang admin, di na siya nag-react. Naisaloob na lang niya na mas mainam siguro kung di na siya magsasalita, wala rin namang mangyayari.

Sa totoo lang, isa siya sa masugid na tagahanga at humahanga sa gusaling iyon ng Post Office. Alam niya ang kasaysayan ng gusali, ang pinagdaanan at kung anu-ano pa. Kaya nga nang marinig niya ang balita, gusto niyang magmura, iyong pagkalakas-lakas at wala na siyang pakialam kung tanggalin siya sa trabaho. Pero hindi niya ginawa.

Frustrated architect kasi siya at isa ang gusali ng Post Office sa paborito niyang design ng mga gusali sa Maynila. Gusto niya rin iyong lumang Luneta Hotel sa kanto ng Kalaw at Roxas Boulevard. Naibulalas pa nga niya kay Maricorn, iyong katrabaho niyang lagi niyang nakakausap, na bakit di na lang iyon ang i-upgrade. Hotel sa hotel, walang talo.

Kaya ngayong halos isang buwan na lang bago ang pag-alis nila sa lumang gusali, mas nararamdaman niya ang kalungkutan. Ayaw niyang maging hotel ito. Mas mainam pa kung gawing opisina ng gobyerno o gawing museo, huwag lang hotel. Ilalayo lang ito sa mga tao, sa mga taong katulad niya na walang pera pero nakararanas makatapak makasaysayang gusali. Ni hindi nga kasi siya nakakapasok sa CCP at National Museum, wala kasi siyang pang-entrance at kulang pa nga ang sahod niya bilang maintenance sa Post Office sa pangkain nilang mag-iina. Noong minsan ngang madaan siya sa Shangrila sa gilid ng Megamall, nang sumilip siya sa entrada ng tarangkahan e parang langaw siyang binugaw ng mga sekyu. Paano pa kung maging Fullerton Hotel ang Post Office na ilang taon din niyang naging pangalawang bahay? Malamang sa malayo na lang niya ito mapagmamasdan.

Kaya nga kada uwi niya nitong mga nagdaang linggo, tumatambay muna siya sa hagdan sa entrada ng Post Office, doon sa puwesto na natatanaw niya si Bonifacio at ang orasan ng City Hall. Doon muna siya magpapalipas ng pagod. At nakakatulog siya panandali.

Pero iba ang gabi ngayon, nakita niyang bumaba sa pedestal si Bonifacio. Sinampal niya ang sarili; hindi siya nanaginip. Sa malayo, naka-istak sa alas-dose ang mga kamay ng orasan ng City Hall. Napatayo siya at nagtago sa poste, parang walang tao sa paligid, pansin niya.

Malalaki ang hakbang ni Bonifacio, papalapit ito sa fountain, nag-indian sit na nakaharap sa Post Office. Nakatingin lang ito kabuuan ng Post Office. Alam niyang si Bonifacio iyon. Hindi siya nagkakamali.

Nang muli niyang tingnan ang orasan ng City Hall, nasa alas-dose kinse na ang mga kamay nito. Bumaling siya sa pinagkakaupuan ni Bonifacio sa fountain, wala na ito. Bumaling siya sa maliit nitong monumento, naroroon na ito, nakatalikod, nakatindig tulad sa nakagawiang tindig nito.

Naniniwala siyang si Bonifacio nga iyon. Hindi siya lolokohin ng kanyang paningin.

Umuwi siyang kakaunti lang ang tao sa paligid.

Nang pumasok siya kiinaumagahan, nagpaskil siya ng mga coupon bond sa mga poste, pader at gate ng Post Office na nasusulatan ng ganito: "Pag-aari ng mamamayan ang gusaling ito. Huwag hayaang ibenta sa mga diyos ng kapital at tubo!"

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento