kung malakas ang hangin at waring laksang
mga kamay itong nagtatampisaw sa iyong buhok,
ipinagtatanggol kita: maano ba namang iharang ko
ang aking dibdib o ang aking batok upang salungatin
ang hangin, suwerte pang magkaharapan, naghahalikan
ang tungko ng saratin nating ilong. at makikita kitang
waring pinagpasa-pasahan ng mga pusakal matapos
ang unos: buhok na nagsala-salabat, sali-salimuot
sa iyong mukha. kalunos-lunos.
ngunit nakangiti ka pang yayakap sa akin na animo'y
tila laro ang mga nangyari, parang harutan ng mga aso
sa damuhan, parang bulaklak na sumasayaw sa lambing
ng ulan. at wala na akong magagawa kundi suklian ka
nang higit pang bungkos ng pagtatangi: aayusin ko
ang nagahasa mong buhok, at ikukulong ko sa aking dibdib
ang hangin na sa iyo'y sumalanta, gagawin kong bulong
na kikiliti sa iyong tainga.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento