hindi naman ganoon katagal nang huling
tulaan kita, nang tulaan ko ang awitin
nating dalawa o nang minsan kong lapatan
ng mga salita ang bawat nating paghinga;
hindi naman singtagal ng pagtibok
ng kamao sa aking dibdib, o bibilangin pa
ang piraso ng hibla ng iyong pagkalambot-
lambot na buhok na hilig kong haplusin
sa tuwinang ika'y nahihimbing. ilang araw
na nga ba nang huli kong bigkasin
ang mga talinghaga, nang huli kong sigawan
ang isang blangkong pahina at pintahan
ng isa, dalawa, tatlo o milyong mga salitang
umiilanlang sa aking pagtitiwala
at pananalig sa magkatali nating mga daliri?
ilang araw na nga nang huli kitang ipinta
sa tula?
hindi naman ganoon katagal; hindi
kailanman makalilimutan ng aking mata
ang iyong mukha, at ang iyong ngiti
na literal na umaagaw ng atensyon at
literal na nagpapabukad ng mga bulaklak,
ng iba pang labi, tulad ng di ko malilimot
ang tula at mga tula para sa iyo; kung iisipin
nilang isa kang ngiti na hinulmahan ng pagkatao
at sinseridad, maniniwala ako. ilan na nga ba?
kung ikaw ang tatanungin ko, sakaling maisumbat
mo na libong mga araw na ang huli kong tula
para sa iyo, at ikalulungkot at ikaiinis mo.
marahil ay iniisip mo ang libong araw ng isanlibong
lambing na lagi namang para sa iyo,
hindi iyon tula o pwede mo na ring isipin
na iyon ay mga salita ng tula ko sa iyo. ilan na nga ba?
isang araw lamang ang natatandaan
kong sandali nang di kita matulaan. at
nakalimutan ko na iyon, tanda mo?
dahil ang araw na iyon ay ang bawat nakaraan
na walang tula, naroroon ang kawalan sa nakaraan.
at ang ngayon, mayroon ako. itinitiyak kong araw-araw
ay may tula sa aking daliri, para sa iyo. hindi man
mga salitang pinamulaklakan ng talinghaga
alam kong tula ang bawat kong paghinga, para sa iyo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento