Martes, Enero 1, 2013

Sandali

hanggang ngayon, hindi pa rin kita masabayan
sa tuwinang ibinubulong mo sa hangin ang himig
ng mga awiting hilig mo o iyong nagpapakilig
sa iyong katawan, sa balakang at balikat--mga tinig
na mabubulaklak at masimbuyong nilalagom ang iyong sarili.
ang mga Les Miserables at Phantom of the Opera,
iyong Miss Saigon at Sound of Silence o iyong iba pa
na inaabot ang mga ulap sa tinis at kinis ng mga nota,
mga melodiya at eskalang umiindayog sa tainga:
mga operatikong salaysay ng mga damdaming
masidhi pa sa pagsabog ng mga baog na bulkan
o mga musikang humihimlay sa balangkas ng mga ugat.
hanggang ngayon, di pa rin kita masabayan at
hindi nga ba dahil sa ang tulad ko'y nahumaling
sa garalgaling ispiker, sa malilikot na mga daliring
tumitipa sa liig ng mga baho at gitara
o sa mga wirdong awiting
bibihirang masagi ng iyong mga taingang kinalinga
ni Barry, Robin at Maurice Gibb.
saang sangandaan
ng sanga-sangang kasaysayan
ng musika at lirika tayo nagtagpo?
maari ko bang ipanukala ang salitang pinagtagpo? o mali
ang ariin kong nakalapat ang iyong tainga para sa pintig
ng aking puso?
hanggang ngayon, hindi pa rin kita masabayan
sa Do You Hear The People Sing o Castle on a Cloud,
o sa Don't Cry for Me, Argentina, Think of Me at
Music of the Midnight: nananatili lamang akong nakatitig
sa iyong mga labing parang matimping alon ng dagat
ang indayog o minsa'y naliliyo na lamang sa iyong tinig,
na ipinakukulong man ng iba sa loob ng palikuran,
ay ninanais ko pa ring isilid sa silid ng aking alaala at tainga.
magkagayunman, kung ako'y di man makasabay
o napatutulala na lamang, inaaral ko pa rin ang iyong mga awitin;
hinihimay ang mga layunin at hinahangad na maisalin
sa baul ng aking gustuhin, hindi ba't ang musika'y musika
anuman ang sinusuot nitong damit at ugali? nasa iisang
mundo pa rin tayo, nakatapak sa magkasugpong na lupa
at inihihinga ang magkayakap na hangin.
kaya nga't noong isang araw, tanda mo ba?
habang nakatitig tayo sa buwan na nakalublob sa mga ulap,
habang nakatitig sa atin ang nilalamig na puno ng niyog,
habang nakahiga tayo sa kimumutan nating damuhan,
habang naka-ekis ang aking mga braso sa iyong katawan,
habang sa atin umiikot ang mundo, at habang ipinagtatanggol
tayo ni Diego Silang sa mga nagdaraan, natatandaan
mo bang sabay nating inaawit ang I Will ng The Beatles?
walang pagitan ng uri at pakiwari, ang musika'y pinili
ng ating sandali, ng ating mahabang sandali
ng pagsasarili.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento