kapayapaan ang alak sa kanyang ugat
na di maiwaksi ng iyong pag-aalaala,
at pagmamasid habang nagkakalansingan
ang mga basong pawisan
at nilalanguyan
ng pumapanaw na yelo
sa kahubdan ng gintong alak
sa tiyan nito. anumang mga sabi-sabi
sa kanya'y tinatabunan mo ng pag-asa,
ng pananalig at tiwala.
ganito at ganyan.
lalagi't lalaging ganito at ganyan
ang paggiling ng bawat tagpong
itinutumba ang mga boteng inigpawan
ng kaluluwa: ang kanyang kapayapaan,
ang deklaradong manipesto ng kaniyang
sarili.
ganyan at ganito.
mananatili
ang pagsamba sa nagbuklod ninyong
hininga: ang nagtaling katiyakang idinikta
ng inyong mga kawalan,
kahinaan
at kalakasan,
anuman ang ihain
ng paligid.
lalagi't laging isinasandig ang bawat
ninyong daigdig
sa didbdib ng isa't isa: ano't anuman--
dakila ang tapat mong pag-unawa
sa piyudal niyang gawi at salita.
dakila ang kaniyang pagtataguyod
sa payak ninyong silong.
anong bulong ng kalungkutan
ang dapat pang pakinggan?
wala na marahil, maliban sa uha
ng mumunting labi
sa malalalim ninyong gabi,
na nagmistulang pangarap
ng kasalukuyan.
ano't anuman,
ito ang pulitika ng inyong pag-ibig.
ang pulitika ng inyong pag-ibig.
sa mga Bebemon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento