Samahan mo siya sa kanyang panata: siyam na madaling-araw ng nagmamadaling
Mga araw, tumatakbo patungo sa sabsaban ng pagkasilang ng banal na sanggol
Sa ilalim ng tala, sa lupain ng Betlehem. Tabihan mo siya sa mahabang upuan na
Inukitan ng kurus, alalayan ang kanyang hiwaga: matang nakapikit at sumasamo
Ng hiling at pagkiling sa kanyang mga naisin. Lumuhod sa tabla ng pagninilay,
Yumukod kasabay ng mga naghahanap ng pagpapala sa loob ng simbahan.
May labing bumuka, bumilog at sumagap ng hangin: may humikab, may humilab
Na antok na ipinapahid ng malamig na simoy ng Amihan. May mga kamay
Na nakalingkis sa balakang, may mga anas ng pagkainip at pananaginip.
Samahan mo siya sa kanyang panata, isang beses sa isang taon, bumabalik siya
Sa tubig na inihilamos sa kanyang bumbunan—katulad mo. Nakikita mo ba
Ang ipinakong mga kamay, ang tadyang na tinatagasan ng dugo, mga paang
Malungkot, ang koronang tinik: nakita mo ba o abala ka sa ilusyon ng madaling-
Araw? Sinamahan mo siya sa kanyang panata at iniwan mo ang sarili sa piling ng kama.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento