Panginoon, nangangalawang na ang tabak;
ilang dekada ko na ring di naipadidila
talim nitong dapat sana'y sa dibdib ng tubo
nananagana.
Nangangalawang na, Panginoon ko, pagkat
ayaw mo akong tulutang
bungkalin, tamnan, linangin
ang lupang namumuhaghag na sa kawalan
ng kalinga.
Panginoon, iya'y lupa ng aking ugat;
lupa ng aking buhay, lupa ng aking kamatayan.
Hayaan mo akong yakapin ang aking tabak,
Panginoon ko; ikaw na nasa dibdib ng mga ulap,
di ko man lang makita ang iyong
palad--tingnan mo ang akin, Panginoon,
tingnan mo kung paano naglalapat
ang palad ko at tabak.
Panginoon, sa balat ko pahahalikin, ang purol
nitong malungkutin kong tabak; hindi
sa iyo, aking Panginoon. Pagkat
wala namang pagkakataon na magkakaharap
tayo. Panginoon, sa aking balat, sa aking ugat
at kalamnan, mabubuhay itong malungkutin
kong tabak--
ang balat ko't laman na isasampay ko
sa iyong ginintuang tarangkahan--makarating nawa
sa tungko ng iyong ilong
ang alingasaw ng nabubulok kong
laman at nahubad na kalawang
ng nabuhayan kong tabak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento