Martes, Mayo 1, 2012

Nang Umakyat Ka Sa Sanga Ng Mabulas Na Punong Mangga

nang apakan mo ang sangang mas payat
pa sa braso ng payat na pulubing namamalimos
sa plaza ng Pozorubio
ng punong manggang sampung palapag
ang taas, parang dagang nagpupumiglas
ang kabog sa aking dibdib. paano
kung sa isang ihip ng hangin, pumitik
ang sanga at kisap-
mata, lalapitan kitang bali ang tadyang,
ang balakang, basag ang bungo, tumikwas
ang binti? mapait pa sa pawis na nananalaktak
sa mga gatla ng aking noo
ang damdaming gustong tumakas.
mas malakas pa yata ang loob mo
sa leon na nag-aabang ng masisila
sa harap ng mangangaso.
mas matapang ka pa marahil
sa pusang maglilipat bubong
upang manguha ng tinik.
wala kang takot sa mga tikbalang at tiktik
o sa makating mga hantik.
tila ka diwata sa pagitan ng mga dahon at bunga
nang apakan mo ang sanga
at umihip ang hangin.
gusto kong lumuhod
at dumalangin
na matatag nawa
ang sanga
tulad ng
pag-ibig
nating
dalawa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento