hindi ako makata, huwag mong tingalain
ang hinabi kong mga salita. ako'y salamin
lamang, repleksyon ng hindi mo makita o
ayaw mong tanggapin, suriin at madama.
halimbawa, tinitigan mo na ba ang mukha
ng kambing? wala ka bang nakita sa balbas,
sa matindig na sungay, sa matang duling?
ang buwan, nakita mo ba sa pisngi
nito, ang mukha ni kristo? kailan naging
magkawangis ang mirasol at araw? kailan
ka nakita ng puting ng kalabaw?
halimbawa, naamoy mo na ba ang pawis
ng kargador? ng pulubi, ng estapador?
paano mo mapag-iiba ang amoy ng gumamela
sa amoy ng santan? alam mo bang maasim
ang samyo ng nabasag na kalawang?
nagbababala ang alimuom, mas mabagsik
ang naptalina. umaaso ang kape, anong
lasa ng timpla?
halimbawa, mapait ang pusong nabiyak at biniyak.
nalasahan mo na ang luha at pag-iyak? matamis
daw ang unang halik? natikman mo na ba
ang isang naghihilik? mapakla ang hilaw na ampalaya,
mapait ang hinog na patola. nakatikim ka na ba
ng kinse anyos? maasim ang bunga ng padalos-
dalos.
halimbawa, musika ang is-is ng ahas, sayaw
ng kawayan, pagbagsak ng bunga ng mangga
at papaya, ang tikatik ng malambing na ulan. narinig
mo na ba ang awit ng katahimikan? ang kapayapaan
sa gitna ng kaguluhan? may sukat at ritmo ang tibok
ng iyong puso, umiiba ng tono depende
sa puyo.
halimbawa, ikaw ang langgam na tatapaktapakan,
ikaw ang punong kikitlan ng kakisigan, ang rosas
na aalisan ng tinik, nililigawang pagdadamutan ng
kilig. anong pakiramdam kung maligaw sa sukal
at ni anino ng ulap ay walang hatid na lingap?
naramdaman mo na ba ang galak at takot, lungkot
at ligalig sa talim ng gulok?
hindi ako makata, at hindi ako tula. hindi makata-
rungang tawaging isa. hindi ako makata, ikaw
ang humahabi, nagpapasya ng binalangkas kong salita.
hindi ako makata, at huwag kang mag-alala,
sa pagitan natin, walang pagitan kundi alaala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento