Ganyan naman ang tula
Pinaaasa sa metapora,
Sa pagsasatao, paghahambing,
Sa lirika, sa sukat at tugma
Ang salita.
Ganyan naman ang tula
Nang minsang madulas ang pusa
Sinabing hindi ito mamamatay
Sa sagasa. Sa tinik ng isda,
Hindi natutulaan ang tinik
Ng isda
At ang nadulas na pusa
Sa gilid ng umaatras na L300.
May tula tungkol sa Siberian husky
Na mahal na mahal ng amo.
Wala sa pusang nag-landing
Sa kalawanging bubong.
Ganyan naman ang tula
Dinadaan-daanan ang may marasmus,
Ang bulag na di marunong magmasahe
O maggitara,
O ang magkakaibigang sign language
Ang tawanan.
Hindi natutulaan ang kapansanan
Maliban kung malapit sa kamatayan
Na siyempre
Paboritong tulaan ng mga poet;
Ang eksistensya.
Ganyan naman ang tula
Malambing ang buwan, matapang
Ang araw. Ang bituin, hindi naman bubog
Kundi diyamante. Ang hangin, humahaplos
At di nananapak. Ang puno, ang dahon
Ang bulaklak
Pinakamasarap kung bumabalik sa nagdaan.
Hindi katula-tula ang basura,
Ang nakatambak na sirang sopa
Sa gutter. Ang plastik ng Mentos
Sa bunganga ng imburnal.
Walang tula sa basura.
Ganyan naman ang tula
Ang prosti, palabok sa obscenity.
Ang pulubi, para malasahan ang pakla
Ng siyudad. Ang tindero ng balut,
Insider. Ang holdaper, holdaper.
Ang gabi, madilim at ang umaga ay pag-asa.
Poverty porn star ang nagbabandila
Ng reyalidad. Propagandista at hindi makata
Ang nagtutula ng protesta. Awardee ang nagbabandera
Sa pormalidad, ng pormalidad at nagpapanata
Sa ruler
At protractor
Ng tradisyon at modernidad.
Mula’t mula nang sakalin
Sa pamantayan ng aklat at unibersidad,
Ganyan naman
Na
Ang tula
Ganyan naman ang tula,
Nila.
Ganyan sila sa tula.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento