ang tansong monumento ni Bonifacio sa bungad
ng Tutuban Center Mall
ay ang tiyak din na lugar
kung saan dating nakatirik
ang kanilang bahay
bago ito sakupin ng Ferrocaril
at lapatan ng sala-salabat
na riles na bumutas
sa mga lansangan ng Maynila
at kalakhan ng Luzon.
1891 nang pasimulan ang biyaheng Manila-Dagupan,
na lalong nagpasibong sa kasaysayan
ng Divisoria,
ng Binondo,
ng Tondo.
…
mahaba ang kasaysayang sinasakop ng lugar na ito,
ang Tu tuba n,
na hinango sa salitang
Tuba.
mga ilang metro matutunton
mo ang tiyak ding lunan
kung saan itinatag ang Kataas-taasang
Kagalang-galangang
Katipunan
ng mga Anak ng Bayan,
ang bahay sa 72 Calle Azcarraga.
…
kasalukuyang nagbubunyi ang apoy sa gusaling Cluster,
at ako, bilang saksi lamang sa pagkakatupok ng bubong
at pangingitim ng pinturadong
mga pader at haligi,
ay saksi at saksi lamang.
higit isang araw ng pagbubunyi,
saan nga ba nagsimula
ang titis? sino
at paano?
…
may mga sabi-sabing sinadya ito.
…
kumpetensiya ng nagyayabangang mga gusali
ng kalakal
na nagsulputan sa tadyang ng Divisoria,
ng Binondo:
168
at 999,
Meisic Mall
at Lucky Chinatown,
mga higanteng kapital na kumitil
sa hininga
ng maliliit na puhunan ng maliliit
na paninda ng maliliit na tao
sa mga bangketa ng Recto at Ilaya,
ng Padre Rada
at San Nicolas,
taktikang kapitalista na ipinakilala
ng SM
at Robinson,
at Trinoma,
at Gateway,
na taktikang kapitalistang ipinakilala
ng kanluraning salaula sa dignidad ng tao
at paligid,
dalawang higanteng kumpanyang
pumatay
sa Abenida Rizal
at Escolta,
sa Dewey Boulevard
at Luneta.
…
bumaha ang mga miron,
nagsiritan ang mga tubig,
umalagwa sa himapapwid ang sirena
ng nagmamadaling firetruck,
sumayaw ang apoy sa bawat palapag,
nagsulputan ang mga alipato sa tuktok
ng naghihingalong bubong,
sing-itim ng burak
ang nag-uling na kisame,
nakababahala ang pagkabasag ng mga
jalousie na animo’y pagguhit ng kulog
sa langit na nabaog sa ulan,
impyerno
sa aking mga mata
ang pagdila ng apoy
sa lahat-lahat nitong maabot.
…
naikuwento ni Nanay:
dati na rin kaming nasunugan
noong sa Parola compound
pa sila naninirahan ni Tatay:
bagong mag-asawa
na agad sinampolan ng bangis
ng mapanlansi, higanteng apoy.
nasa sinapupunan ako ni nanay
nang mangyari iyon, sabi niya.
naalaala niyang hawak niya ang pakwan
niyang tiyan, na ako ang laman,
at naiwanan niya ang kaniyang sinelas
sa pagmamadaling iligtas
ang sarili
at ang ilang gamit:
isang nakatatakot na simula
para sa nagsisimulang pamilya.
…
sa apoy sumibol
ang utak ng tao.
…
kung may utak lamang
ang apoy,
marinig niya nawa
ang lungkot sa aking dibdib--
ang naglalahong kasaysayang
lumulukot
sa aking pananalig,
sa aking kabataan
sa paligid ng Tutuban.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento