sa mga yugtong ang laranga'y mistulang
gabing walang aninong maisaboy ang buwan
o umagang dahop sa dila ng araw
at nangangamoy pulbura ang paligid—nanunuot
sa tadyang ng mga talahib—at nakatikom
ang mga kuliglig
tinatangka ng mga batang maglaro
tinatangka nilang kupitin ang kamusmusang ipinagkakait
ng kalam na tiyan at maiiksing kumot
ng mga botang yumayanig sa mga pilapil
ng mga malilisik na matang gumugulantang
sa katahimikan
tinititigan nila ang langit, humahanap
ng mga bituing makapagsasabi ng kanilang
kapalaran; nagkukuwentuhan ukol sa mga tikbalang
kapre o duwendeng itinatago
ng mga bungang-kahoy at punso;
tinutugis nila ang mga palakang iniligaw ng maragasang ilog;
sinisipat ang mga tutubing tatanggalan ng pakpak;
ihihiga sa mahamog na lupa
mga munti nilang katawang nangangatas
sa pawis; isang masiglang habulan,
tumatakas ang pag-asa sa pumpon ng mga inosenteng
hagak—marahan
ang pagkalusaw
ng kanilang kamusmusan
sa mga yugtong naninigid maging sa panaginip
ang mga bota at pulbura, at makitid ang tulay
patawid sa mundo ng pagtanda,
mga mumunti
silang mananalukbong ng pangamba—mga manyika,
mga manyikang silang mapuputlan ng ulo,
ng mga kamay, mga paa
at pagkabata.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento