nakatatakot: paano kung
biglang
maputol ang ulo ng sanggol na katabi ko
ngayon sa maalinsangang kahon
ng dyip?
itong sanggol na matangos ang ilong
singkit ang matang kinukumutan
ng kamusmusan, labing singnipis
ng alinlangan sa kinabukasang
walang kasiguruhan--
paano kung walang anu-ano'y gumulong
ang mumunti nitong ulo
sa pagitan ng mga paang
nagsisiksikan,
mga paang putikan, mga paang walang patutunguhan
at walang uuwian
sa loob ng lumang dyip: kakarag-karag
na bulto ng kalawanging bakal
na biyaheng Herbosa-Divisoria?
ganitong ang kalsada'y inagawan
ng kapatagan
at mga multong nagkakalat
ang bako at butas, kanal na masangsang,
humps at mga batang nagsusulputan
sa kunsaang sulok ng lansangang tiwalag
sa pag-unlad?
paano ko ihihimpil ang bagabag sa pagtitiwalang
walang anumang mangyayari
sa sanggol na itong karga
ng inang maugat ang maliit na kamay?
sabihin mo sa akin
saan ko hahanapin ang kasagutan
sa walang-katiyakang
buhay ng mga ordinaryong hiningang
nakasasalamuha ng mapagmasid kong
mata? kailan
lilisan sa aking paningin
ang lumot ng pangamba
sa kanilang tiwakal na pag-iral?
paano, aking tula
kung ika'y salita
la
mang?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento