Huwebes, Marso 24, 2011

Kayod-kabayo, Kayod-kalabaw

pinagmamasdan ko
ang mga mukha
nitong mga mag-aaral
tila maaliwalas na nag-aapuhap ng sagot
sa papel ng kapwa tulirong kaklase
ang isa nga'y halos paglahuan na ng balintataw
masipat lamang ang hinahanap

wala akong mabakas
na pagkabahala
ni saglit na tikwas
ng pag-aalaala
wala, wala ni malalim na hinga

kayhirap isipin:
samantalang yakap sila
ng malamig na hangin
nitong silid-aralang
nilalagom ng nginig
rinig ko ang pagal na pintig
ng mga puso't pulso ng mga tatay nilang kayod-kabayo
doon sa ibang dako
o pagawaan ng tabako
sa pabrika ng bakal
o mga pier at imbakan
amoy ko ang pagod na pawis
sa mga noo at dibdib
ng mga nanay nilang kayod-kalabaw
sa paglalabada
o pagtitinda ng gulay
sa pagpapaalila sa dayuhang bansa
o minsang pagsasangla ng kaluluwa

pinagmamasdan ko
ang kanilang mukha
mga mag-aaral
nitong negosyong pagkatuto,
nguni't nakikita ko'y
luha at hinayang
sa nangarap, naghirap na magulang.

Wala Nang Nagbabasa Ng Tula

wala nang nagbabasa ng tula
wala nang nangangahas manalinghaga
wala nang nagbalak tumulala
at mag-apuhap ng kataga
wala nang nagbabasa ng tula
wala na ang pumipintig na salita
o humihingang mga haraya
ilan na lamang ang lumalalang ng tula
mga tulang humihinga, nangangalaga
ilan na lang ang nagpapahalaga
na ang tula ay kaakibat ng paglaya
ilan na lamang ba ang nakalilikha
ng mga berso ukol sa lupa,
mga tulang hinahaplos ang kabuuan ng masa,
mga tulang nag-aalay ng panata?
ilan na lamang ba ang nakalilikha
ng mga ritmo ng pagtuligsa,
ng mga himig na lumulusaw sa tanikala
o mga estropang maalab ang pagbaka?
iilan na lang talaga ang nagtakda
na ang musa'y nagtatakda
marami na ang tula'y tinubog sa libog,
mga tayutay ng ako at ako,
mga tugmang naglalakbay sa ibang uniberso,
mga idiyomang nalubog sa siphayo
at mga lirikong sinalimbayan ng lirang tuliro
mga tula silang binabaliw ang mundo
wala nang nagbabasa ng tula
mga tulang pinapanday ng danas
sa reyalidad ng lipunang marahas
wala nang nangangahas na tumula

at kung ang tula ay hindi naghihimagsik,
kung ang tula ay 'di protesta
marami nga marahil, marami
ang nahuhumaling sa tula
nguni't wala na nga ba'ng nagbabasa ng tula?

Lunes, Marso 21, 2011

Itaas Mo

itaas mo
presyo ng petrolyo
itaas mo
papaimbulugin
hanggang sa kunsaan abutin
itaas mo
iyong hindi maaabot
ng pagal naming pawis
at naghihingalong suweldo
itaas mo
hanggang sa mangandamatay
aming mga anak at asawa
itaas mo
hanggang sa dugo na
ang nagpapagana
sa mga diwalwal at baseco
itaas mo nang itaas

at kami nama'y
mapagkumbabang maghahanda
dito sa lupa
ng mga molotov at paltik

magtataas din kami
ng maaalab na sulo
iaangat namin
ang nag-aaklas-tiim na kamao

Kasama

     Walang katiyakan
dito sa masukal na kabundukan
buhay nating tumitibok sa kaluskos ng dilim.
     Walang katiyakan
maging pag-ibig,
na saksi
maski mga talahib, kulisap at kuliglig.
     Walang katiyakan
mga umaga at gabing
tumutulay sa pagitan
ng putok at awitan.
     Walang katiyakan
kung malulunasan
ng iyong pagsuyo
katawan kong winakwak ng mga punglo
o ang naghahabol kong pintig at hininga.


Marahil,


     Hanggang mariing yakap
na lamang, magagawa ng iyong mga bisig
sa aking naghihingalong katawan.
     Hanggang nagpapaunawang haplos
na lamang
sa naglugay kong buhok,
maihahandog
ng kalyado mong palad.
     Hanggang bahaw na palahaw
na lamang ang iyong luksang
pangungulila.


Pagpapatuloy ng digma, tanging magdurugtong sa mapipigtal nating pagsinta.


Mahal na Kasama,
     maglalaho ang aking katawan,
     nguni't hindi ang aking diwang nakatundos
     sa mga kubo't sakahan
     at sa mga ngiting inaaabot ng sambayanan.


Tandaan mo,
magkakasama pa rin kata;
Ganap na paglaya ang ating pagsinta.

Pinagbubuklod Tayo Ng Iisang Sikdo

pinagbubuklod tayo
ng iisang sikdo
nagtipon sa harap
ng mga baso't nagkikislapang pait
pinagsasaluhan
aral ng lipunan
tayo
ang mga hijo y hija de puta

hindi nakakahon
sa rangya
ng mga medalya,
laurel at palakpakan
dahil sambayanan
ang una't huli nating
pinaglalaanan
ng buhay at sining
tayo
ang humuhubog
sa pambansang katubusan

sapagka't pinagbubuklod tayo
ng iisang sikdo:
rebolusyong kultural
ang ating tinutungo

Tipaklong

At kiniliti ng tipaklong ang ating diwa.
Tawa tayo nang tawa
hanggang sa maubos ang ating hininga.
Inalaala
ang ating mga lolo, silang gumulong ang mga ulo,
silang mga biktima ng digma.
Anung lagim ang tatangisan pa ng luha?

Sa harap ng mapupulang handa
nagnasa tayong magpatalun-talon
sa bawat himaymay
ng buhay.
Inumpisahan sa pait ng pag-ibig,
mga hinanakit sa takbo ng daigdig,
sikdo ng mga nagsasalimbayang libido
na humantong sa tugmaang labu-labo.
Kumusta ang tipaklong tuwing may hilakbot ang panahon?

Hindi tayo mangingiming halughugin ang ligaya.
Sa simpleng huntahan
ng luha at tuwa,
tulad ng tipaklong sa parang at damuhan,
wala tayong pinipiling lapagan
ng malilikot nating diwa't isipan.
Sinong mangangahas na pumatay ng tipaklong
ang hindi makukulong sa karsel ng alaala?

Ang mga tibok
na nilagom ng sakit
sa pusok ng mga Ebang
tumikim at titikim
ng iba pang mansanas,
mga tipaklong ang magpupuno ng kulang.
Hindi ba't paglimot ang sagot sa mahabang proseso ng lungkot?


*kay Jack, Edem at Jude

Bagong Bayani

Tulad ni Rizal,
talampakan
nami'y naglalakbay
sa mga banyagang lupain.
Nguni't hindi
bilang propagandistang mag-aaral,
kami'y manggagawang lakas ang kalakal,
na sa uhaw na estado'y isang mayamang bukal.

Tulad ni Mabini,
pluma
ang likas naming sandata,
na sa mga gabing nilulumpo kami
ng lunggati't lungkot,
"Kumusta kayo diyan?"
ang paunang isusulat
sa liham na malukot.

Tulad ni Sakay,
matatag,
matagal kaming sumuko,
kahit pataksil kaming ipinagkakanulo
ng estado
sa mga dayuhang amo
at magbabalik-bayang tinakasan ng bait
o bangkay nang isinilid sa tablang kabaong.

At tulad ni Bonifacio,
nagrerebolusyon
ang aming isipa't bituka,
kaya't malagim, marahas
ang tugon ng aming pasya,
mapunan lamang ang dusa
sa sariling bansa, papatusin ang pagpuslit- droga,
maglako ng puri sa hayok na banyaga
o habambuhay paaalipin sa mga dayuhang bansa.

Ganyan kami ituring sa tinubuang lupa.
Kami
ang sabi'y kasalukuyang Rizal, Sakay, Bonifacio't Mabini.
Kami
ang inyong tinurang
mga Bagong Bayani.

Wala Tayong Pag-aari

Nararapat nang iwan
lahat ng ating bagahe
'pagka't ang paglalakbay
na ito'y walang kasukdulan
nagiging marahas, mapanganib
sa bawat yugto.

Kailangan
nang mag-iwan ng bagahe,
ilapag ang mga tangan ng bisig,
ang mga kipkip sa kili-kili'y marapat nang ihele
ng lupa, ang mga dalahin--
hayaang isabit sa sanga ng punong naghahanap ng kausap,
ang mga sukbit ng balikat--
bigyan ng pagkakataong ariin ng iba:
ang atin ay sa kanila,
silang mahahanap ang iiwan nating bakas.

Tinutunton natin
ang laya ng hinaharap,
ang mga bagaheng iiwan--
iniwan hindi dahil sa bigat o sagabal sa bilis ng lakad
o liksi ng galaw,
iiwan sila
upang maging bahagi ng nakaraan,
sila'y hindi ari ng ating sarili
at sila'y angkin ng lipas.

Walang aangkinin ang ating lipas
at ang sarili nati'y walang aariin.

May mga bagaheng 'di na nararapat pang ihatid
at isama sa paglalakbay.
'Pagka't wala tayong pag-aari,
'pagka't tayo ang pag-aari
ng lipas,
ngayon at bukas.

Katiyakan

Sa elarti, matiyaga, nagtatanim
ng punlang kaalaman ang isang ama.
'Di alintana manakanakang patak
ng mapanuring mata o suwail na saksak
ng napangingiting labi.

Lupa ang kaniyang anak,
nabungkal na niya't
ngayo'y pinupunlaan: isang palalaguing halaman.

Pag-aari sa pangalan
bagama't nakasuso

malambot na nguso
ng lupa sa malawak na dibdib ng daigdig.

Pipitasin ng ama
sa hinaharap
ang bunga
ng kaniyang tiyaga at sikap,
sa panahong retirado na ang hininga
hihimlay ang ama
sa gintong kabaong...

Nguni't hindi tiyak:
maaring pilit sa hinog
o uod ang maglalamog.
Babaugin ng hamog
o sa ula'y mabubugbog

ang bunga sa darating
na pagpitas.

Malayang Paskilan

Panahon iyong lagalag ang aking kaluluwa,
tulala sa hinahapag ng Maynila,
dismayado sa takbo ng mundo
nang makita ko
isang bukbuking pader,
pader ng isang lumang gusali
gusaling tulad ko'y iniwanan
ng pag-unlad at katuturan.

Naengganyo akong usisain ang bukbuking pader:



       Muling Iboto! Mayor Lim!

Paskil ng mukha ni Pnoy: Kano ang Boss Ko!

BozsZ Loccoh TBS.
Putanginanyo lahat!-Marco24

Tubero. Call, 254-02-26
Piano Lesson. Piano repair, Yamaha atbp.

 World locally flat--Salenga

Pass RH Bill NOW!!!

i luv u bhebheQ69..mwuah.
                     No Smoking.
                          No Parking.
                         Post No Bill.
sex tau,txt me, 09993825968
Tau Gamma Phi.
                         Bawal Umehi at Tumae Deto. Multa: 1000



No to State Abandonment on Education-LFS
Mabuhay ang ika-40 Anibersaryo ng CPP-NPA-NDF!

Iboto! Kabataan Partylist.
Need a Job? Visit us at 666 Bldg. Ortigas Center cor. EDSA



Natigilan ako, napaisip, nagtiim-bagang, nagkuyom-kamao.
May kung anong silakbo
ang dumaluhong sa dibdib at sintido.


"Nasaan nga ba ang aking katuturan?"

___________________



Sagot sa kahirapan,Digmang-bayan!
                                                                                          -KM

Ito,
ang huling katagang naukit sa aking ulo.


At naghanap ng kabundukan
ang aking talampakan.


Ampon

Laman ka't dugo
ito ma'y abstrakto.

Wala mang sikdo
o pintig ng lukso
o pusod na pinutol
ng ritwal ng mundo,

ikaw ang tanging puso
ng ulila kong anino.

Salubong

Ilang araw na ring malungkot
ang langit. Abuhin.

Dinampot ni Jojo ang isang maliit na bato,
Ipinukol. Malayo. Layon niyang hawiin ang lungkot sa langit at ulap.

Mabigat ang loob ni Jojo.
Ilang araw nang tulala ang kaniyang nanay. Ang tatay niya'y paroo't parito
sa pag-aasikaso ng bisita. May mga sundalong nakaligid sa bahay nila.
Malinis na ang kanilang sala.
Itinabi na'ng kabinet at sopa.

Darating mamaya
ang ate niyang nabura ang mukha.

Yagit

kung susumahin
yagit ako sa mundong
pinatanda ng panahon
ni hindi ako makaaahon
kung maibaon
ako sa limot
at suklam
ng nanggagalaiting kasalukuyan
'di ko lubos
mapangatwiranan
na ilang yagit din
ang maniniwala sa yagit
na hindi nga makalipad-lipad
kanila pang sasakyan
hahawakan
ang maliit na pakpak
at itutulak sa lawak
ng hangin at langit
upang matutong
ikampay ang maliit pang pangarap

ilang yagit ang magtatagumpay?

mamamatay ako sa lunod
malulunod sa hangin
sumusugod sa baga
babagsak sa lupang
wala nang hininga
at ang kampanteng sumuong
sa maliit kong kabuuan
humawak
sa malambot pang pakpak
ay! nalunod, babagsak
putol ang hiningang
hahalik sa lupa
tulad ko

mahirap maging yagit
sa mundong himulma
ng galit at pasakit
nguni't pinakamainam
ang karanasang
sinuong mo
ang walang kasiguruhang
larangan
ng buhay at kamatayan
upang marating
ang malawak, matayog
na kampay ng pakpak.

Ang Iyong Mga Kamay*

dumadaloy sa dibdib ko
ang mga luha
na hindi kayang palayain
sa aking mga matang nakatitig
sa iyo
sa iyong kabuuang
tahimik at payapa


hawak ko ang iyong mga kamay
na gumamot sa una
kong sugat sa tuhod
kamay na nagturo sa aking magsuklay
kamay na dumadampi-dampi, nagmememe
sa tuwinang mahihimbing sa iyong mga bisig
kamay na akin ding lakas
na ngayo'y hinahaplos ko
kipkip ang kahinaan
pilit kong dinadama
ang pintig
sa iyong mga ugat
dumadaloy sa dibdib ko
ang mga luha


sa iyong kabuuang
tahimik at payapa
humuhulma ang pangungulila
nagbabadya ang pag-iisa
may anyaya ang bukas
na       wala           ka               na


bilanggo sa aking dibdib
hindi kayang palayain
sa aking mga matang
nakatitig sa iyo
ang mga luha
na may anyaya ng bukas
na      wala           ka                na


sa kahinaan ko huhugutin
ang lakas
na kakailanganin ko
                          bukas, Inay
habang hawak ko
ang iyong mga kamay.






*kay Ana

Usok At Gulok*

ang sining
na kinoronahan ng ginto
at pinalamutian
ng laurel at bungkos
ng mababangong rosas
ay mabilis na naglalaho
tulad ng usok...
walang anumang mapipiga
ni latak ay wala
ang sining ng kaakuhan
tuturingan na dakila
ng silaw sa pera
mamamatay na bahaw ang musa
"ako ang simula at katapusan
ng sarili kong sining."




ang sining
na nakayakap sa lupa
at nananalig
sa pawis at lakas
ng mga duhagi't api
ay nakasusugat, matalas
tulad ng gulok...
walang anumang pagtatanggi
ni pagdududa'y wala
ang sining ng pakikibaka'y
titingalaing dakila
garantiya ng kasaysayan
humihingang balaraw ang musa
"sila, ang masa, ang ngayon at bukas
ng mapagpalayang sining."




*kay Ericson Acosta, Artista ng Bayan

Miyerkules, Marso 9, 2011

Sulat Sa Sarili

Ikaw,

     Kung kailan ka naging bahagi ng isang palihan, bakit duon ka didikdikin ng alinlangan? Na ang sariling mong paglikha ay nilalagom ng "baka" at "paano". Baka mali? Paano kung ganito? Kung ganyan? Naipit ka sa paglikha at pagtantiya sa mga matang magbabasa.
    
     Napakahirap.
    
     Ito ba ay proseso ng paglago, pag-unlad? O ito ang punto na kailangan mo nang magdesisyon at alamin ang bisa ng iyong musa, nang sa gayon ay makalipad sa ibang larangan ng pagkamalikhain?

     Marami kang katanungan na humihingi ng kagyat na pagtugon. Kailangan mo ng tapik-sa-balikat, ng isang taong alam mong magtutuwid sa alinlangan. Kung sino? A, hindi mo rin alam. Pero, kilala mo ang iyong sarili. Magpapatuloy ka. Ang kasalukuyan mo'y magiging bahagi ng nakaraan at nakalaan din sa bukas na walang kasiguruhan.

    Tandaan mo na lamang. Mapalad ka. Ang pagtanaw mo sa mundo ang sikdo ng iyong dugo. Magpapatuloy ka. Walang alinlangan.

     May naghihintay, kung ano, hayaan mo ang kasalukuyan.

     Huwag kang titigil.


Patuloy na sumusuporta,