Martes, Oktubre 30, 2012

Karma

Anong biyaya ng paghihiganti
ang ikinukubli ng pagkakataon?

Kung sino man ang nagpangalang 'Sandy'
sa bagyong sumasalanta, ngayon,
sa silangang bahagi ng lupain
ng gatas at pulot, anong ningning mayroon
ang humihimlay sa kaniyang bungo;

sino ang makapagsasabi, na ang buhangin
ay nagsasatubig, nag-aalimpuyo
upang iparanas ang lagim at hagupit
ng mga balang tumagos sa mga walang-
muwang na katahimikan ng mga sibilyan,

sa Gitnang Silangan, pulo-pulutong na hanay
ng mga isla sa Pasipiko, sa paanan ng Asya?

Ganap na batid ng kung anuman, o ng sinumang
may tangan ng nararapat: ibinabalik sa mapaniil
ang halakhak nito't paghihindik,

ito ang batas ng daigdig.

Sa Isa't Isa

inaya kita, titigan natin ang pagbukadkad
ng bulaklak tulad ng sisiw na kumatok
sa naglalamat na balat ng kaniyang suklob:

humindi ka, hindi mo hilig at wala kang hilig
sa pagtunghay sa himala ng buhay:
pagkalagas ng dahon, paghupa ng alon

paghabi ng gagamba sa kaniyang sapot,
pagtuklap ng pintura sa lumang pader,
paglamon ng guhit-tagpuan sa balintataw

ng araw. buong buhay, itong pintig ng daigdig
ang naging tuon ng aking titig at pag-ibig,
kaya't hindi katapusan ang pagsandig

ko sa iyong paligid. at natuto akong manalig
sa espayong ibinibigay ng rason kaysa emosyon,
ng bukas sa kahapon, ng ngayon sa panahon:

mahiwaga ang pagkakabigkis ng ating mga naisin,
hindi na kita aakagin sa kunsaan humihinga
ang mga alitaptap, at sa kunsaan nakatuldok

ang mga bituin sa katanghalian. sabay na lamang
tayong tumimbang sa hain ng mga sandali,
sabay tayong tumawid sa kabilang pampang.

Mayroon

may pagnanasang namukadkad
sa aking mga palad: ginaygay
ang iyong balat, nabusog ako
sa sugat.

Sa Aking Kamatayan

Sa araw ng aking kamatayan,
huwag kang pipitas ng bulaklak
upang ipabaon sa aking himlayan.
Walang luhang dapat ipatak
sa aking namaalam na katuturan.
Bagkus, pahintulutan ang galak
sa sarili nitong pitak, isaboy
ang alak sa malulumong panaghoy.
Hayaang lagumin ng halakhak
ang melodramatikong pagtahak
ng aking paglalakbay.

Tikatik

ganitong lumuluha
ang langit: isang
di mapigil na pangungulila
sa kinatititigan,

sugo nitong mabagsik
ang matimping sayaw
ng mga butil
sa papawirin,

pinahihintulutang makiraan
sa bawat nitong hantungan,

walang kapaguran.

Punumpuno

mag-isang naggigitara
sa lilim ng punong walang bunga
kundi ang diwa kong nakalambitin
sa pagbabadya

saan ko hahanapin ang himig ng sarili?

sa ugat bang sumasalo ng aking bigat,
sa dahon bang kumakaskas ang aking balat,
o sa lupang magtatahi ng aking mga sugat?

Said

hinahanap ko
ang mga bakas
na iniwan
ng mga talinhagang
umuwi
sa sinapupunan
ng kawalan;

ang natagpuan ko'y sarili
sa bingit
ng mga daliri
--kinakapa'y pakiwari.

Islogan Sa Nagpapanggap Na Makata

akbayan man, wala akong mahihita
baka magusot ang mamahalin mong barong
na handog ng naninilaw na tronong-gunggong

akbayan man, wala akong mapapala
walang pagkakaibigang namamagitan
sa ating dalawa:

ika'y balatkayo!
nagdadamit ng kupas na kamiso
gayong hilig mo'y imported na polo!

akbayan man, wala akong tiwala
sa tikas ng ipinamamarali mong nagawa
anak ng tinapa! nasaan ka nang sakalin ang laya?

akbayan! akbayan! huwag mo akong akbayan!
hindi mo kami kilala, wala kang kinikilala
kundi kumapit sa trono ng mga punyeta!

Ekis

sampung mga daliri, kamay at paa
dalawampung walang mapala

hindi makatula.

Paraan

namimintas ang gabi,
kasama sana kita ngayon
at magkapulupot
ang ating hangarin
at damdamin

pero anong mapapala ng pag-aasam?
ang mga pagkukusa'y nagkukusang
sumalungat

kailangang gumawa ng hakbang:

hahablutin kita
sa gitna ng panaginip
at iguguhit ko
sa nilalagnat mong balat,
sa lumuluha mong ugat

ang salitang,
pag-ibig.

Tula Nang Tula

tutulaan ko
sana ang tula,

Ars Poetica:
ang paraan
ng paglikha,
talinhaga
musika

paano nga ba?

anak ng tinapa!
kumukulo ang tiyan
ng bulalakaw
pabulusok
sa ituktok
ng aking puyo.

Ars Poetica,
tula nang tula

nganga, nakatanga
ang tuod na salita.

ayaw
ko ng/nang gani tu/ong
la.

Oan

'An,

Huwag mong ipagtataka
na itong nakatatanda mong kuya
na naliligaw yata ng karera
ay inalayan ka ng tula
imbes na keyk at pang-handa.
Kapatid, butas ang aking bulsa
at purong akala
ang kalansing ng barya
sa aking pitaka.

Wala akong kung anuman maliban sa talinhaga,
na minsan nariyan, minsan wala.
Kaya't ito muna:
isang tulang paalaala.

Sabi-sabi, maldita ka.
Suplada atbp.
Ay! hindi sa nilalaglag kita,
oo, totoo ang kanilang hinala.
Ngunit huwag, huwag kang magagalit,
suplada ma'y di ka naman pangit.
Maldita man ay di ka mapanlait.
Likas sa babae ang ganyang ugali;
ang payo ko lamang, huwag kang maglalandi.
Lumalapit ang mga lalaki,
nang kusa at di mapapakali.
At ikaw pa rin ang pipili:
sukatin mo ang iyong sarili.

Unica hija ka man, hindi ka namin ipipiit
sa kumbento ng paghihigpit.
Ano pa't inilaban ng kasaysayan
ang saysay ng kababaihan
kung patuloy ang pagsakal
sa leeg ninyo't katwiran?

Ay! Maria Joan,
alamin mo ang iyong kakayahan,
ang lahat mong karapatan
at gusto mong patunguhan.
Ang mundong ito'y batbat ng kahungkagan
at 'ika nga ni E.R. Mabanglo,
ang maging babae sa kasalukuya'y
pamumuhay sa digmaan.

Naniniktik ang oras, imortal ang panahon.
Ang noon at ngayon ay magkataling-puson.
Halikan mo ang lupa, ingatan ang kapwa,
hindi karuwagan ang manindigan sa tama.

At huwag palaging sa mga tala nakamata,
alam mong usung-uso ngayon ang pagkakadapa.

Wala na akong gusto pang ipaalaala
kung edukasyon ang sunod na eksena.
Nasabi na ang lahat, marami nang pruweba
pero tandaan mo ring higit ang karanasan sa teorya.

Wala tayong pamana maliban sa kaalaman at pamilya.
Tayo at tayong magkakapatid lamang
din ang magpapatuloy ng ating pelikula.

Kaarawang maligaya!
Ilang taon ka na nga?
A, basta alam kong dalaga ka na:
may sarliling lakad na ang mga paa,
may sariling sipat ang mga mata,
may sariling gutom, nais at unawa.

Basta, basta, basta,
makinig ka kay Nanay at Tatay,
kahit minsan nakakasawa na.
Maniwala ka,
tama at tama rin sila.

Nangungulit,
Kuya Mong Nagmamakata

Umaga

kurtinang kinumpol at inipit sa kikikili ng pinto
pinatuloy ang sumasabog na liwanag ng umaga

humalik sa makintab na baldosang rosas
nasilaw ang matang pinasingkit ng pangingilag

sa liwanag na naglalatag ng pangamba: anong
anino ang sumilip sa tiwasay na sandali?

iniisip kong tumakas ang aking kaluluwa
at ako ang aninong lumiligid sa paligid

nahihimbing kang payapang nakatitiyak
na ako'y nasa tabi mo at nangungusap,

tumakas man--hindi ako nawala,
hindi ako mawawala.

Sabado, Setyembre 22, 2012

Bakit

bakit ako ganito
at bakit ako nagkaganito...

mga tanong
at tanong lamang
sa dila

ng kahungkagan--

hindi mo kailanman makikilala
ang iyong sarili,
dahil lagi
at laging
ang ikaw

ay kinakawkaw

ng sumisibol na araw,

araw-
araw.


kay Jack

Cubao-Divisoria: Mga Guni-guni at Pagmumuni


umaangil ang bangibing palahaw ng mga ispiker
sa sagradong himpilan ng Kalayaan
sa kanto ng Anonas at Aurora Boulevard:
ika-apatnapung taon ng pag-aalaala sa paninikil
ng estadong dumildil ng dugo at pawis
sa mga sigwang nag-anyong liyab sa higit-
dekadang paninikil sa tinapay ng salita at pakikibaka:
sa basbas ng garalgal at talakay: nakamasid
ang reyalidad sa lansangan ng katuturan

...

paano gumuguhit ang gintong alak
                                                        sa matapat
na lalamunan ng mga kriminal
ng talinhaga?

halimbawa: ipinatong sa ibabaw? ng at nang?
karapatan... kasapatan? KATAGA?

...

pasumala ang mga salitang pumapailanlang:
hindi kahulugan ng kawalan--
may katuturan ang bawat hiningang tumutunghay
sa landas ng kasaysayan: masdan
ang obrerong himbing sa piling ng asawang tuliro
sa paghahanap ng kanin at ulam;
talakayin ang sikmura
ng nababagot sa botcha at pagpag; suriin
ang hiyaw ng sanidad
sa mga nangangalahig ng pag-asa
sa pusod ng Payatas; 
iguhit sa langit ang kapalaran ng magsasakang
paltos ang paa at inaasam; sumpain ang habilin
ng kalangitan sa hinahamog na balakang
ng matandang hukluban 
sa bansot na kariton--
sampal sa burgis na humpay
ang pag-iral
sa loob ng Kalayaan

...

Ilang talang luma buhat sa talaarawan ng isang may nunal sa talampakan
Manila, My Manila
Mga Kuwento ng Supot sa Panahon ng Kalibugan
Gerilya
Patikim, Emotero
Mondo Marcos
Makata 4 ni Jose Corazon de Jesus
Tinig.com
Alexander Martin Remollino
Pia Montalban
Jack Dison Pablo
Macky Serrano Salvador
Rogelio Ordonez
TAPPM
BLKD
Escopa
Bayan-NCR
Dula
Tula
Arlam Camba
PUP
UP
FEU
Laguna
NCR
Koyang Jess
Escopa
Mcdo
MP
Kamanyang
Yosi
Yelo
Baso

NEVER AGAIN!
NEVER AND NEVER AGAIN!

...

sabi ni Nanik,
                     hindi naman           talaga
masarap         ang alak
kundi               ang kuwentuhan--
ang pagkakataon                      at panahong
nagkasama at          nagkasalo kayo
sa ligid ng                   alak at baso

...

bago humakbang ang mga talampakan sa unang baitang
ng oberpas
sa Cubao, 
animo'y humalik sa lupa
si A,
mistulang paninikluhod sa kairalan ng mga hita at mga labi
ng mga dalaga/dinalaga at nagdalaga
sa malamig na bakal ng oberpas

at isinusumpa ni E ang pagpikit,
na tiyak
ay hudyat ng dire-diretsong
himlayan sa banig at panginip

ako:
humahabi ng hikbi
sa kabibi ng gabi

...

nasaan ang kalayaan sa kasalukuyan?

...

walang                               tula
                   sa dulo
 ng aking                            ng aking
                   daliri

...

tuwid ang daan
ng Aurora Blvd, at malinis ang mukha
ng lansangan na inaawitan
at tinititigan ng dilaw na liwanag 
ng mga poste

matang nakatitig:
pula
luntian
at kahel
na mga talukap
ng traffic lights

humuhugong ang paghihintay ng makina
sa lansangang ikinunukubli sa katwiran

silinyador ng pagbabakasakali
preno ng pagpupunyagi

ilan ang hiningang nagpapahiwatig sa dilim?

          ma
          bi
          lis
          ang
          mga
          pa
          nga
          rap
          at
          a
          li
          tun
          tu
          nin

sa kanto ng J. Figueras at Legarda,
nakatanod ang mga aso sa gitna
ng kalsada,
kinakalinga ng/ang gabi--mga kahol-
sumamo
sa naghihikab,
nahihimbing na Kamaynilaan

nakabantay ang mga barbedwire 
sa kanto ng Mendiola at Recto

sa tapat ng UE,
babaing dumudumi, swak, sa isang asul na lata,
marahil ng gatas

at puwit na singkintab ng panalangin
at pananalig sa lantay
na deklarasyon ng karapatan
at tiwala
sa sanlibutan

mga pulis na nagmamanman sa magagatasan

Aranque'ng sandaling namaalam sa kahayupan

Divisoriang nilukob ng putik
at plastik
na mistulang pananim
sa parang
ng Recto
sa bahagi ng Tutuban patugpa
sa Ilaya at Pier Dos

...

mahabaging diyos
patawarin mo yaring manunula

...

anong saysay ng mga nabanggit?

...

sabi nila:
ang                    tula
ay mga mumunting katotohanan             ukol
sa mga bagay-
                       bagay         sa daigdig

...

saysay at wika?

...

ipikit ang kaluluwa at 
magbubunyi ang mga suwail at halimaw
kaya't huwag,
huwag ipikit, ipiit ang kaluluwa
sa ganito at ganyan
doon at dito
dapat at dapat--
umiilanlang ang hiyaw ng sarili

...

ano ang tula?

Tulang Walang Pamagat Kung Hindi Para Sa Iyo

hindi naman ganoon katagal nang huling
tulaan kita, nang tulaan ko ang awitin
nating dalawa o nang minsan kong lapatan
ng mga salita ang bawat nating paghinga;
hindi naman singtagal ng pagtibok
ng kamao sa aking dibdib, o bibilangin pa
ang piraso ng hibla ng iyong pagkalambot-
lambot na buhok na hilig kong haplusin
sa tuwinang ika'y nahihimbing. ilang araw
na nga ba nang huli kong bigkasin
ang mga talinghaga, nang huli kong sigawan
ang isang blangkong pahina at pintahan
ng isa, dalawa, tatlo o milyong mga salitang
umiilanlang sa aking pagtitiwala
at pananalig sa magkatali nating mga daliri?
ilang araw na nga nang huli kitang ipinta
sa tula?
hindi naman ganoon katagal; hindi
kailanman makalilimutan ng aking mata
ang iyong mukha, at ang iyong ngiti
na literal na umaagaw ng atensyon at
literal na nagpapabukad ng mga bulaklak,
ng iba pang labi, tulad ng di ko malilimot
ang tula at mga tula para sa iyo; kung iisipin
nilang isa kang ngiti na hinulmahan ng pagkatao
at sinseridad, maniniwala ako. ilan na nga ba?
kung ikaw ang tatanungin ko, sakaling maisumbat
mo na libong mga araw na ang huli kong tula
para sa iyo, at ikalulungkot at ikaiinis mo.
marahil ay iniisip mo ang libong araw ng isanlibong
lambing na lagi namang para sa iyo,
hindi iyon tula o pwede mo na ring isipin
na iyon ay mga salita ng tula ko sa iyo. ilan na nga ba?
isang araw lamang ang natatandaan
kong sandali nang di kita matulaan. at
nakalimutan ko na iyon, tanda mo?
dahil ang araw na iyon ay ang bawat nakaraan
na walang tula, naroroon ang kawalan sa nakaraan.
at ang ngayon, mayroon ako. itinitiyak kong araw-araw
ay may tula sa aking daliri, para sa iyo. hindi man
mga salitang pinamulaklakan ng talinghaga
alam kong tula ang bawat kong paghinga, para sa iyo.

Alas-onse Ng Gabi Habang Naghihintay Ng Dyipni Sa Kahabaan Ng McArthur Hiway, Malinta

humalik ang mga palad sa tainga
nang gumuhit ang ugat ng kidlat
sa kalangitan,
sumunod ang lagunlong ng kulog:
mga paang napatalon at nagtampo
ang tubig sa dinidilaang semento
--kumislot, nanginig, kumandirit...

nakatitig ang posteng-ilaw sa butil
ng ulan: milyong mga tuldok sa
dilim ng gabi,
walang anino ng ulap ang karimlan
ng langit, maliban sa galit na ihip
ng hangin sa bawat nitong sumpungan...

kinakain ng rayuma ang tuhod
ng matandang walang payong bagkus
ay kartong nilulusaw ng ulan,
maliliit na hakbang patungo sa kawalan,
kamatayan ang himbing niyang pahinga
sa tapat ng silong
ng abadonadong kalungkutan, pag-iisa.

Hubo O Ang Hangal Na Pamamanata Sa Mga Rebultong Garing Na Kinatas Sa Pangil Ng Naghihingalong Elepante


daan-daang mga taon          kahangalang paninikluhod
          sa mga rebultong ninakaw
sa tadyang     ng    narra     at          akasya
sa                  mabubulas na punongkahoy
         sa pangil
ng     elepanteng            tonelada
         mang     tumindig
ay          pabubulagtain         ng mga punglong    hinulma
          ng hangal na pananampalataya

inukit sa ngalan           ng pananalig
sa      tinitingalang langit
                                         sampal sa kalikasang
                                               tinakasan    ninakawan ng dangal
at respetong             inangkin
ng atrasadong pag-unlad
                                        ng utak     at    puso

Monsignor Cristobal Garcia
sa ngalan ng iyong kabanal-banalang             pananampalataya

kaawaan ka nawa                              patawarin ka nawa
ng mga    elepanteng        malao'y sa larawan
          na lamang                       makikilala         ng iyong kaapu-apuhan
sa bisa ng            baluktot mong kairalan
baliw na propesiya ng uhaw mong          kamay
           sa kinis            ng             Sto.
Niñong garing
iligtas ka nawa                     sa talim ng apoy
     ng impyerno mong pagsamba

            sa perlas at dyamante           ng kabaliwan

kaawaan nawa                     iligtas nawa
ang mga tulad mo
                             ang mga tulad ninyong            uhaw
sa karangyaan            at                           tubong
kinakatas            kinakabyaw
              sa                            kalikasan
nang walang patumanggang               nilalaslas ginugutay
ginagahasa              nang walang anumang         pananalamin
sa              kaluluwa at sarili
patawarin nawa              patawarin nawa 
            kayong namamanata                      sa kabaliwan

ang moralidad ng inyong mga rebulto
                          ay imoralidad ng       aming pagkatanto

gaano man                  natin ilapat sa salita        ng Banal na Kasulatan
gaano man natin             ungkatin sa dila ng diyos        Diyos
umiyak man                  ng dugo              ang mga inukit
maghimala man        ang singit ng langit
magulo man         ang pagkakapinta       ng tama at mali             noon
at ngayon
                ideklara man        ng kasaysayan ang saysay    ng mga salaysay
at angkinin
ng mga rebultong manhid          ang kaligtasan
ipahid man ang                  burdang panyo
                        sa paa      ng mahabagin
manalangin man din                  sa lampin ng hangin
magkurus         man ang landas          ng mga dahas    at bigkas

magkakasundo          ang lahat
  langit at lupa          maging ang   kailaliman
ng                   sarili            at                        uniberso ng     isip

wala sa     akin,     wala      sa iyo,    sa    kanila, sa kanya
wala sa pangil ng daan-daang elepante    wala sa narra    at akasya

ang                      katubusan
      ng      bawat nating kaluluwa
ng     bawat nating   pag-iral

wala,
           Monsignor Cristobal Garcia
et 
al.


(tulang nalikha matapos mabasa ang artikulo ni Bryan Christy na Ivory Worship)

Tula Para Sa Mga Taong Kauna-unawang Masyadong Abala Upang Magbasa Ng Tula

Kalma lang. Hindi ito magtatagal.
Magkagayunman, o kung ang mga linya’y
ikaaantok mo o iinipin ka,
sige at matulog ka, buksan
mo ang telebisyon, maglaro ng baraha.
Ang tulang ito’y nalikha upang mapagtiisan
ang mga iyan. Ang damdamin nito’y
hindi makasasakit. Umiiral iyon
kunsaan man sa makata,
at oo, ako’y malayo.
Pitasin mo ito anumang oras. Umpisahan
sa kalagitnaan kung iyong gusto.
Malalapitan mo ito tulad ng melodrama,
at makapag-aalok ng dahas
kung dahas ang iyong kailangan. Tingnan mo,
may lalaki sa bangketa;
kung paanong mangatal ang kaniyang hita’y
aakalain mong hindi na siya magiging katulad ng dati.
Tula mo ito
at alam kong abala ka sa opisina
o ang mga bata ang huli mong nasasaisip.
Maaaring hindutan ang lagi mong hanap.
Kunsabagay, nakahilata sila,
nakabalumbon sa higaan
tulad ng mga amerkanang di-nakabutones sa mga salu-salo,
naghihintay sa mga lasing na kamay upang tanganin sila.
Tingin ko’y ayaw mo na akong magpatuloy;
lahat ay may inaasahan, ngunit ito’y
tula para sa buong pamilya.
Ngayon, tumatagas
ang San Miguel Pilsen sa talon,
sumisitsit ang mga tawas sa loob ng kili-kili
ng mga taong katulad mo,
at ang dalawang magkaulayaw ay nagbibihis na ngayon,
nagpapahimakas sa isa’t isa.
Hindi ko alam kung anong musika
ang kalalabasan ng tulang ito, bagama’t malinaw
na kailangan nito. Sapagka’t maliwanag
na hindi na nila muling makikita ang isa’t isa
at kailangan natin ng musika para rito
dahil walang musika nang iwanan ka niyang
nag-iisa sa sulok.
Nakikita mo, ninanais kong maging mas maganda
ang tulang ito kaysa sa buhay. Gusto kong tingnan mo ito
kapag nagpaliku-liko ang ligalig sa iyong sikmura
at ang huling pampakalma’y wala nang talab
Narito lang ako ‘pag kailangan mo ako
tulad ng himig sa loob ng kabibe.
Iyan ang sinasabi sa iyo ng tula ngayon.
Ngunit huwag kang magbibigay ng anuman sa tulang ito.
Wala itong masyadong inaasahan. Wala itong sasabihin pa
bukod sa maipapaliwanag ng pakikinig.
Basta’t itago mo na lamang ito sa iyong pitaka
o sa iyong bahay. At kung di ka pa nakatutulog
sa ngayon, o naiinip lampas sa kahulugan ng pagkainip,
gusto kang patawanin ng tula. Tawanan mo
ang iyong sarili, tawanan mo ang tulang ito, ang lahat ng tula.
Tara:

Magaling. Sa ngayon, ito ang magagawa ng tula.

Isipin mong isa kang uod.
Mayroon kang kakila-kilabot na kislot at, pagdaka,
ika’y naging pagkarikit-rikit habang ika’y nabubuhay.


(malayang salin/halaw ng tulang Poem For People That Are Understandably Too Busy To Read Poetry ni Stephen Dunn )

Ang Pulitika Ng Pag-ibig Sang-ayon Sa Pagmamasid Sa Kalye Camba


kapayapaan               ang alak sa kanyang ugat
na di maiwaksi ng iyong pag-aalaala,
at pagmamasid      habang        nagkakalansingan
ang mga basong         pawisan
                          at nilalanguyan
ng pumapanaw                 na          yelo
sa kahubdan                 ng gintong        alak
sa tiyan nito.                 anumang mga sabi-sabi
sa kanya'y tinatabunan mo ng pag-asa,
               ng pananalig           at tiwala.

ganito at ganyan.

lalagi't lalaging ganito at ganyan
ang paggiling ng                         bawat tagpong
itinutumba ang mga boteng        inigpawan
ng kaluluwa:                       ang kanyang kapayapaan,
ang deklaradong        manipesto ng kaniyang
                          sarili.

ganyan at ganito.

mananatili
                ang pagsamba sa nagbuklod ninyong
hininga:         ang nagtaling katiyakang idinikta
ng        inyong mga kawalan,
                                kahinaan
                                 at kalakasan,
anuman ang ihain
ng                  paligid.

lalagi't laging                       isinasandig ang bawat          
                  ninyong daigdig
sa                 didbdib ng isa't isa: ano't anuman--

dakila ang tapat mong pag-unawa
sa piyudal niyang                     gawi at salita.
dakila ang kaniyang           pagtataguyod
sa                             payak ninyong         silong.

anong bulong          ng kalungkutan
ang dapat pang pakinggan?

wala na marahil,                  maliban sa uha
                         ng mumunting labi
sa           malalalim ninyong gabi,
    na nagmistulang pangarap
ng kasalukuyan.

ano't anuman,

ito ang pulitika ng inyong pag-ibig. 
ang pulitika ng inyong pag-ibig.


sa mga Bebemon

Tulalang Tula O Ang Kamusmusang Tagtag Sa Alinlangang Maaaring Ilang Buwan Lamang Ang Itatagal Ng Kaniyang Pag-iral


nakatatakot:                             paano kung  
                      biglang
maputol ang ulo ng sanggol         na katabi          ko
ngayon          sa maalinsangang       kahon
            ng dyip?

itong sanggol           na     matangos ang ilong
                     singkit ang matang         kinukumutan
ng         kamusmusan,                labing singnipis
ng alinlangan              sa          kinabukasang
walang          kasiguruhan--

paano kung walang anu-ano'y         gumulong
ang mumunti nitong ulo
                                     sa pagitan ng mga       paang
nagsisiksikan, 
mga paang putikan, mga paang walang patutunguhan
at walang uuwian
sa loob ng lumang dyip: kakarag-karag
na bulto          ng kalawanging bakal
na biyaheng           Herbosa-Divisoria?               

ganitong             ang kalsada'y                     inagawan
ng kapatagan
                       at            mga multong nagkakalat
ang      bako      at butas,        kanal     na masangsang,
humps             at       mga batang         nagsusulputan
sa       kunsaang sulok ng lansangang           tiwalag
sa pag-unlad?

paano ko              ihihimpil ang bagabag sa pagtitiwalang
              walang anumang mangyayari 
sa sanggol na itong karga 

ng inang maugat ang           maliit na kamay?

sabihin mo sa akin
saan ko hahanapin ang kasagutan
                                                       sa walang-katiyakang
buhay       ng mga ordinaryong hiningang
            nakasasalamuha        ng              mapagmasid kong
mata? kailan
                   lilisan              sa aking     paningin
ang             lumot ng pangamba
      sa kanilang                           tiwakal     na pag-iral?

paano,          aking tula
           kung                 ika'y           salita

la
   mang?

Labing-isang Taon Matapos Ang Pagguho Ng W.T.C. At Lumalangoy Sa Langis At Buhangin Ang Ilusyunadong Bald Eagle


sang-ayon sa kanila,
huminto daw ang     daigdig       
nang      saksakin ng           dalawang
eroplanong kinamkam
                ng mga Taliban: ang American Airlines Flight 11 
                                           at   United Airlines Flight 175                
                                           ang tadyang
at        puyo
ng kambal na tore ng
                            World Trade Center
     sa siyudad ng malaking       mansanas
                                     sa pulo't gatas
na lupain ng Estados Unidos--ika-11 ng Setyembre
dalawang libo't isa

anuman ang mga hakahaka, kurokuro at guniguning
nagsisibol            matapos ang malagim na kapalaran
         ng matitindig na gusaling            lumamon
sa halos 3,000 sibilyan
              ititiyak ko: hindi kailanman huminto ang daigdig

ng Estados Unidos
ng White House
ng West Point

paano hihinto ang daigdig          kung ang makinarya
ng pang-aalipi'y iginigiya     ng mga walang saysay
na              digmaan
     sa pagitan                ng         Agila at buhangin
                                                  Agila at hangin?

walang daigdig ang digmaan,
walang daigdig ang dolyar         bagkus ay isang
mapusyaw na pangarap lamang:
            isang                 bayang naglulunoy sa ilusyon
ng paghahari-
                     harian
                               sa kung alinmang bayang      ninais
na  dustahin at gatasan, guni-guning tumahak    
sa         mga siglo ng kasaysayan:

Philippines 1890s
Korea and China 1950-53
Guatemala 1954
Indonesia 1958
Cuba 1959-1961
Guatemala 1960
Congo 1964
Laos 1964-73
Vietnam 1961-73
Cambodia 1969-70
Guatemala 1967-69
Grenada 1983
Lebanon 1983, 1984 
Libya 1986
El Salvador 1980s
Nicaragua 1980s
Iran 1987
Panama 1989
Iraq 1991 
Kuwait 1991
Somalia 1993
Bosnia 1994, 1995
Sudan 1998
Afghanistan 1998
Yugoslavia 1999
Yemen 2002
Iraq 1991-2003 
Iraq 2003-2005
Afghanistan 2001-05
Pakistan, 2002-2003 ...

nasaan ang daigdig na gumigiling sa panambitan
at panawagan?

sa mga biktimang lagi at laging
biktima lamang                         naroroon, kanila
ang daigdig
                         sila ang daigdig
                         ngunit iyon ay di humihinto kailanman
pagkat          binabaybay,              lumalaon     lumalalim
tumitindi,     
ng           kanilang pananangis at himagsik

ang laya at hustisya          ang tinapay          ng      lantay
na demokrasya           at        rebolusyon

hindi pag-aari ng iilan ang daigdig
                                         hindi ito hihinto
sang-ayon sa kanilang 
      hakahaka, guniguni             at ilusyon

Silip

sa ulan ko hinahanap
ang nagbigkis nating hininga.

sumilip ka sa labas ng iyong bintana,
may hangin na sa iyo'y babati.

ako iyon,
aking tinatangi.

Kasi Nga'y Kaparis Ng Apoy Ang Paniniwala Kong Matutupok Ang Lahat Nang Di Inaasahan

ang tansong monumento ni Bonifacio sa bungad
ng Tutuban Center                              Mall
ay ang tiyak din na lugar
            kung saan dating nakatirik
ang kanilang bahay
bago ito                    sakupin ng Ferrocaril
at lapatan ng sala-salabat
na riles na bumutas
                      sa mga lansangan ng Maynila
at kalakhan ng          Luzon.

1891 nang pasimulan ang biyaheng Manila-Dagupan,
na lalong nagpasibong sa                          kasaysayan
ng Divisoria,
ng                Binondo,
ng                                Tondo.


mahaba ang kasaysayang sinasakop ng lugar na ito,
ang Tu             tuba                            n,
na hinango                    sa salitang
                        Tuba.

mga ilang metro                   matutunton
mo ang             tiyak ding lunan
            kung saan itinatag           ang Kataas-taasang
                                                           Kagalang-galangang
                                                           Katipunan
ng mga                                               Anak ng Bayan,

ang bahay sa 72 Calle Azcarraga.


kasalukuyang nagbubunyi ang apoy sa gusaling Cluster,
at ako, bilang saksi lamang sa pagkakatupok ng bubong
at pangingitim                                         ng pinturadong
mga pader at haligi,
                      ay saksi at saksi lamang. 

higit isang araw ng pagbubunyi,  
                                                    saan nga ba nagsimula
ang titis? sino  
                       at paano?


may mga sabi-sabing sinadya ito.


kumpetensiya ng nagyayabangang mga gusali
                   ng kalakal
na nagsulputan sa tadyang ng          Divisoria,
                                            ng          Binondo:
168
at 999,
Meisic Mall
at Lucky Chinatown,

mga higanteng kapital na kumitil
                     sa hininga
ng maliliit na puhunan ng maliliit
na paninda ng maliliit na tao
    sa mga bangketa ng Recto             at Ilaya,
ng Padre Rada
                        at San Nicolas,

taktikang kapitalista na           ipinakilala
ng SM
at Robinson,
at Trinoma,
at Gateway,
na taktikang kapitalistang       ipinakilala
ng kanluraning salaula sa dignidad ng tao
at paligid,

dalawang higanteng kumpanyang
pumatay
sa Abenida Rizal
at Escolta,

sa Dewey Boulevard
at Luneta.


bumaha ang mga miron,
nagsiritan ang mga tubig,
umalagwa sa himapapwid ang sirena
ng nagmamadaling firetruck,
sumayaw ang apoy sa bawat palapag,
nagsulputan ang mga alipato sa tuktok
ng naghihingalong bubong,
sing-itim ng burak
ang nag-uling na kisame,
nakababahala ang pagkabasag ng mga
jalousie na animo’y pagguhit ng kulog
sa langit na nabaog sa ulan,
impyerno
sa aking mga mata
ang pagdila ng apoy
sa lahat-lahat nitong maabot.


naikuwento ni Nanay:
dati na rin kaming nasunugan
noong sa Parola compound
pa sila naninirahan ni Tatay:
bagong mag-asawa
na agad sinampolan ng bangis
ng mapanlansi, higanteng apoy.

nasa sinapupunan ako ni nanay
nang mangyari iyon, sabi niya.

naalaala niyang hawak niya ang pakwan
niyang tiyan, na ako ang laman,
at naiwanan niya ang kaniyang sinelas
sa pagmamadaling iligtas
ang sarili

at ang ilang gamit:

isang nakatatakot na simula
para sa nagsisimulang pamilya.


sa apoy              sumibol
            ang utak               ng tao.


kung may utak lamang
ang apoy,
marinig niya                                  nawa
ang lungkot     sa aking dibdib--
ang naglalahong kasaysayang  
                                                lumulukot
sa aking pananalig,

sa aking kabataan

sa paligid ng Tutuban.