sang-ayon sa kanila,
huminto daw ang daigdig
nang saksakin ng dalawang
eroplanong kinamkam
ng mga Taliban: ang American Airlines Flight 11
at United Airlines Flight 175
ang tadyang
at puyo
ng kambal na tore ng
World Trade Center
sa siyudad ng malaking mansanas
sa pulo't gatas
na lupain ng Estados Unidos--ika-11 ng Setyembre
dalawang libo't isa
anuman ang mga hakahaka, kurokuro at guniguning
nagsisibol matapos ang malagim na kapalaran
ng matitindig na gusaling lumamon
sa halos 3,000 sibilyan
ititiyak ko: hindi kailanman huminto ang daigdig
ng Estados Unidos
ng White House
ng West Point
paano hihinto ang daigdig kung ang makinarya
ng pang-aalipi'y iginigiya ng mga walang saysay
na digmaan
sa pagitan ng Agila at buhangin
Agila at hangin?
walang daigdig ang digmaan,
walang daigdig ang dolyar bagkus ay isang
mapusyaw na pangarap lamang:
isang bayang naglulunoy sa ilusyon
ng paghahari-
harian
sa kung alinmang bayang ninais
na dustahin at gatasan, guni-guning tumahak
sa mga siglo ng kasaysayan:
Philippines 1890s
Korea and China 1950-53
Guatemala 1954
Indonesia 1958
Cuba 1959-1961
Guatemala 1960
Congo 1964
Laos 1964-73
Vietnam 1961-73
Cambodia 1969-70
Guatemala 1967-69
Grenada 1983
Lebanon 1983, 1984
Libya 1986
El Salvador 1980s
Nicaragua 1980s
Iran 1987
Panama 1989
Iraq 1991
Kuwait 1991
Somalia 1993
Bosnia 1994, 1995
Sudan 1998
Afghanistan 1998
Yugoslavia 1999
Yemen 2002
Iraq 1991-2003
Iraq 2003-2005
Afghanistan 2001-05
Pakistan, 2002-2003 ...
nasaan ang daigdig na gumigiling sa panambitan
at panawagan?
sa mga biktimang lagi at laging
biktima lamang naroroon, kanila
ang daigdig
sila ang daigdig
ngunit iyon ay di humihinto kailanman
pagkat binabaybay, lumalaon lumalalim
tumitindi,
ng kanilang pananangis at himagsik
ang laya at hustisya ang tinapay ng lantay
na demokrasya at rebolusyon
hindi pag-aari ng iilan ang daigdig
hindi ito hihinto
sang-ayon sa kanilang
hakahaka, guniguni at ilusyon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento