makulimlim ang pagkakalatag ng kanyang noo
nang sabihin niyang hindi nagtutugma ang ritmo
ng awiting kanilang pinagsasaluhan. madalas,
ganito ang nangyayari, parang araw na tinatabingan
ng ulap, at mga ulap na mababasag, at kakalat
sa langit, at magtutuldok ng patse-patseng lilim.
nakikita niya ang unti-unting pagpusyaw ng kaniyang
balintataw, sa tuwinang nagsasalubong ang alinlangan.
minsan , parang kulog ang hinahon sa lalamunan
ng kaniyang kasuyo, at kidlat ang takot sa kaniyang
dibdib--pumupunit sa pagitan ng kaniyang baga nang
walang pahiwatig, parang ugat ng puno sa salimuot.
at sa gilid ng labi, ang uwang, ang hanging lumilikha
ng hamog sa pisngi ng kaniyang sinta, namumuo
ang pangamba. na ang alinlangan at taliwas na tugmaan,
ang awitan, ang pagsasalo, ay yugto ng isang kasaysayan.
bahagi ng kaniyang kamuwangan, lumilipas ang kasalukuyan
at lulunukin niya ang sarili, at kakalingain ang pangamba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento