Miyerkules, Hunyo 20, 2012

Sa Isang Batang Karga Ang Kapatid Sa Kaliwang Kamay At Buklat Ang Libretong Abakada Sa Kanan

i.

alikabukin ang kanto ng Juan Luna at Recto
dahil sa di matapos na road project ng DPWH;
alikabukin at nakakabadtrip bagtasin--lumitaw
ka sa likod ng ulap ng makulot na usok ng dyip.
ikinalulungkot kong sabihin, pero, mukhang
tiyanak ang kapatid mo at ikaw, buto't balat
ng pasakit at dusa. batang inaagawan ng
karapatan, ano't sa kalunos-lunos mong kalagayan
ay para kang diyamanteng kumikinang sa pagtama
ng galit na titig ng araw? ang kapatid mong ,hindi
sa pangungutya, ay hirap kong hanapan ng rikit
dahil nga't nagluwa ang mata, malaking ulo,
at tuyong labi--mantakin mong sanggol at sanggol
pa lamang siya. ay! alam kong nasa loob ng kaniyang
mumunting dibdib ang hinahanap kong bulaklak.
at ikaw bata, nasa kamay mo ang di mananakaw
na yaman--cliche--pero yang hawak mong libreto,
diyan sa hawak mong libreto magsisimula ang wakas
ng iyong pagkakalusak. at magsisimula sa iyo,
ang rebolusyon ng mga uwak, na liligid-ligid
sa mga mansyon ng pinagpalang mga demonyo.


ii.




anhin ko ang dunong kung sumusulak 
ang dinayukdok mong larawan sa aking alaala?


Ba

ka kitlin ako ng aking konsiyensya na 
ang tula ko'y di man lang humikab para sa iyo.


Ka

hit alam kong ni hindi mo nga makikilala 
ang aking pangalan at laman nitong aking tula


Da 


hil ang agwat ng ating kalagayan 
ay sinala ng kapalarang hawak ng mga demonyo.


E

ntablabo ang lansangan na ating pinagsasaluhan 
sa mga umaga at gabi, hapon o tanghali;


Ga

sgas ang mga eksena tulad ng gasgas 
na anas ng ating mga daing at panambitan,


Ha

bang hawak ng iilan, damdaming atin sanang 
ilalantad, oo, dito sa lansangang makasarili.


I

mpit man ang tinig ng iyong pangarap 
at ikinukulong ang iyong naisin ng bulok na kalunsuran


La

laging nakalaan ang bukas para sa iyo, 
kahit lamunin pa ng usok at semento itong talinghaga.


Ma

nanatiling nakapanig sa iyong lungkot at pagkahapis 
ang tinunton ng kasaysayan at himagsik.


Na

katatak sa bandila ang iyong patutunguhan, 
sa kabundukan dumadagundong ang iyong hininga


Ng

nagpapasibol sa mga haraya, nagpapasayaw sa 
mga uhay ng palay, nagpapangalit sa mga lintik.


O

bligado kaming sa iyo ialay ang himaymay ng pluma 
at ang tula'y tinapay na ibabahagi sa iyo.


Pa

patagin ang tambak ng kahungkagan at kawalang 
katuturang titik at salitang nagbabartolina.


Ra

gasa mang sumusugod ang mga palaso 
at punglong bumibiktima sa ating pagnanasa't siphayo,


Sa

mpung libo't isang babalik at kikitil sa kanilang 
mga ugat ang kanilang balak at pagtatangka.


Ta 


nda ng ating pag-iisa, itong tula'y sanduguang 
magsusugpong sa ating bukas at pananalig.





mpisahan nating lusawin ang iyong kamuwangan 
sa pag-intindi sa inilalatag ng kasaysayan,


Wa 


wakasan natin ang sumpa ng kamangmangan 
sa bisa ng mga salita; itong Abakadang daigdig,


Ya 


ring simula ng bawat katapusan nilang sakmal 
ang ating laya at talinghaga, ang iyong kamusmusan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento