naipit na ako sa maraming pagkakataon, Manilyn
sa pagitan ng nagmamadaling mga balikat
sa mga siksikan at pulikat, pusaliang MRT,LRT at bus
init ng ulo ng pawisang tsuper at matalim
na dila ng highway officer, tiket kontra lisensya
sa pagitan ng araw at ulan, sa usok ng sigarilyo
sa mga restawran at bar, karsel ng lungkot at ligalig
pen gun at ice pick, balisong at paltik, angas
ng mga kabataang gabi-gabing naniniktik, riot! gang war!
ikit ng nahihilong shot glass, makunat na kropek
alimuom ng eskinita, alak na bubutas ng atay at memorya
sa pagitan ng takot at pangamba, sa hinala at akala
sa mga gabi at madaling araw, dilim kontra anino
naipit ako sa maraming pagkakataon, Manilyn
ngunit di tulad mo, hindi ako napiit at sumapit
sa lunos at gapos ng kawalang-katiyakan
Manilyn, biktima tayong lahat bagamat iilan lamang
ang biktimang nilalagom ang tagumpay sa ibabaw
ng kaniyang bangkay, isang dalisay na trahedya
Manilyn, alam mong hindi punglo ng tagapagpatag
ng bundok at mamumunla ng kasaysayang matuwid
ang gumahasa sa iyo, silang mga berdugong nagtatago
sa telon ng pagmamalinis, ang dapat nating mapalis
silang nang-iipit ng ating mga karapatan at nais.
(In Catanuan, Quezon, military men disrupted the funeral wake of 17-year-old Manilyn Caribot. Caribot was a resident who was killed during a crossfire between the 85th Infantry Battalion of the Philippine Army (IBPA) and the NPA last April 29, 2012--Bulatlat.com)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento