kilala mo siya,
siya iyong nakakabanggaan
mo ng balikat
sa makipot na pasilyong
namumulang tila santan
ng bitak-bitak na paaralan,
siya iyong matalim--
nakapupunit ng ulirat--
kung tumingin,
ang buong-buong boses
pero hindi nakaaakit
ng tainga,
siya iyong bigla-bigla, makikita
mong sasalampak sa sahig, at
magbabasa ng isang
klasikong nobela, halimbawa,
The Red and the Black ni Stendhal
o Germinal ni Zola,
siya iyong tipong di mo magugustuhan
ang pananamit:
punit na maong, kupas
pudpod na tsinelas
puting kamisong nagbabandera
ng paniniwala o larawan
ng isang grunge na banda,
siya iyong karaniwan
pero hindi payak,
siya iyon,
ang hindi takot sa bagsik ng ulan
hindi takot sa alimuom
siyang malalim kung sumipat ng kalangitan.
ipamamalita ko sanang
patay na siya, oo
wala sa loob ng nitso, hindi
pinaglamayan, humihinga
patay na siya;
hiningang walang sariling mukha.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento